ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
OPINYON

Tigilan na si Alma Moreno


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa unang dalawang nagtanong sa akin kung bakit wala akong komento o reaksyon sa interview ni Alma, ang sagot ko, ayoko. Nang tanungin uli nila ako kung bakit ayoko, sinagot ko ng “Wala lang. Basta.”

Sa ikatlong nagtanong, hindi ko magamit ang sagot ko sa dalawang nauna. Kailangan ko nang magpaliwanag. Asawa ko na ang ikatlong nagtanong. Hindi na uubra ang bahagyang pang-iisnab. Kailangan na ng kaunting elaborasyon para sa huling nagtanong, at sa inyong nagbabasa ngayon ng espasyong ito, kung bakit hindi ko pinapatulan ang isyu ni Alma Moreno sa kaniyang, inaakala ng marami, sablay na interview ni Karen Davila.

Dahil una at pinakamahalaga, malaking tulong ang interview sa kaniyang kampanya para maging senadora. Tama ang basa mo, malaking tulong. In fact, naroon sa sablay na interview ang malaking-malaking factor na minimithi nang wagas ng maraming kumakandidatong may pera o may mas mataas na grade sa high school kaysa kay Alma: ang mapag-usapan, ang maging trending topic, at sa bandang huli, ang magkaroon ng name-recall.

May sintomas ang nangyaring sablay na interview para magtagal siya sa newsfeed by way of meme, now recurring Almaism jokes, at mga maiikling video ng kaniyang pagiging sablay na isini-share ng netizens. Siyempre, isama na ang mapanlibak na comments ng marami bago i-share ang video at transcript ng interview. Na kesyo tatanga-tanga, na hindi siya dapat maging senador eklavs, at gaya ng ilang nabasa ko sa newsfeed ko—at heto ang clincher—kapag nanalo pa daw talaga si Alma, talaga daw ang daming bobotante.

Ito, palagay ko ang gustong mangyari ng kaniyang political handler. Pag-usapan si Alma kahit in a negative light, kahit in a seemingly bad publicity. Dahil mahirap naman talaga siyang gawing matalino/bibo sa mabilis na panahon tulad ng nangyari kay Marimar na naging Bella Aldama sa ilang episode lang.

Nakinabang rin ang network kung saan ipinalabas ang interview dahil lumutang ang kanilang “kagalingan” sa interview in relation sa mga mukhang maling sagot ni Alma. In fact, naging laman pa nga ng balita nila noong Lunes na naging viral ang interview nila. Inaasahan naman talaga ng kahit sino yata sa atin na sasablay ang interview sa kaniya.

So paanong nakatulong sa kampanya?

Sa pamamagitan ng marami niyang natatanggap na panlalait buhat sa “matatalinong” netizens magkakaroon siya ng campaign line. The spin goes, hihingi siya ng awa sa mga sektor na lagi nang naaapi, na lagi nang nalalait dahil sa katangahan o kawalan ng pinag-aralan (at marami ito), na lagi nang nasasabihang bobotante ng “matatalino.” Awa. At mabilis tumugon ang marami sa atin, lalo na iyong hindi nakababad sa Facebook o iyong tinatawag ng mga matatalino sa tabi-tabi na bobotante, sa mga pulitikong humihingi ng awa dahil sa sila ay inapi.

Sample campaign line: “Tanga daw ako! Ibig ba nung sabihin, tanga rin ang bumoto at nagtiwala sa akin bilang ilang terminong konsehal ng Parañaque?! Papayag ba tayong lagi na lang naaapi, lagi na lang nasasabihang tanga?!”

Heto pa: “Panahon na para iluklok sa Senado ang lagi nang pinagsasabihang tanga ngunit may pusong handang umunawa sa kalagayan ninyong wala sa Internet dahil kailangang kumahig nang kumahig para tumuka!”

Tandaan. Ang boto sa Senado ay hindi one-on-one. Pwede ang singit. Sa pagsisingit sa boto, lagi nang may malaking tsansa ang may name-recall dahil sa kaapihan.

Pansinin. Ang daming naging self-righteous at matalino sa newsfeed ko who unwittingly helped Alma in her campaign to gain attention, sympathy (from your usual Juan at Juana na walang panahon sa social network dahil kailangang minu-minutong magtrabaho).

Trapos catapult on awa. Gusto nila ang laging mistulang inaapi, or in the case of Alma, talagang mayroon nang, sa duda ko nga, self-inflicted na kaapihan courtesy of that interview and Facebook newsfeeders. Awa. Ilang beses na tayong nagluklok ng pulitiko dahil sa kung anumang dahilang naawa ang marami sa atin: kesyo hindi nakapag-aral, naulila, namatayan ng kung sinong malapit na kamag-anak, mula sa hirap. Minaliit. Tulad ng standard-bearer ni Alma na iginigiit sa kaniyang patalastas ang kunwari’y pangmamaliit sa kaniya. Na kesyo nognog o pandak (kahit ang pinakamadalas itawag sa kaniya ngayon ay magnanakaw na hindi naman niya inaddress sa patalastas, he he).

So, bakit hindi ako pumapatol sa isyu? Kasi kampanya ito. Galawang breezy. Ngayon, bakit ko ito isinulat? Kasi nga kailangan ko nang sabihin. Dahil pakiramdam ko, sumasakay ang marami.

Tigilan na natin si Alma. Her campaign team feeds on your panlalait, your newly found intelligence in dealing difficult questions even senators and congress people right now will have a difficult time answering. Probisyon ba naman ng batas ang itanong. Ano, Bar exam?

Kung napanood ninyo ang video ng interview (napakarami na sa net! At ang mismong network pa yata ang nagpapakalat. Remember, may malaking pakinabang din sila dito) at nagdesisyong hindi siya iboto, okey na. Huwag mo na lang laitin at idambana sa net. Decided ka na e. Pero kung hindi mo mapigil ang sarili sa pag-share at paglait, bahala ka. Bahala kang magpagamit sa isang elaborate trapo campaign machinery.

Ganito. Kung nadismaya ka. Huwag iboto. Ikampanya mo kung gusto mo na huwag siyang iboto pero I suggest, huwag mo nang gawing trending. Ako? Hinding-hindi ko siya iboboto kahit pa magaling ang ganap niya sa pelikulang, uhm, ahh, ano nga ba? “Kahit singko ay di ko babayaran ang buhay mo” alongside Lito Lapid. Na hindi ko rin ibinoto kahit kailan, kahit sa hinaharap, kahit ano pa man ang maging papel ko sa reincarnated life ko, doorknob, halimbawa.

Maniwala ka. Hindi mauubusan ng kandidatong mananalo kahit kinapos sa iodized salt (pampatalino, beh!) ang pagkain noong bata pa sila. Tandaan mong mas maraming kababayan natin ang kumakampi sa inaapi (o mistulang inaapi kahit naman mukha talagang nagpapaapi). Nakapagluklok na tayo ng countless Bongs and Litos. At may malaking tsansang makapagluluklok pa tayo ng maraming Alma kung paiiralin natin ang panlalait. Dahil dito sila nagmumula, dito kukuha ng lakas.

Besides, naniniwala akong hindi rin naman tayo ganoong katalinuhan.

Bukod sa pagtuturo ng Panitikan, Malikhaing Pagsulat, at Kulturang Popular sa Unibersidad ng Santo Tomas, Writing Fellow din si Joselito D. Delos Reyes sa UST Center for Creative Writing and Literary Studies. Nagwagi sa National Book Awards para sa taong ito ang kaniyang aklat na iSTATUS NATION (Visprint, Inc.) sa kategoryang Essay, samantalang nominado finalist naman ang PAUBAYA (UST Publishing House) para naman sa kategoryang Tula. Siya rin ang awtor ng Titser Pangkalawakan  (Visprint, Inc.). Kasapi siya ng LIRA, Museo Valenzuela Foundation, at Lucban Historical Society. Kasalukuyan niyang tinatapos ang kaniyang disertasyon para makamit ang Ph.D. Philippine Studies mula sa De La Salle University.

Ang opinyon ng may akda ay hindi sumasalamin sa pananaw ng GMA News Online.