ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ang utak sa likod ng demolition job kay Senator Sotto


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Ang walang tigil na pag-atake sa kanyang integridad ay isa raw demolition job, sabi ni
Senator Vicente Sotto III
 
Tama siya.
 
Malinaw na ang kontrobersiya batay sa mga bintang na nandugas ang senador sa gawa ng
isang blogger ay isang walanghiyang pananabotahe sa maganda niyang pangalan.
 
At alam ko kung sino ang may sala: Si Tito Escalera ng Wanbol University.
 
Sino pa nga ba ang makagagawa ng paninirang ito, ng demolition job sa isang marangal na tagapaglingkod sa sambayanan?
 
Ang isang senador ng republika ay may malinis na mga adhikain, may matatag na mga
paninindigan.
 
Siya’y sumusunod sa matuwid na landas. Siya’y matapang na nagtataguyod ng kanyang
mga pinaniniwalaan – kahit kung ang mga ito’y hindi popular o salungat sa pananaw ng
maraming tao.
 
Hindi siya natatakot ipagtanggol ang kanyang mga paniniwala. Kung nakikita niyang
makakasama ang RH Bill sa bayan, sasabihin niya ito. Pagsisikapan niyang kumbinsihin ang madla na wasto ang kanyang posisyon.
 
Aaralin niya ang mga argumento. Hihingi siya ng opinyon ng mga eksperto. Subalit hindi
siya makukuntento sa basta-bastang paliwanag. Babasahin niya ang mga nasulat na.
Magtatanong. Magsisiyasat. Sisikaping buuuin ang kanyang sariling mga posisyon.
 
Maaaring humingi siya ng tulong sa iba. Subalit bilang kagalang-galang na senador ng ating bayan, alam niyang tungkulin niyang pag-aralan nang mabuti ang mga pasikot-sikot, ang siyensya, ang mga masalimuot na mga argumento tungkol sa isang napakaimportanteng isyu.
 
Sa prosesong ito, may paggalang siya sa mga gawa ng iba. At magbibigay siya ng karapat-dapat na pagkilala sa mga nasulat na at nasiyasat ng iba. Samantala, sisikapin niyang ipahayag at ipaliwanag sa kanyang sariling mga pangungusap ang kanyang mga pananaw at paninindigan.
 
Bahagi ito ng kanyang trabaho. At seryoso siya sa trabaho. Hindi niya ito babalewalain.
Siya’y tunay na tapat at masigasig na miyembro ng Senado ng republika.
 
Ngunit anong nangyari?
 
Bakit may mga bumabatikos sa magandang pangalan ng senador? Bakit siya
pinagtatawanan at kinakantiyawan? Bakit pinagbibintangang nandugas ng gawa ng iba?
 
Bakit nagkalat ang mga nakakainsultong (at nakakatawang) post at litrato sa Facebook?
Bakit ‘alang tigil ang mga joke sa Twitter?
 
Si Escalera ng Wanbol U. – siya ang may kagagawan.
 
Siya ang namumuno sa demolition job. Siya ang nagpasiyang sumabak sa pagtutol sa RH Bill kahit ‘ala naman palang ganang sumabak sa trabahong kailangan para bumuo ng matinong posisyon.
 
Siya ang nagsabi, noong makita ang mga libro at mga dokumentong dapat pag-aralan, "Anak ng tinapay, Hector, baka maluslusan ako sa bigat ng mga librong iyan. Ikuwento mo na lang sa ‘kin, ‘pre."
 
At noong sinabi ni Hector, "Ah, boss, ito may sinulat ‘tong blogger," sabi ni Escalera, "Ayos ito. ‘Di masyadong maraming worsh worsh. Sulutin na natin. Blogger lang iyan. ‘Alang makakapansin. Banat lang ‘tsong.”
 
Ganyan si Escalera. ‘Alang pakialam. Alang tiyaga sa maraming worsh worsh. Mas okay sa kanya ‘yong karambola. Kahit paano basta makaswak ng bola.
 
At dahil nga sa kanya, napahamak ang marangal na senador, ang dakilang Vicente Sotto III. Pinagtatawanan, nilalait, inaalipusta at pinagbintangang nangongopya.
 
Ang ‘di alam ng madla ay ‘di siya ang may sala. Hindi siya ang nandugas. Hindi rin siya ang nagpasabog ng mga dahilang katawa-tawa.
 
Si Escalera dapat ang sisihin. Siya dapat ang pagbintangang mandurugas.
 
Siya ang dapat paalisin. Siya ang dapat patalsikin.
 
At ang marangal na senador?
 
Sana’y lumitaw siya. Sana’y magpakita. Sana’y magparamdam.
 
Mabuhay ang marangal na senador … saan man siya naroron…
 
On Twitter @KuwentoPimentel