ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

OPINION: Ask Atty. Gaby: Usapang jaywalking


“Bawal tumawid”

O, lagi nating nakikita ‘yan sa mga kalsadang hindi dapat tawiran. Pero may mga gumagawa pa rin!

Gaya nitong mga estudyanteng tila nakikipag-patintero sa mga sasakyan sa Iloilo City.

Makikita sa CCTV na ang isang estudyante na nasa gitna na ng kalsada, tila hindi pa sigurado kung tatawid, habang ang mga kasama, nagsi-akyat sa harang sa center island.

Tumawid sila sa Diversion Road ng Mandurriao District kahit wala namang pedestrian lane. 

Ayon sa Iloilo City Traffic and Transportation Management Office, paglabag ito sa anti-jaywalking ordinance.

Dapat anila, tumawid sila sa isang footbridge na limampung metro mula sa kanilang tinawiran. May pedestrian lane din na sandaang metro naman ang layo.

Pag-usapan natin ang insidenteng ito! Ask me! Ask Atty. Gaby!

Atty., itong jaywalking na yata ang isa sa pinakamadalas nating nakikitang paglabag. Kung sa mga sasakyan may NCAP o No Contact Apprehension at matitiketan ka kapag may violation, ano naman ang sinasabi ng batas sa mga nagje-jaywalk, adult man o minor?

Wala akong alam na batas — 'yung nakalagay bilang Republic Act o Batas Pambansa — na talagang pinagbabawal ang jaywalking, much less na ginagawang krimen ito.

Kapag sinabi nating krimen ay may criminal liability o kulong. Wala naman tayong pambansang batas that makes jaywalking a crime.

Pero merong ordinansa ang MMDA [Metropolitan Manila Development Authority] at iba pang mga siyudad at munisipalidad na ipinagbabawal ang jaywalking. Kaya't mag-check sa inyong mga lokalidad para malaman ang mga penalty.

Sa Metro Manila, sa ilalim ng Anti-Jaywalking Ordinance nito, may fine na P200, although itataas na raw to P500 for jaywalking.

Pero ano ba ang jaywalking? Simple lang naman 'yan – ito ay ang pagtawid sa isang daan na hindi sa pedestrian lane o crosswalk o footbridge.

Pero oo, alam ko naman na kung minsan ang footbridge ay mas mataas pa sa Mt Pulag. Hindi talaga pedestrian friendly ang mga lansangan natin talaga kung minsan or should I say kung madalas. Pero hindi ibig sabihin ay mag-jaywalking kayo dahil ito ay nakamamatay.

Kung titingnan natin ang Republic Act 4136 o ang Land Transportation Act, nakalagay doon na actually kapag ang pedestrian ay tumatawid sa pedestrian lane o crosswalk, ang taong tumatawid dito ang may right of way. At kung may taong gustong tumawid – at walang crosswalk – ang may right of way ay ang mga kotseng dumadaan.

Kahit na walang kulong ang jaywalking sa ilalim ng Republic Act 4136, bakit natin dapat sundin ito? Dahil kung may nangyari sa inyo at nasagasaan kayo, 'yung degree of liability ng nakasagasa sa inyo ay depende kung kayo ay jaywalking or not.

Halimbawa, kung nasagasaan kayo habang tumatawid sa pedestrian lane, ay, 99.9999999% malamang kasalanan iyon ng driver ng kotse. E nasa pedestrian lane kayo – kayo ang may right of way! Dapat ay pinadaan kayo at hindi nakipagpatintero ang kotse!

Kung kayo naman ay nasagasaan habang tumatawid ng wala sa pedestrian lane – lalo na kung ito ay main thoroughfare – ang may right of way ay ang kotse. Kailangan natin pag-aralan pa kung sino ang may pagpapabaya. Hindi naman porket may right of way ang kotse ay hindi na siya mag-eexercise ng caution, di po ba? On the other hand, hindi naman automatic na walang habol ang kawawang jaywalker – pero kailangang imbestigahan pa talaga nang masusi.

Kung kayo naman ay tumawid sa gitna ng SLEX o NLEX, naku, mas delikado 'yun. At ang mga driver, wala silang expectation na may tatawid doon dahil napakabilis na talaga ng mga sasakyan at talagang bawal ang mag-cross ng ganoong klaseng expressway.

Mahirap depensahan ang isang taong nasagasaan sa ganitong pangyayari dahil talagang wala dapat na tumatawid sa expressway.

So malinaw po: Una, bawal ang pagtawid sa mga kalsada o highway kung wala sa pedestrian lane, footbridge, o overpass.

Ikalawa, lalo na sa Metro Manila, may Anti-Jaywalking Task Force sa ilalim ng Traffic Discipline Office na siyang itinalaga para magpatupad ng batas at manghuli ng mga lalabag.

At pangatlo, huwag magulat kung may ordinansa in place sa inyong lokalidad – malamang ay may multa at dagdag na parusa para sa mga paulit-ulit na lumalabag.

Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw. Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip. Ask me, ask Atty. Gaby!