ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Dalamhati at pagbubunyi


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hupa na ang baha, alon, habagat. Natuyo at nalinis na ang mga latak. Nag-abuloy na si Presidente Gloria Macapagal Arroyo ng tig-P10,000 sa mga nagluluksa pang mga kamaganak ng mga pasahero ng tumaob na MV Princess of the Stars ng Sulpicio Lines. Ang mga nakaligtas at naiwan ay sugatan sa pinsalang ibinagyo ni “Frank.” At ang puso ay hindi kasimbilis ng balat maghilom. Bumibenta na sa pila at komersyal ang por kilo ng tone-toneladang inangkat na bigas. Ang mga konsumer na may nakonsumong 100 pababang kilowatts ng kuryente kada buwan ay nakakunswelo na rin ng tig-P500 sa koleksyon ng VAT. Sa kabilang banda, parang itim na usok ang pagtaas ng presyo ng langis. Lunsad ng import-export dependent na ekonomya. Karagkarag na sistemang sumasalanta sa likas-yaman ng bansa. Ang epekto nito ay katumbas ng signal no. 4 na bagyo at intensity 7 na lindol sa badyet ng bawat lower at middle class na pamilyang Pinoy. Nagpaguho na naman ng alinlangan ang bitak sa pampublikong opinyon na gawa ng executive privilege sa appointment ni Sec. Romulo Neri sa SSS. Ang mga lider ng simbahan ay pumupusturang hindi manhid ang institusyon nila. Mga kondisyong panlipunan na nagpapasidhi sa basehan ng pagdadalamhati ng mga biktima at mamamayan. Kalamidad na kagagawan ng mga kapwa(?)tao. Hahayaan ba ang pagbubunyi ng loob ko na malibing sa ilalim ng tabon ng mga kondisyon at mababad sa ilalim ng dagat ng mga basehang nabanggit? Hindi. Ngayong 2008 ay ika-dalawampung taong anibersaryo ng pagseryoso ko sa bokasyon ng pagsusulat. Ito ang dahilan ng personal na pagbubunyi. At ang kasalukuyang mga kondisyon at basehan ay maihahambing sa mga kondisyon at basehang nangibabaw noong nanindigan ang hanay ng mga dakilang manunulat mula kina: Francisco Baltazar, Gat Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, Dr. Jose Rizal, Marcelo H. del Pilar; Amado V. Hernandez, Manuel Arguilla; hanggang mga manunulat na myembro ng Galian sa Arte at Tula (GAT) noong panahon ng martial law. Kahit nagdadalamhati, susubukin kong maging mapagbunyi ang bawat salita, pangungusap at talataang maglalahad kung paano ako naengganyong magsulat. Florante at Laura noong second year high school ang isa sa mga akda na unang nabasa, at Journalism na elective noong fourth year high school ang unang aktibidad na pumukaw ng interes ko sa literatura at pamamahayag. Inakala ng prof sa Pilipino noong first year college na kinopya ko lang ang assignment na tulang isinabmit sa kanya. Nakababa ng kredibilidad siguro ang balot ng hot pandisal na pinagsulatan. Sa pagbalik-tanaw, baka nga parang cut and paste ng ibaibang linya galing sa ibaibang tula na nakaimpluwensya ang datíng ng unang akda kong ‘yon. Mga serye ng Galian?mga antolohiya ng GAT, ang sumunod kong bibliya. Dito ako nakabasa at napahanga sa mga akda nila: Jesus Manuel Santiago, Fidel Rillo, Tomas F. Agulto, Jun Cruz Reyes, Romulo A. Sandoval, Reuel Molina Aguila, Danilo A. Consumido, Heber Bartolome, Butch Dalisay, Rene O. Villanueva, Rio Alma (pseudonym ni Virgilio S. Almario), etc.. Ayon kay Almario sa Galian 1, nagkakaisa silang: ibalik ang panulaan sa puso at tangkilik ng sambayanan. Nakatrabaho ng GAT sa mga proyekto nila ang gaya nila Robert Arevalo, Armida Sigueon-Reyna, Ai-ai De Las Alas, Ishmael Bernal. Pero noong February 1, 1988, nakulong ako dahil sa kasong paglabag sa R. A. 1700 o Anti-Subversion Law. February 26, 1988, paglaya ko, saka lang sineryoso ang buyo ng sining pampanitikan at pamamahayag. Paglipas ng mahigit isang buwan, nag-enroll ako sa workshop ng Rio Alma Poetry Clinic. Paglipas ng isang buwan lang din, may nakapagbalita na sangkot diumano si Almario sa pag-endorso ng kandidatura nina diktador na Presidente Ferdinand Marcos at Arturo Tolentino sa snap election noong February 7, 1986. Hinihinalang sangkot pa si Almario sa paglathala ng Miss and Miss, at Ang Madaya, lampoon sa Mr. & Ms. magasin at Malaya. Black propaganda ang mga ito laban sa oposisyon na pinamunuan nina Corazon Aquino at Doy Laurel. Ang kontrobersyal na balitang nasangkutan ng unang workshop teacher ko ay intriga sa nagsisimula noong pagpursigi ko sa malikhaing pagsulat. Kumawkaw sa isip ang panimulang tanong: gaano katotoo ang balita? At tumining pa: kundi mali, anong uri ba ng manunulat at pagsusulat ang hayagang tagataguyod sa interes ng mamamayan, pero lihim na tagasunod sa pabor ng diktador? Sa detensyon at laya, may takda ang kumbiksyon. Napawalang sala ako sa bista. At nagdisisyong hindi sumali sa organisasyon ng mga manunulat na gradweyt ng Rio Alma Poetry Clinic. At nagbintang ang ilan sa mga alumni na kumuha lang daw ako ng teknik kaya nag-enroll doon. Nang sumunod na taon, nakilala ko sila Santiago, Rillo, Agulto, Aguila, Sandoval at Consumido. Noon ko narinig ulit ang tungkol sa balitang pag-endorso, ang mga paglabag ni Almario sa mga prinsipyong pinagkaisahan nila sa GAT. Dahil dito, pinatalsik siya noong 1986 bilang tagapayo. Na nagresulta sa unang pagkawatak. At nirereorganisa nang magkakila-kilala kami noong 1989. Ginawang landmark case ng Supreme Court noong 1991 ang Roberto Umil vs. Fidel V. Ramos sa disisyon nito sa mga warrantless arrests. Nang sumunod na mga taon, umusad ang Peace Talk ng Government of the Republic of the Philippines at National Democratic Front. Pero lumagnap ang land conversion. Hawig na kondisyong pambansa sa kanyakanyang panahon ng mga nabanggit na dakilang manunulat. Mga tanod-kultura silang bumakbak sa mga basehan ng pagdadalamhati ng mga kapus-palad na mamamayan. Ang diskurso ng pagsabwat ni Almario sa mga pakana ng diktador sa kultura ay inilahad sa Kabilaan, sanaysay ni Aguila, prof na ngayon sa Departamento ng Filipino, University of the Philippines, Diliman. Ayon sa mga sinipi ni prof,

“Led by Writers Union of the Philippines (WUP) chairman Virgilio S. Almario, a delegation of writers and artists called on President Ferdinand E. Marcos at Malacañang last January 17, 1986 to present an 11-point petition (by the Coalition of Writers and Artists for Freedom and Democracy) designed to improve the lot of Filipino writers and artists and to bring about a national ambience conducive to artistic creativity and cultural development.” (Kalatas, Enero 1986, p.1). “The group that assembled hastily on snap notice from Labor Minister Blas Ople… sat for about two hours… spent another 15 minutes more exchanging small talk with a group that included Carmen Guerrero-Nakpil, Emilio Aguilar Cruz, Virgilio Almario and Hilarion Henares.” (Marita Manuel, Philippine Daily Express, Relaxed FM meets artists, writers, Feb.4, 1986, p.9).
Ayon pa kay Prof. Aguila, bukod pa rito ang mga kopya ng lampoon na nakita sa bodega ng Aklat Adarna, upisinang pinangasiwaan at inupahan ni Almario noon sa pumanaw na aktres, Adul de Leon. Nagkaila si Almario na may kinalaman siya sa lampoon. Pero nangalandakan sa kolum niyang Huling Kabit,
“Maliwanag naman ang saligan ng pagkampi kay Marcos ng koalisyon. Sa halalang ito ay naniniwala silang dapat iboto ang may karanasan kaysa isang nobatos na tulad ni Aquino… Ano ngayon ang masama kung ang isang makata ay pumanig kay Marcos dahil sa nabanggit na dahilan?” (PDE, Bakit may makatang Marcos pa rin?, February 6, 1986, p5).
Sa parehong kolum at dyaryo na may petsang February 22, 1986, nagkanulo pa si Almario na kasapi at tagapayo siya ng GAT. Kung ihahambing ito sa pambansang kontrobersya ng pagkakaila, ibrinodkas na mas malapit sa pag-amin ang “I am sorry!” ng “Hello Garci”. Delubyong gawi at kalakaran ng mga lider na huwad. Karagasa ng bagyo at baha ng likas na kalamidad. Karaniwang palipad-hangin ng mga lider ang buga ng kanilang mga labi, epidemya ang hatid galing sa unang milemyum at palasyo ng mga itim ang budhi. Pinaaantak ang naknak ng mga pusong may dalamhati. Ang paghilom ng mga biktima ng likas at kultural na kalamidad ay di personal na pagbubunyi.