Isang pagpapasalamat sa AlDub Nation
Habang sinusulat ko ang kolum na ito, umabot na sa 21 million ang tweet para sa #ALDubEBforLove.
Maraming salamat sa lahat ng tagahanga ng pinakasikat na love team sa tanghalian na sina Alden Richards at Maine Mendoza aka YayaDub. Bata, matanda, ay tutok na tutok sa modernong Romeo at Juliet.
Sa tagal ko na sa industriyang ito, ngayon lang ako nakakita ng segment sa isang programa na inabangan, tinangkilik at minahal, ang Kalyeserye. Pilit na hinahatak ng publiko ang nakikitang aliw na maging makatotohanan.
Dagdag siyempre dito ang mga binibitawang pangaral ni Lola Nidora (Wally Bayola) para sa dalawang nagmamahalan (aktingan lang ito, wow!)
Pero bakit nga ba ganito ang naging reaksyon ng manonood sa ALDUB, hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo?
Simple lang, simple silang magpakilig. Natural at mararamdaman ang tunay na saloobin ng mga karakter. Lahat ng nakatutok ay apektado sa napapanood nila sa telebisyon. Hindi lang ang publiko, maging ang mga host ng Eat Bulaga ay nakikikilig din. Nawawala ang kanilang pagiging 'personality' at nagiging tao rin sa mata ng marami.
Bawat eksena ay makapigil hininga. Sa pagtunog ng alarma at pagtigil sa pagkilos ng mga pangunahing karakter, lahat tayo ay tila nasa dulo ng bangin. Tinutukso natin ang ating mga sarili na lumundag dahil alam natin na hindi naman tayo mapapahamak kinabukasan.
Iisa lang naman ang aral ng Kalyeserye, kung papaano magsakripisyo para sa taong minamahal. Muling namulat ang marami na sa ngalan ng pag-ibig laging huli ang sarili. Hindi kailangang manloko o manlamang. Maging totoo lamang sa sarili para sa isang tinatangi, madaling matupad ang bawat pangarap.
Hanggang kailan ang itatagal ng interes ng publiko sa KALYESERYE? Ang publiko rin ang magdedesisyon. Hindi ang Tape, Inc, ang producer ng Eat Bulaga. Hindi ang GMANETWORK, Inc. ang host network. Hindi ang trio na sina Tito, Vic at Joey kasama ang mga DABARKADS.
Tunay na ang mga Pilipino ay sobrang mapagmahal sa pag-ibig. Lilikha sila ng isang kuwento na halaw sa kanilang imahinasyon na layong umangat ang kanilang nararamdaman. At sa loob ng kuwentong iyon magbubunga ang pag-asa na balang araw sila ay matatagpuan nila ang sarili nilang Prince Charming.
Nang makita ko ang anak-anakan kong si Alden na umiyak habang inaawit ang 'God Give Me You', aaminin ko na nangilid din ang luha sa aking mga mata. Nagtanong ako sa aking sarili kung bakit.
Minsan, sa tagal at dami ng mga pagsubok na dumatal sa ating mga buhay, naging matigas na ang ating mga puso.
Dahil sa angking kahambugan, nalilinlang nito ang sarili na huwag ipakita sa iba ang kahinaan. Pero tanging ang nararamdamang pag-ibig lamang ang makakapagpalambot dito.
Sa mga sandaling nagiging saksi tayo sa ipinapakitang ligawan nina Alden at Yaya Dub, natutunaw ang palalong bahagi ng ating pagkatao at tayong lahat ay nagiging mapagkumbaba.
Salamat sa AlDub Nation, muli kong nakita ang pagkakaisa ng mga Pilipino sa positibong paraan. Pinatunayan muli natin sa buong mundo na ang lahi natin ay punung-puno ng romansa.
ALDUB YOU!
Lord, Kayo na po ang bahala!
This column will also appear in Arnold Clavio's column on Abante on Sunday, September 27.