OPINION: Ask Atty. Gaby: Korapsyon sa flood control projects
Kalagitnaan pa lang po ng linggo pero grabe na ang mga pasabog!
Buong bayan, nakatutok at nagbabantay sa pinakamainit na issue ng bayan ngayon — ang korapsyon sa flood control projects ng gobyerno.
At sa hearing lang nitong Lunes at kahapon, maraming sangkot umano ang pinangalanan.
Isa pa sa lumabas din sa pagdinig — ang mga picture ng mga limpak-limpak na pera! Nakakainit ng ulo di po ba.
Sagutin natin ang mga tanong ninyo tungkol dito.
Ask me! Ask Atty. Gaby!
Atty., halos lahat ng pinangalanan, itinanggi na ang paratang. At ang iba, nagsabi na magsasampa ng kaso. Ano po ang sinasabi ng batas tungkol dito?
Sa batas natin tungkol sa libel, alam natin na as a general rule, bawal ang paggawa ng mga statement na makakasira sa reputasyon ng ibang tao lalo na kung ito ay paninira in the form of accusing them of committing a crime. And of course, kasama na diyan ang mga paratang ng pagnanakaw sa ating kabang-bayan.
Although hindi lubos na tinatalakay sa batas ng libel, nababanggit sa mga kaso na umabot sa Korte Suprema ang principle ng privileged communication sa mga paratang, akusasyon, at mga statement na nasasabi in the course of legislative, judicial and quasi-judicial proceedings na sinasabing dapat ay hindi magkaroon ng liabilidad ang mga taong nagsalita o nagbigay ng pahayag sa mga ganitong mga proceeding for reasons of public policy and the administration of justice at public welfare – na ang mga witnesses, mga abogado, at public official dapat ay malaya at walang takot na makaka-discuss ng mga bagay na importante sa publiko.
Of course, meron pa ring mga parameters at limitasyon ito. Merong mga “test” involved na maaaring i-apply ang korte para malaman kung nararapat i-consider na privileged ito.
So maaari pa ring mag-file ng kaso for libel ang mga nagsasabing inosente sila at siniraan sila ng reputasyon dahil sa mga pahayag sa legislative inquiry.
Pero nasa sa korte pa rin yan', para na lang 'yung iba parang umaanggulong maging state witness pero eventually kung hindi sila magkakaroon ng liabilidad sa ilalim ng batas ay nasa korte pa po 'yan kung puwede. At nasa korte rin, sila ang magde-decide kung pawang kalokohan at pagsisinungaling lamang na walang relevance o saysay sa mga proceeding na naganap sa ating Kongreso at ginawa lamang para sirain at idamay ang isang tao with “utter disregard for the truth”.
Atty., napanganga ang buong sambayanan sa mga picture ng bundle-bundle na pera na nakalatag sa lamesa at pinaparte-parte umano! Posibleng pera natin 'yun eh! Ano pong habol ng mamamayang Pilipino?
Kung puwede lang kunin at paghati-hatian! Iisipin ng iba, this is where my taxes go – 'yung binabayad nating buwis, napaghahati-hatian lang pala!
Of course, theoretically, lahat nang kinamkam ay dapat ibalik. Sa ilalim halimbawa ng anti-plunder law natin at sa mga anti-graft law natin, lahat ng ill-gotten wealth dapat ay ifo-forfeit ng pamahalaan kasama na ang mga interest, ang mga deposit, lahat ng property na nakuha dahil sa nanakaw na pera na ito.
Ganu'n din naman sa ilalim ng Republic Act 3019 – lahat ng ill-gotten and unexplained wealth dapat ay kukumpiskahin.
Ano daw ba ang unexplained wealth? 'Yung mga ari-arian na manifestly out of his sweldo at lawful income. Siguro kung government employee ka at P70,000 kada buwan ang sweldo mo pero ang mga relo ay milyon milyon, or kung ang mga kotse mo ay milyon milyon din, eh yun ang unexplained wealth.
Unfortunately, kahit na dapat ay ibalik ang lahat ng kinamkam, hindi naman nangyayari 'yan dahil napakahirap!
Madalas ay natatangay na sa mga bangko abroad at kung saan saan pa – hindi na naibabalik! Or hirap lang talaga tayo maghanap at nakakainit ng ulo. Pero theoretically, dapat ay ibabalik ang lahat ng iyan!
Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw.
Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip. Ask me, ask Atty. Gaby!