ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Reunion sa kulimlim


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Malugod na gawad ang reunion para sa magkakaklase at magkaka-eskuwela noong hayskul. May tatlumpu’t tatlong taon nang walang kumustahan ang marami sa kanila. Maaaring kapana-panabik ang proseso ng mga inunlad. O kagitlagitla ang kinahinatnan ng mga katayuan sa buhay, pangangatawan, saloobin at kaluluwa ng sinoman sa bawat isa. Karaoke bar sa Ermita, Manila ang dinausan ng reunion na tinakda alas-5:00 n. h., Hulyo 9, 2010, panahon ng pangungulimlim. Sa usapang personal, makabuluhang dagdag na bilang sa mga daliri ng isang kamay ang pambihirang pasyal na ito sa karaoke bar. Bumabaybay pa lamang ang sinasakyan ko sa tapat ng UST sa España galing Quezon City mga bandang alas-5:45 n.h., nagkakalantugan at kalansingan na ang mga kubyertos, bote at baso sa isang pribadong kuwarto ng bar. Saliw ang mga boses ale at mamà. Inaasahan ang paalalang tawag nang tumunog ang ring tone ng cell phone. “Andito na kaming lahat. Asan ka na?” May lambing na boses ng babaing kaklase sa Third Year-Mahinahon at coordinator ng kitakits. Agarang sidhi ng pananabik ang sumulak na talaytay ang biglang tinibok. Naging mabagal lalo sa pakiramdam ang takbo ng sinasakyan. Lalong humigpit ang pagkakabuhol ng trapik. Walang kasing ingay ang arangkada at haginit ng mga makina. Walang kasing init ang temperatura. Kapag nasuot sa hadlang ang biyahe, ang pagsipot ay siguradong atrasado. At habang binabanas sa pagkainip, banayad na pagtitimpi ang paghaya sa isip na pilit nag-a-adelantado. Ilan na kaya sila? Sinusino kaya sa mga naging kaklase mula first hanggang fourth year ang nagsidating? Anuano na kaya ang mga trabaho at pinagkaka-abalahan nila sa buhay? Anong uri kaya ng mga karanasan ang pinagdaanan at pinagdadaanan ng mga barakada sa Batch 77 ng Pasay City West High School? Paano na kaya ang itsura’t pananamit, kilos, pananalita at saloobin ng mga batchmate? Ilang tanong ang mga ito na napiga ng tibok at talaytay habang umuusadusad ang biyahe. Ang mga sagot ay depende sa mga kondisyong panlipunan na bumunsod mula sa panahon ng pinatalsik ng People Power 1 na diktador at dating Presidente Ferdinand Marcos, Pres. Cory Aquino, Pres. Fidel Ramos, pinatalsik ng People Power 2 na si Pres. Erap Estrada at nakalusot sa mga kasong anti-korupsyon na Pres. Gloria Arroyo. Depende rin sa naging pagpapalaki ng kani-kanyang magulang. Sa mga naging halagahang moral, o moral values at sistema ng paniniwala, o belief system na pinapamantayan. Kombinasyon ng panlabas at panloob na mga kondisyong humuhubog ng kabuluhan sa pagkatao ninomang nasa paga-limampung taon nang karanasan at katandaan. O anomang idad. Isang maputing ale ang nakatayo paharap sa labas ng counter. Parang batang bersyon ni Doña Delilah na amo ni Matutina ng John & Marsha, palabas sa TV noong panahon ng martial law. Chinita. Kahit diretso, halata ang orihinal na kulot ng mga hibla ng buhok. Nakatutok sa tenga ang cell phone. Kung ipauubaya kay Belo ang bilbil, saktong siya ang isa mga kaklase noon. Kuha ni Nancy Guarin Sa kaliwang tagiliran niya ang direksyon ng pintuan ng isang pribadong kuwarto. Kung ano ang taray ni Doña Delilah sa manugang na si John ay siya ring taray ng alaalang nagpaalimbukay ng bagabag sa budhi. Pinabigat at pinabagal nito ang mga hakbang ng paa ko. Isang pakiramdam na sagabal pero di inaasahang nangyayari sa gaya nitong okasyon ng muling pagtatagputagpo. Tiyempong iminumuwestra sa akin ang direksyon ng tipuntipon nang halos sabay na lumabas sa pintuan ang isang ale at mama. Mapagkakamalan na bata ng mahigit sampung taon ang itsura ng ale kundi dahil sa kulimlim na aura. Kahit lumawak ang hairline ng mama, tandang tanda ko pa na siya ang taga-awat at tagapagbatî kapag nagkakagalit kami ng kaklaseng karelasyon noon sa hayskul. Halos mauntog sa hamba ng pintuan ang isang pang lumabas. Eksaherado ang shades. Naka-foundation, eksaherado rin ang beads na terno sa makulay na bestida. Ang dibdib niya ay madaling matiyak na hugis pambabae. “Akala ko principal sa school,” pansin ng kaklaseng lumawak ang hairline. “Si ‘Lyza’ pala.” Isang mabilis na batian, pose sa harap ng counter at klik ng digital camera. Tumuloy si Lyza sa CR ng babae. Siya si Emmanuel, o Manny na kaklase namin noon sa Mahinahon. Nagpaalam ang kaeskuwelang kulimlim ang aura. May hapdi ang tingin niya. Parang katas ng kalamansing pumatak sa di pa hilom na sugat. Alimbukay sa alaalang nagpabagal sa hakbang ko kanina. Hinatid ko siya palapit sa hagdanang pababa mula sa ikatlong palapag na inakyatan ko pa lamang. Hinahagilap ng isip ko ang motibasyon ng pag-anyong babae ni Manny at ang pambungad na sasabihin sa kaeskuwelang kulimlim ang aura. Nilahad ko na may pinaalala sa akin ang kaklaseng ala-Doña Delilah sa di sadyang pagkikita noong kalagitnaan ng dekada 90. Isang insidente ‘yon na kinasangkutan ko at ng nabiktimang kaeskuwela. Nakatitig siya sa mata ko habang sinasalaysay ang pakay ko. Pagkatapos ay dumampi ang kaliwang palad ko sa kanang balikat niya saka humagod ng pagsusumamo. Ngiti at pagtanggi sa hiling kong pagbalik sa kuwarto ng okasyon sagot niya. Saka marahang bumaba. Kumakanta sa center stage si Lyza pagpasok ko. Isang akbay at tapik sa balikat ang papansín at muling bati ko sa kanya para sa lahat. Saglit na kumandong ako sa armchair. Nakisalamuha. Bawat pangungumusta ay parang mabilis na bulusok pauwi sa Pilipinas galing sa kung saang galaxy sa labas ng Milky Way. Bawat lagok ng juice, softdrink at beer, subo ng pagkain at nguya ng pulutan ay parang ritwal ng pagdiriwang na pinapasinaya kapag sumasapit ang Christmas party, field trip at excursion sa pagitan ng mga klase at bakasyon. Bawat pagbalik-tanaw sa mga partikular na pinagsamahan kaugnay ng isang partikular na (mga) kaklase-barkada ay parang takdang-aralin na kailangang iulat sa harap ng klase. Na kapag sinabi ni titser na mali ay siguradong kantyawan ang nagaganyak. Na kadalasan ay nauuwi sa malutong na hagalpak. Ang kaibahan ng kulangkulang sampung buwan na paghahasa ng kaalaman sa loob ng apat na taon sa mataas na paaralan, kaysa ilang oras sa gabi ng pagtitipon na ito, ay walang aalalahaning pasang-awa o bagsak na grado. Hindi puwedeng magkopyahan dahil ang bawat isa ay istudyante, guro at principal basta bukas sa aral ng karanasang ibabahagi. Ang pagiging valedictorian ay salig sa resulta ng kakayahan at kinombinasyon nitong gawi sa praktikal na buhay ng indibidwal. Hindi sa pagsanib sa moralidad ng dalawang na-People Power na mga administrasyon. Hindi sa moralidad ng dalawa pang mga kamaganak at kasabwat lamang ang mga pinaboran ng pakinabang matapos paganahin ang mga institusyon ng demokrasya sa bansa. At lalong hindi sa moralidad ng isa pang patungpatong na impeachment case ang nilusutan dahil sa pagkabihasa sa korupsyon. Hindi sumalalay sa mga napaglipasan na payo ng mga magulang bagamat may pag mano pò sa nakatatanda. Hindi rin sumalalay sa mga nakapusod at nakasalamin na protocol ni Miss Tapia bagamat may pagtalima sa kabuluhan ng araling tinakda. Hindi pa sumalalay sa decorum ng okasyon na dinaluhan ni Cinderella bagamat may uri ng pagkadisente. Hindi man nagsisimba tuwing Martes, Linggo at di nakapagdarasal tuwing tanghali at Angelus, ay mayroon ding sampalataya sa espiritwalidad. Bago sumapit ang maximum na oras ng reservation, isang programa ang pinasimunuan ng coordinator at pinadaloy ng isa sa mga HS bestfriend na seaman-OFW na ngayon. Sa presentasyon ng sarili ng bawat isa, mula sa mata ay parang limang porsyento (5%) lamang sa mga nagsidalo, ang regular na umiinom ng gamot para sa high blood, umaangal sa pananakit ng mga kasukasuan, natutulala sa pagkaulyanin. Isa pang limang porsyento ang nakapaggiit ng sekswalidad at bumaling sa retoke ng katawan. Samakatwid, siyamnapung porsyento (90%) ay mala-rosas ang kulay ng mga kuko. At beinte-beinte (20-20) ang bisyon sa kinagisnang pananaw sa kasarian at buhay. Waring ganap ang mga natupad na estado sa buhay: administrative officer sa isang parokya ng kilalang technical school ng Katoliko; operations manager ng construction company; mga negosyante; junior executive ng malaking imprenta; early-retired manager ng isang multinational company; accountant sa treasurer’s office ng pinakamatandang lungsod; konektado sa LRT Project; directress ng sariling eskuwelahan; homemakers. At siyempre, mga OFW. Manakanakang may pabibong mga kantyaw ang sumapaw sa bawat patotoo. Isang gawi at katangian na kadalasang problema ng mga guidance counselor at adviser ng mga tunay na hayskul. Pero sa partikular na gabing ito, ng partikular na barkada sa Batch 77 ng PCWHS, ospital ang lugar ng mga seryoso. Ganumpaman, bahagi ng programa ang tanong na, “sino’ng crush mo nu’n?” Isang uri ng usyoso na depende kung kinakunot-noo ay nangantiyaw at nangiliti ng kilig. Kuha ni Aisa Mijeno Habang nagpapaalaman, hindi ko na naimungkahi ang ganitong pagsasara: “Panginoon, kami pong mga girl at boy scout pa lang noong ipataw ang martial law ay hindi nabugnot nang mawala ang paborito naming cartoons sa TV. Salamat na pinagtagpo Ninyo kami noong hayskul. Tiniis naming hindi nagkitakita noong People Power 1, 2, etc… Pero basta interes ng sariling pamilya, kami po ay laging handa. Halata pong sinlawak ng sansinukob ang Inyong unawa at ang aming tuwa. Siya nawa.” Hindi ko na rin binahagi sa kanila, na bago ako pumasok sa kuwarto ay sinabi ko sa kaeskuwelang kulimlim ang aura, na anomang pagkabalisa ang naidulot ng kapilyuhan ko noon ay ihinihingi ko ng paumanhin. Nang yayain ko siyang bumalik para ipahayag ang public apology ko sana sa harap ng mga ka-reuinion sa gitna ng okasyon, noon siya tumanggi. Lumagutok sa baitang ang kanyang mga yabag. At sa kulimlim ng aura ay sumilay ang sinag.