AWOL
Ang ibig sabihin ng AWOL ay Absence without leave. Nag-absent ka sa trabaho na walang paalam. Sa military malaking kasalanan iyan at iyon ay paglabag sa Articles of War 58 at 59. Oo nga naman. Biruin mo kung may giyera at biglang umalis ka nang walang paalam. Di maiwan ang mga kasama mo doon na makipaglaban sa kaaway. Court martial ang bagsak ng isang miyembro ng military na nag-AWOL. AWOL ang ikinaso ng Philippine Navy kay Lt. Nancy Gadian. Maganda ito kasi mabubuhay ang isyu na AWOL ni Maj. Gen. John Martir na magiging Marine commandant sa susunod na buwan daw. Ang AWOL ni Gadian ay hindi pa umaabot ng isang buwan. Si Martir ay 477 na araw o halos isa at kalahating taon na AWOL! Sumuweldo siya sa buong panahon na yun kahit siya ay nasa Amerika. May arrest warrant na si Gadian. Hindi kinasuhan si Martir. Na-promote pa ng ilang beses. Kaya nga dalawa na ang estrelya sa kanyang balikat. Paano ngayon ipapaliwanag iyan ng military sa mga sundalo at sa publiko? Ganyan ang nangyayari kung ang institusyon katulad ng military ay ginagamit para sa pang-personal na interest ng isang pulitiko at sa sitwasyon na ito ay si Gloria Arroyo. Alam naman natin kung paano ginamit ni Arroyo ang military noong 2004 elections sa pandaraya. Kaya lahat ng opisyal na kayang magtakip ng mata sa pambababoy ni Arroyo sa militar ay OK lang. Kahit mag-AWOL katulad ni Martir. Kapag pinayagan mong bastusin ang batas at patakaran, paano mo ngayon ipatutupad iyan? Iyan ngayon ang problema dito sa kaso ni Gadian na ang ugat talaga ay kurakutan daw ng pera sa Balikatan exercises, ang pagsasanay na ginagawa ng mga Pilipino at Amerikanong sundalo dito sa Pilipinas. Pinaimbestigahan daw kasi ni Lt. Gen. Eugenio Cedo, dating commander ng Western Mindanao command, si Gadian sa nawawalang P2.3 milyon. Bumuwelta si Gadian at sinabi na ang heneral at iba pang matataas na opisyal ang kumurakot ng halos P40 milyon sa P46 milyon na budget para sa Balikatan noong 2007. At sinabi ni Gadian na ilalabas niya ang dokumento sa tamang lugar at oras. Pinaiimbestigahan na ni Senator Rodolfo Biazon ang akusasyon ni Gadian. Iimbestigahan din daw ng military ang akusasyon ni Gadian at mismo si AFP Chief Victor Ibrado ang mamumuno ng imbestigasyon. Ngayon pa lang, sinasabi na ng military na walang nawawala sa P46 milyong budget ng 2007 Balikatan. Na-liquidate raw lahat ang pinalabas na pera. Kaya, AWOL na lang ang kaso ni Gadian. May balita akong may mga miyembro ng civil society at simbahang Katoliko ang gustong tumulong at kumupkop kay Gadian at ng kanyang pamilya. Sinabi ngayon ni Arevalo na hindi na nila ipapatupad ang warrant of arrest kung kusang babalik si Gadian sa kanilang custody. Siyempre kapag nasa military custody na si Gadian, hindi na siya pwedeng magsalita. Baka walang mangyari na doon sa napabalitang kurakutan ng P40 milyon.