ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Noong naging Iskul Bukol ang Senado
By BENJAMIN PIMENTEL
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
SAN FRANCISCO – Sa palabas na “OK Lang” unang sumikat si Tito Sotto bilang komedyante. Mas naging kilala siya sa “Iskul Bukol,” tungkol sa isang barkadang magaling sa kalokohan sa Wanbol University.
Ngayon, sa Senado na siya nagpapatawa. Bagamat gusto mong matawa at maiyak sa iskandalo tungkol sa talumpati niya laban sa RH bill.
Napakasimple lang naman sana ng ginawa ng Senador para maiwasan ito. Kung gustong gamitin ang mga salita ng ibang tao, sabihin mo na lang, “And as the blogger Sarah Pope said, and I quote…” tapos gamitin mo na ‘yong mga gusto mong gamitin sa sinabi ng kokopyahan mo sana.
Kaso istilong Iskul Bukol ang lumabas.
Seryosong usapan tungkol sa seryosong isyu naging kakatawang rambulan mula sa Wanbol University.
Ngayon, nasabit tuloy ang Senado ng Pilipinas sa isang kahiya-hiyang eksena. Na naging international pa.
“Lying thief” ang tawag kay Sotto ng blogger na si Sarah Pope, na naka base sa Amerika pero biglang nasabit sa bakbakan ukol sa karapatan ng mga kababaihan sa Pilipinas.
Alam na natin ngayon na mukhang hindi si Sotto ang sumusulat ng mga speeches niya. ‘Di naman nakakagulat ito, dahil malamang maraming pulitiko e umaasa din sa iba para dito.
Pero mukhang sa lagay ni Sotto, hindi man lang ata binabasa o inaaral ang babasahin sa Senado—kahit tungkol ito sa napakaimportanteng isyu na mainit na pinagdedebatehan.
Ang pinaka nakakadismaya e ang reaksyon ng opisina ni Sotto sa pambibistong ginamit ng staff niya ang sinulat ng iba nang ‘di man lang pinapaalam na ginawa ito.
Muli, napakasimple lang dapat ng sagot: “Sorry we made a mistake. Nagkamali kami.”
Kaso hindi ganoon ang ginawa.
“Why would I quote from a blogger? She is just a blogger," ang birada agad ng Senador.
Tapos humirit ang chief of staff niyang si Hector Villacorta. Wala raw masama sa nangyari dahil “blogs are not covered by copyright. It is a new media and there is no jurisprudence yet,” sabi niya sa Associated Press.
Ngayon, may mga ibang pulitikong nahuling gumagamit ng mga sinabi ng iba nang walang sinasabi. Isa na dito ang bise presidente ng US, si Joe Biden. Pero kumpara natin ang reaskyon ni Biden sa ginawa ni Sotto.
Noong 1988, nahuli si Biden na gumagamit ng mga linyang unang binigkas ng British Labor Party leader na si Neil Kinnock.
Matagal nang ginagamit ni Biden ang mga linyang ito, at noong simula, nililinaw niyang galing kay Kinnock ang mga sinabi niya. Pero dumating ang panahon na hindi na niya sinasabing hindi kanya ang mga linya.
Doon siya nadali. Humingi ng paumanhin si Biden at napilitang umatras sa kampanya para sa White House.
May debate pa rin tungkol dito hanggang hangyon. Pero kung ikukumpara kay Biden, halatang mas naging garapal ang reaksyon ng kampo ni Sotto.
Kasi kumbaga sa basketbol, ang linaw linaw nang nasapal ka, humirit ka pa nang “foul.” Ikaw na ang nagnakaw, ikaw pa ang nagalit.
Lampas na sa usaping RH ang kontrobersya. Nakatutok na ito sa kredibilidad, hindi lang ng isang pulitko. Kredibilidad din ito ng Senado sa mata ng mga Pilipino at ng buong mundo.
At, higit sa lahat, kredibilidad ng isang namumuno sa mata ng mga kabataan.
Anong mensahe nito sa mga kabataan: “Mangopya sa classroom? Okay lang! Mandugas ng gawa ng iba? Okay lang. Kahit Senador ka na? Oo, okay lang. Istilong Iskul Bukol lang.”
Hindi na nakakatawa.
On Twitter @KuwentoPimentel
More Videos
Most Popular