OPINION: Ask Atty. Gaby: Ungkatan ng past!
Uso po yata ngayon ang ungkatan ng past!
Bigla kasing naglalabasan ang mga lumang picture at video!
Gaya na lang sa post ni Senador Jinggoy Estrada sa Facebook ng yearbook photos nina Congressman Terry Ridon at dating Bulacan 1st district. Asst. Engr. Brice Hernandez.
Caption d'yan ni Estrada,"Safe kaya tayo sa kanila?" at sinundan pa ‘yan ng mga hashtag tulad ng "investigation o reunion" at "kaya naman pala."
Itinanggi naman ni Cong. Ridon na may kaugnayan siya kay Hernandez.
At sinagot niya rin si Sen. Estrada sa isang post at sinabing nilabas pa nito ang address ng bahay ng lola niya.
Bukod d’yan, marami pang nauungkat na past at napo-post sa social media!
Merong mga picture na magkakasama sa party, basketball game, at kung saan saan pa!
Ano ba ang sinasabi ng batas tungkol dito?
Ask me! Ask Atty. Gaby!
Atty, ano po ba ang sinasabi ng batas tungkol sa paglalabas ng ganitong mga past pictures/videos ng ibang tao? ‘Yung iba may mga detalye gaya ng address, puwede bang basta-basta magpost ng ganito?
Mainit-init nga talaga ang issue ng flood control ngayon at bumabaha na rin ng kaliwa’t kanang mga issue kabilang na ang paglabas ng mga lumang larawan at video sa social media!
Okay lang sana kung lumang litrato na part of the public domain na – 'yung mga meant for public consumption tulad ng mga litrato sa mga annual halimbawa, okay lang yan.
Pero tandaan: kapag nagpo-post ka ng picture o video ng ibang tao, lalo na kung may personal details tulad ng address, o telephone number - pasok ‘yan sa tinatawag na personal information na protektado ng Data Privacy Act of 2012.
Kung wala kang pahintulot, maaari itong maging paglabag sa privacy at puwede itong i-report sa National Privacy Commission.
Bukod pa riyan, kapag sinamahan ng caption na maaaring makasira sa reputasyon, maaari itong ituring na defamatory at mauwi sa cyber libel case kahit sino pa ang pinost mo.
Mainam na mag-ungkatan tayo lalo na kung ang iuungkat ay kung saan napunta ang pondo, kung kanino at bakit hanggang ngayon, lubog pa rin sa baha ang marami. Pero siguraduhin na kapag nag-uungkat, hindi nasasagasaan ang karapatan at privacy ng iba, ayon na rin sa batas ng ating bansa.
Pero tandaan din natin – lalo na sa ating mga public at mga government officials – huwag maging masyadong sensitive. Huwag masyadong balat sibuyas. Public office is a public trust. Public office requires transparency.
So kung ang mga litrato ay tungkol sa inyo habang kayo ay in the performance of your duties – huwag masyadong magalit kapag nai-upload ito. So medyo mas mababa siguro ang right to privacy ng mga government officials natin – of course, kung ang mga litrato ay tungkol sa totally private matters – parang ordinary citizen lang sila.
Pero kung konektado ito sa kanilang public function, sa paggawa – o hindi paggawa – or hindi tamang paggawa ng trabaho – at lalo na kung ito ay tungkol sa pangungurakot ng kaban ng bayan - well, siguro the public has a right to know! At kung medyo na-hot seat na kayo – don’t deflect the issue! Harapin niyo na lamang at patunayan na hindi tama ang mga paratang sa inyo! Ilabas ang SALN! Sign that bank waiver!
Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw.
Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip, ask me, ask Atty. Gaby!