ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kalapati: Dalawang yugto ng mataas na lipad


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Umpisa na ang una ng dalawang yugto na dulang pangtelebisyon tungkol kina Presidente Corazon C. Aquino at Senador Benigno S. Aquino Jr., episode ng Maalala Mo Kaya, Channel 2, paglabas ko galing banyo. Pinaawas ko muna ang posibleng tawag ng kalikasan bago inupuan ang, “panoorin mo!” yaya ng dating college batch mate. Pero bedmate ko na ngayon. 1. Pagluluksa ng mga anak na kababaihan nina Cory at Ninoy ang bungad ng istoryang inabutan ko. Habang nagsisinop ng mga gamit na naiwanan ng sumakabilang-buhay na ina. Nag-flashback ang alaala ng anak. Isinalaysay ang romantikong pagtatapo ng mga tinedyer na Cory at Ninoy. Sa party ito na ginanap sa isang mansyon. Malalahad sa usapan ng dalawa na ikalawang pagtatagpo na nila ‘yon. Puberty stage ang una nilang pagkikita sa okasyon ng mga asenderong pamilya. Sa pagsayaw nila ilalahad ni Ninoy ang panliligaw. Maghihiwalay ang mga landas nila. Mag-aaral si Cory sa US. Tatanggapin ni Ninoy ang assignment sa pinagtra-trabahuhan niyang diyaryo para i-cover ang gera sa Korea noong 1950-53. Pero patuloy ang komunikasyon nila sa pamamagitan ng sulat. Magkikita ulit sila sa debut ni Cory. Sinilebreyt ito sa isang hotel sa Pilipinas. Magbabalik-US si Cory at sa Korea ulit si Ninoy. Sa muling pagtatagpo, mapag-uusapan nila ang karanasan ni Ninoy sa pag-cover ng gera sa ibayong dagat. Magpapatuloy ang panunuyo ng binatang Ninoy sa dalagang Cory. Sasali siya sa mahjong ng bibiyenaning babae at mga amiga. Kumbaga sa ngayon e, papogi points. Malalahad pa sa isang date na nagpapaliwanag ang binata kung bakit sa ordinaryong restaurant niya isinama ang dalagang arál sa US. Maipahihiwatig na tuluyang napa-oo ang dalaga nang makatanggap siya ng regalo: portrait ni Cory; pagawa ni Ninoy kay Fernando Amorsolo. Sa isa pang date nila, habang bumibyahe sa kotse, maibabalita sa radyo ang pagsuko at pagpapakulong kay Luis Taruc, lider ng Hukbong Bayan Laban sa Hapon, ni Presidente Ramon Magsaysay noong 1954. Bubundulin sila ng isang sasakyan sa byaheng ito. Dahilan para ikaospital ni Cory. Paghihinalaan ni Ninoy na kagagawan ng kung sinong may kinalaman sa kaso ni Taruc ang “aksidente.” Ikababahala ito ng patriyarka ng Cojuangco. Magbababala ang matandang Cojuangco sa dalagang anak, na ang pagpapaaral sa kanya sa US ay hindi katapat ng gulo na aabutin niya sa pakikipag-mabutihan sa binatang beterano ng gera sa Korea. Maninindigan si Cory sa pangaral ng ama para sa katipan, (tawag noon sa karelasyon, o syota.) Bago mauwi sa kasalan, ihahayag ni Cory sa mapapangasawa na, “tahimik ang buhay” na gusto niya. Iba kaysa politika. Sa eksena ng honeymoon, ihahayag ni Ninoy ang hangarin niya sa politika. Sa puntong ito, nailatag ang hidwaan ng mga hangarin nila sa buhay. Maipadarama ni Cory ang reaksyon ng arál sa US na identidad niya. Uusyosohin ang kaputian at kakinisan ng kutis niya sa panahon ng kampanya ni Ninoy sa pagkameyor. Kultura ito ng mga kasamá sa asyenda. Panimulang buyô ng pag-unawa niya sa ambisyong politikal ng asawa. Mananalo si Ninoy. Pero matatanggal dahil underage siya sa rekisitos ng public office. Kasabay ang paglaki ng pamilya nila, ihahayag ulit kay Cory ang ambisyon ni Ninoy. Lalawig ito sa pagkasenador. Magsisimula ang kalbaryo ng mag-asawa sa pamamagitan ng banta kay Ninoy na itinawag sa telepono. Magiging masigasig si Ninoy sa isang privilege speech niya sa senado. May itatawag ulit na banta. Pero susuklian ito ng pag-asikaso ni Cory sa mga anak. Sa isang miting ng senador, darating ang arresting team ng Philippine Constabulary. Pagbibigyan ng PC ang pakiusap ni Sen. Aquino na tawagan ang asawa. Ibabalita ng senador ang sitwasyon. Bibilinan niya ang asawa na umalis sa bahay. Nagdarasal sa papalayong sasakayan sila Cory at mga anak habang sinisita ng mga PC ang katulong ng pamilya Aquino para pasukin ang bahay. Upisyal na pagpataw ng Martial Law ang pagtatapos ng unang yugto noong Enero 23. Iniere ang ikalawang yugto nitong Enero 30. Inabutan ko ang karugtong sa eksena sa: 2. Sentrong kulungan sa Fort Bonifacio. Isa si Sen. Aquino sa nagkitakitang mga arestado na politikong oposisyonista sa rehimen ni Pres. Ferdinand E. Marcos. Selebrasyon ng birtdey ng pinakabatang senador, Nobyembre 27, 1972. Mamamalayan na lang sa pagdalaw nila Cory at mga anak, na si Sen. Jose Diokno na lang ang kasama ni Sen. Aquino sa bilding na pinagkulungan sa kanila. Matututuhan ng pamilya ang pagpuslit ng mga mensahe ni Ninoy sa mga kaibigan. Isinusulat ito sa mga balot ng kendi. Daranasin ng pamilya ang higpit ng pangangapkap ng mga bantay na PC. Matutuklasan ng PC ang pinupuslit ng pamilya. Maghihigpit ang kulungan. Mawawala sa Fort Bonifacio si Sen. Aquino. Aabutin ng isang buwan, matatagpuan ng pamilya sa Camp Laur, Nueva Ecija ang detenidong senador. Emosyonal ang pagkikitang ito. Sisigla si Sen. Aquino nang ibalik ulit siya sa Fort Bonifacio. Sa pagkakataong ito, pangangakuan niya ang panganay, Ballsy, na baka makauwi siya sa debut ng anak. Hihilingin niya raw sa sulat kay Pres. Marcos. Aasahan ito ng anak sa araw ng selebrasyon. Pero bigo. Ang pagtagal sa kulungan ay magiging inspirasyon ng senador para tulaan ang asawa, “I Have Fallen in Love With The Same Woman Three Times,” na pansamantalang mag-isa na tagataguyod sa mga anak. Magha-hunger strike si Ninoy. Mararatay sa kulungan. Magbu-voice over ang nagsasalaysay na ginawa ito ng senador “para sa libulibong Filipino.” Pupunahin ng pari, Fr. Dela Costa, sa pamamagitan ng sulat na pinadala kay Cory, na “isang kaduwagan ang ginagawa ni Ninoy.” Kakain ulit ang senador dahil “natauhan” sa puna. Matutupad ang pag-uwi ng senador, kasama ang mga PC na bantay, sa graduation ni Ballsy. Masusundan ulit sa wedding anniversary nila ni Cory. Ganumpaman, aatakehin sa puso ang senador habang nasa kulungan. Ihahayag kay Cory na hindi niya maaatim na ma-confine sa Heart Center, itinuturing noon na white elephant at isa sa magagarbong proyekto ni First Lady Imelda Marcos. Igigiit niya na sa US magpagamot. Masusorpresa ang mag-asawa sa dalaw ni First Lady na may dalang balita na pumayag si Pres. Marcos para magpagamot si Sen. Aquino sa US. Muling mararanasan ng mag-anak sa US ang tuwa ng pagkabuo ng pamilya sa panahon ng pasko. Pero maliligalig ulit sila sa oras na maging aktibo si Sen. Aquino sa mga pagtitipon ng mga Filipino sa US. Sa isang sandali, sa kwarto ng mag-asawang Aquino, ipadarama ni Cory ang bigat ng loob niya laban sa ideya ni Ninoy na magbalik sa bansa. Iriresolba ng mag-asawa ang problema ng pagbalikbayan sa isang family conference habang nagsasalusalo. Hindi napigilan ang mag-isang byahe ng senador. Ang kutob ng banta sa buhay ay isusulat ni Sen. Aquino mula sa stopover sa Taipei. Eksena ng pagpaslang kay Ninoy sa tarmac ng Manila International Airport dissolve sa libing, People Power 1, libing kay Cory ang pagtatapos ng episode. 3. Ginampanan nina Bea Alonzo at Piolo Pascual bilang mag-asawang Presidente Cory Aquino at Sen. Ninoy Aquino. Sinulat ni Joan Habana, direksyon ni Jeffrey Jeturian. Mahirap imadyinin ang prinoblema sa lapit o approach ni Habana sa pagsulat ng iskrip nitong Kalapati. Pang-epiko kasi ang piniling timeline ng mga buhay ng dalawang anak ng mga asendero na hinuli para sa produksyon. Syempre kasama ang buong production team sa pagpasya kung kanino manggagaling ang punto de bista ng istorya sa yugto ng pagsulat pa lang. At malamang na may kunsultasyon ito sa mga anak ng dalawang martir na mga asendero at lider ng bansa. Nakaganda ang paggamit ng mga actual footage mula sa gera sa Korea, privilege speech ni Sen. Aquino, deklarasyon ng diktador ng martial law noong Setyembre 21, 1972, speech ni Sen. Aquino sa L. A., stopover niya sa Taipei, touchdown at asasinasyon sa kanya sa MIA tarmac at ang magkahiwalay na libing nilang mag-asawa. Sa katunayan, kung wala ang device na ‘to, trivial partikular sa pag-iibigan ng mga anak-mayaman ang dating ng dalawang serye. Halata ang pag-iwas sa yugto ng preproduction pa lang sa maraming pangyayari sa lipunang Pilipino na may kinalaman sa paninidigan ng martir na senador. Maipapalagay na ang sablay na ito ay galing sa disisyong ipirmis sa punto de bista ng anak ang naratibo. Ramdam tuloy ang pa-neutral epek ng epikong pinagkasya sa dalawang episode ng pambatong programa ng network. Halimbawa, kahit nailatag sa unang yugto ang progresibong paninindigan ng batang journalist na si Ninoy laban sa gera, hindi na pinalawig pa ang simpatya niya nang traydorin ng administrasyon ni Pres. Magsaysay si Taruc. Mahalaga ang bahaging ito ng kasaysayan ng lipunang Pilipino sa pag-unlad ng pananaw at paninindigan ni Ninoy bago naging politiko. Siya kasi ang inatasang emisaryo sa pagpapasuko kay Taruc. Ang paglabas ng kalapati sa kasal ay kinapos ng pagpapakita sana ng mga eksenang kumonek sa pamagat. Mahalaga ang metaporang ito sa relihiyosang katangian ni Pres. Cory Aquino. Sa buong naratibo (at sa projection ng pagiging santa ng martir na presidente.) Isa mga highlight nito ang paggamit sa ikalawang yugto ng soundtrack ng musikang inilapat ni Jose Mari Chan sa I Have Fallen In Love na tula ni Sen. Aquino kay Citizen Cory. Nakaiintriga ang pag-iwas sa eksena kung paano niresolba ng senador at Cory ang balita ni FL ng pagpapahintulot ng diktador para magpagamot sa US si Sen. Aquino. Samantalang mahigpit ang pagtanggi sa garbo ng mga proyekto ni FL. Ang ganitong kahinaan ng dalawang yugto ng Kalapati ay matutukoy sa pagpapalagay ng produksyon, na alam na ng manonood ang maraming bagay sa kabayanihan ng mag-asawang naging lider ng bansa. Pero malaki ang agwat ng mga henerasyon ng mga manonood na dumanas ng lagim ng martial law, post Ninoy Aquino assassination, People Power 1, administrasyon ni Pres. Cory Aquino, papel ni Pres. Aquino sa panawagan ng pagpapa-resign kay Pres. Gloria Macapagal Arroyo para unawain ang mga pinagdaanan nila. Kung tutuusin walang kinalaman ang manonood sa pribadong yugto ng mag-asawang tinuturing na mga bayani. Pumapasok lamang ang kaugnayan ng manonood, bilang mamamayan, sa pagkapolitiko nina Pres. at Sen. Aquino. Pero pribado ang kabuuang feel ng Kalapati. Dahil pribado ang kabuuang feel, nagmukhang sinangkalan tuloy ang mga mababa kaysa Kalapating mataas ang lipad. Hindi parehas kung sina Jeturian at Habana lang ang kumargo ng mga sablay. Commissioned work kasi ito at nasa poder ng MMK production team ang mga disisyong humugis sa istorya. Nakagaan sa dalawang episode ang pagganap ng dalawang pangunahing bituin ng network at iba pang mga aktor. Kilala si Jeturian sa paghawak ng mga proyekto sa mainstream at “independent” na mga produksyon. Critically-acclaimed ang mga napanood ko. Ang iba sa trabaho niya ay pumatok sa takilya. Ang iba ay hindi. Sa dami ng patalstas ng programa, sigurado ang kita. Pero mas malala ang problema kung kumita ang isang proyekto kahit tistisrya ang sustansya. Para sa mga proyektong gaya ng Kalapati, sa ganitong eksaktong panahon na naghahanap ng kabuluhan ang buong bayan, at ng direksyon ang kolektibong kinabukasan, makabubuting nasagot na sana ng mga alagad ng sining, at mga prodyuser, ang importanteng tanong: “racket o aesthetics?” “Para kanino ang craft ng paggawa ng sine, sa mga naninikil ba, o sa mga dapat lumaya?”

Tags: abetumil