Labanang Pacquiao vs. Cotto, Vera vs. Couture
Makalipas ang pitong araw, panahon nang balikan ang bonggang banatan na naganap sa pagitan ng apat na bigating mandirigma. Ang dami na rin kasi ng sumulat sa akin tungkol sa nakaraang mga salpukan. Sa Manchester Evening News Arena sa Manchester, England, bumangga si Brandon "The Truth" Vera kay Randy "The Natural" Couture sa light heavyweight division ng UFC 105. Sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, US, hinarap ni Manny Pacquiao si Miguel Cotto para sa welterweight title ng WBO. Alam na ng lahat ang resulta â tinatak na ni Pacquiao ang kanyang pangalan sa kasaysayan ng boksing bilang unang boksingero sa buong mundo na nanalo ng pitong titulo sa pitong weight class. Sa larangan naman ng mixed martial arts (MMA), nagwagi si Couture laban kay Vera sa pamamagitan ng unanimous decision. Pagkatapos ng isang linggo â pagkatapos ng isang linggong pagwawagayway ng bandila't pagtutumba ng sandamakmak na serbesa't ginebra â panahon nang tingnan muli ang dalawang nasabing laban batay sa ialng anggulong hindi gaano nabigyan ng pansin ng maraming komentarista sa Pilipinas. 1. Mayroon pa bang natitirang palusot kung bakit hindi dapat ilagay si Pacquiao sa Top Twenty Fighters of All Time? Wala na. Ubos na ang palusot na maaring gamitin upang hindi kilalanin ang nakamit na tagumpay ni Pacquiao sa boksing. Tanging paungot-ungot na lang ang nalalabi sa pangunguna ng mga katulad ng boxing writer na si Vivek Wallace ng respetadong EastSideBoxing.com. Ayon kay Vivek, droga daw â posibleng nagse-steroids daw si Pacquiao at ito lang ang maaring paliwanag kung bakit nakayanan ni Pacquiao na abutin ang tugatog ng mundo ng boksing ngayon. [1] Isa lang ang dapat itawag kay Wallace. Tulad ng mga nagrereyna at naghahari sa Malakanyang, isa siyang tukmol. (Si Floyd Mayweather, Sr. din, ang dating coach ng kanyang anak na si "Money" at naging trainer ni Hatton sa laban ng Briton kay Pacman, ganito ang himig.) 2. Baka naman mayroong isyu pa sa kahandaan ni Cotto na sumabak sa laban? * Wala po. Preskong presko si Cotto nang magharap sila ni Pacquiao. Kitang-kita sa unang round niya kay Pacquiao na eksakto ang timbang ng Puerto Rican. * Hindi maaring ituring na laos si Cotto, tulad ng naging paratang kay Morales, Barrera, at De La Hoya. (Hindi man ako sang-ayon sa nasabing paratang, ito ang naging palusot ng marami sa boxing world kung bakit nagulpe ni Pacquiao ang mga nasabing mandirigma). * Hindi maaring ituring na "drained and dehydrated" si Cotto tulad ng akusasyon ng marami kay De La Hoya at Hatton. May puntos man ang isyung ito hinggil sa kondisyon ni Golden Boy nang labanan niya si Pacquiao, hindi dapat kalimutan na bahagi pa rin si De La Hoya â at si Hatton â sa kinikilalang hanay ng elite fighters. Sa parehong laban, ang babala pa nga ng marami ay baka malagay pa sa peligro ang buhay ni Pacquiao. Maling mali. 3. Tama ba ang sabi ng ilan na hindi pa rin talaga nasusubukan si Pacquiao? * Mali. Si David Diaz, may power pero walang bilis. Si Cotto, parehong mayroon. Dinaig lang talaga siya ng mas mahusay na boksingero. Ito rin mismo ang sinabi ni Cotto. Tunay na welterweight si Cotto. Siya'y top rank na boksingero at kinikilalang isa sa pinakamalakas sa kanyang dibisyon. Dating kampeon si Cotto at si Antonio Margarito lang ang talagang nagpaluhod sa kanya. Pinatunayan ni Pacquiao sa kanyang laban kay Cotto na hindi lamang niya binitbit ang kanyang bilis at lakas kahit na siya'y umakyat ng timbang. Pinakita rin ni Pacquiao na kaya niyang indahin ang mga suntok mula sa isang tunay na welterweight. Tinamaan si Pacquiao ng maraming kakila-kilabot na jab, right uppercut, at left hook mula kay Cotto. Naramdaman ni Pacquiao ang bigat ng kamao ni Cotto. Ngunit ilang ulit mang pumilantik ang ulo ni Pacman at ilang beses mang nasapol ang kanyang tadyang, hindi nanghina ang tuhod ni Pacquiao, hindi siya nahilo o gumewang-gewang. * Kung may matinding epekto ang mga suntok ni Cotto, ganap na babagal ang footwork at bilis at dami ng kombinasyon ng kanyang kalaban. Hindi ito nangyari. Halos kalahati nga ang tumamang suntok ni Pacquiao â336 â kumpara sa 172 ni Cotto. * Napakalaki na inunlad ni Pacquiao magmula ng agawin niya ang junior featherweight title Lehlohonolo Ledwaba noong 2001. Hindi na siya ang one-dimensional na boksingero noong una niyang hinarap si Morales noong 2005. Dati ang tangi niyang sandata ay ang kaniyang kaliwa â madaling basahin. Tama ngang tawagin niyang master si Roach ngunit wasto ding isuot niya ang lahat ng papuri ngayon sa kanya dahil pinakita niya ring handa pa siyang matuto at sumunod sa gameplan. Lahat ng anggulo, parehong kamao, komplikadong footwork, tibay ng panga, kondisyon ng katawan, disiplina ng pag-iisip â ito ang dala ni Pacquiao ngayon sa kanyang mga laban. Ang resulta â talagang talbog ang dekalidad na Cotto sa paraang napahanga pa ang lahat ng mga nakapanood sa laban. Wika nga ni Tim Dahlberg ng Associated Press, "Pacquiao didn't merely beat a world-class fighter, but systematically dismantled him." [2] * Ano pa man ang maaring resulta ng salpukan nila ni Floyd Mayweather, Jr. â kung mangyari man (ang unang pustahan ay kung papayag si Mayweather) â wala nang kailangan patunayan si Pacquiao. Malamang na kilalanin siyang pinakamahusay na boksingero sa kanyang henerasyon. 4. Dapat na bang itala si Pacquiao kasama ng Top Fifteen Fighters of all Time? * Pasensya na mga kapatid, pero hindi. Para sa akin, lampas na ni Pacquiao ang mga katulad nina Alexis Arguello, Salvador Sanchez, Roy Jones Jr. at, oo, pati na sina Julio Cesar Chavez at Bernard Hopkins. Pero sa Top Fifteen, masyado pang maaga. * Kung Pinoy ang iyong tatanungin, malamang walang kurap siyang sisigaw na "Dapat lang!" Kung ikaw ang nagtanong, tungkulin mong alamin ang pinanghahawakang batayan ng iyong tinanong. * Ang bansag na "All-time great" ay hindi basta-basta. Hindi ito pinapataw sa paborito ng panahon, maging sa napupusuan ng isang buong henerasyon. Huwag tayong magmadali na isalaksak si Pacquiao sa listahan ng Fifteen Greatest Fighters of All Time kung hindi natin kabisado ang nagniningning na kasaysayan ng boksing. * Pagkalipas na pagkalipas ng panalo ni Pacquiao kay Cotto, sinubukan kong agad na ilista ang para sa akin ay labinlimang pinakamahusay na mandirigma sa kasaysayan ng boksing. Maliwanag na hindi ako handang magbawas ng kahit na isa â na mapalitan ni Pacquiao ang sino man sa aking listahan. Eto sila (pero hindi batay sa ranggo o weight class): 1. Sugar Ray Robinson 2. Joe Louis 3. Muhammad Ali 4. Thomas Hearns 5. Roberto Duran 6. Joe Frazier 7. Jack Johnson 8. Jack Dempsey 9. Rocky Marciano 10. Henry Armstrong 11. Pernell Whitaker 12. Sugar Ray Leonard 13. Larry Holmes 14. Sonny Liston 15. Marvin Hagler Hindi ko makuhang maglaglag sa listahang ito ng kahit na isa. Tulad ng nasulat ko, hindi basta-basta ang malagay sa listahang ito. Kung hindi mo pa napapanood ang mga laban ng mga mandirigma sa listahang ito, hanapin mo ang kanilang mga laban. Panoorin mo. Ang record nila magbibigay ng katiting na katibayan kung bakit sila hinirang na pinakamahusay. Si Sugar Ray Robinson â 85-0 bilang amateur (wagi sa 69, at 40 nito first round KO). Ang pro record ni Robinson, 128-1-2 kabilang ang 84 KO. Si Duran, 119 ang propesyonal na laban; 103 ang panalo, 70 ang KO. Si Hearns, 155-8 ang amateur na laban, at 67 ang laban bilang pro (61 KO). Si Hagler, 62-3-2 (52 KO). Kung may pag-iisipan man ako â kung pepwersahin ako â titimbangin kong tanggalin si Leonard at si Sweet Pea Whitaker. Pero malamang hindi ko sila tatanggalin. Kung sasabihan akong "Basta! Pumili ka kahit isa!", si Leonard ang ilalaglag ko, pero dahil lamang pinilit ako. Pag tinalo niya si Mayweather Jr. sa 2010, posibleng may dalawa o tatlong bababa sa aking listahan at tiyak na papasok si Pacquiao â posibleng derecho sa loob pa ng Top Ten, depende sa uri ng kanyang pagkapanalo. Hindi pa tapos ang listahan ng mga kailangang harapin ni Pacquiao bago siya hirangin ng kasaysayan na maging walang kaduda-dudang bahagi ng Top Fifteen All-Time Greats. Nandiyan pa rin ang mas mapanganib na Shane Mosley. Nakaharang pa rin si Mayweather Jr. sa pintuan (wala si Mayweather sa aking Top Twenty), Paul Williams at Edwin Valero. Para makapasok ka sa Unang Labinlima, napakaraming dahilan na kailangang itimbang â oo, kasama na dito ang pagkakapanalo ni Pacman ng pitong titulo sa pitong magkakaibang weight class, pero isa lamang ito sa maraming dahilan. Sa susunod na ulat, talakayin natin si Pacquiao at si Gabriel "Flash" Elorde, ang pampulitikang ambisyon ni Pacman at ang komentaristang si Trinidad (isa sa mga paborito ko ngayon ngunit masyadong marami pa rin ang karaniwang sablay). Hinggil sa UFC 105, narito ang aking mga pagtingin: Una: Maliwanag pa sa sikat ng araw na kapag nagsabay ang top rank na laban ng UFC at boksing, talagang musmos pa ang koponang MMA. Saksakan man ng dami ng problema ng professional boxing, iba pa rin ang hatak nito kumpara sa UFC. Iba ang lalim na pinaghuhugutan ng boksing pagdating sa drama ng labanan. Ikalawa: Kontrobersyal uli ang hatol ng hurado sa salpukan ni Couture at Vera, tulad ng nakaraang labanang Machida-Rua. Nakaiwas si Couture sa unang tatlong sunod-sunod na pagkatalo sa kanyang career â29-28 ang score ng lahat ng huwes sa kanilang laban ângunit marami uli ang hindi sumang-ayon sa resulta ng desisyon, sa pangunguna ng komentaristang si Joe Rogan ng UFC (Ani Rogan, "We have a real problem with judging in MMA."). Posibleng nagwagi talaga si Couture, pero tila dapat pabor kay Vera ang naging desisyon. Sang-ayon ka man o hindi sa naging hatol ng hurado ng Couture-Vera, ang mga hindi maipagkakaila ay: * Sa edad 46, pinakita muli ni Couture kung bakit may karapatan siyang hamonin ang lahat ng pinakamahusay sa kanyang dibisyon. Pero bilang na bilang na ang mga araw ng The Natural. Sa katunayan, bumaba na ng husto ang kalidad ni Couture. Bumagal na ang reflexes niya at kitang kita na mas mabilis na siyang tinatablan ng mga hataw ng kanyang mga kalaban. * Hindi si Couture ang tunay na kaaway ni Vera. Si Vera ang talagang kalaban ni Vera â sarili niya. Napamalas man ni Vera ang kanyang patuloy na humuhusay na talento, kwestiyonable pa rin ang tibay ng kanyang mentalidad at ang kanyang physical conditioning. * Pinakita uli sa labang ito na mahina pa rin ang cardio ni Vera. Naubusan na naman ng gasolina si Vera, tulad ng nangyari sa huling niyang apat o limang laban. May ilang pagkakataon si Vera para mailigpit si Couture, pero kinulang siya uli sa bodega (at sa stratehiya) * Hindi intelihente ang pag-execute ni Vera sa kanyang stratehiya. Hindi niya na-impose ang kanyang sarili kay Couture at kinulang siya sa agresyon sa mga pagkakataong hindi niya dapat nilubayan ang kanyang kalaban. Nahirapan si Couture kay Vera, hindi ito maipagkakaila. Ngunit pag dating sa clinch, hindi si Vera ang dominante, kahit na sa huling round sa wakas na-takedown din niya si Couture. * Asintado ang mga sipa ni Vera pero sa maraming pagkakataon, si Couture pa rin ang tila nagko-kontrol sa kanilang laban, mula sa positioning hanggang sa kung hanggang kailan tatagal ang stand-up. Maaring sabihin na nakarami ng hataw na tumama si Vera, pero tila malaki ang naging pagtimbang ng mga huwes sa kakayahang i-kontrol ang laban. Kung nais ni Vera na mabigyan ng pagkakataon na makaharap ang may hawak ng titulo ng light heavyweight, hindi pwedeng talento lang ang kanyang bitbit sa laban. Higit pang agresyon (iba ang mentalidad ni Vera nang ma-TKO niya noong 2006 si Frank Mir sa round one), mental preparation at smart execution ng fight strategy â ito ang mga susi para ganap na mapasok ni Vera ang larangan ng top rank fighting sa UFC light heavyweight. Bata pa siya â wag lang siya mawalan ng puso â malayo pa ang kanyang mararating. Nasabi ko na dati at uulitin ko uli â hanggang angas at lakas o talento lang ang bitbit ng karamihan sa mga laban sa UFC, hindi makakaengganyo ang mga labanang MMA. Tingnan mo ang naging salpukan ni Dan Hardy at Mike Swick. (Panalo si Hardy.) Tuwing mayayanig ni Hardy si Swick, hahayaan niyang siya'y ma-clinch at pipilitin niyang i-takedown ang kanyang kalaban imbis na itulak palayo nang patuloy niyang paulanan ng suntok at tadyak ang hilo niyang katunggali. Ang labo, dong. ------- [1] Vivek Wallace, "Vivek Wallace speaks on Pacquiao, Cotto, Mayweather, and Margarito's potential innocence," EastSideBoxing.com, 19 November 2009.