OPINION: Ask Atty. Gaby: Disaster preparedness
Sunod-sunod ang mga naitatalang malalakas at mapinsalang mga lindol sa bansa.
Dahil diyan, malaking usapin ngayon ang disaster peparedness ng bansa. Trending nga online ang mga "go bag" ng iba't ibang lokal na pamahalaan. Ano nga ba ang sinasabi ng batas tungkol d'yan?
Ask me, ask Atty. Gaby!
Atty., marami ang nangangamba dahil sa sunod-sunod na pagyanig sa bansa! Ano ba ang sinasabi sa batas tungkol sa obligasyon ng local government sa disaster preparedness gaya ng pamamahagi ng "go bags" at iba pa?
Nakakabahala naman talaga ang sunod-sunod na pagyanig sa ating bansa nitong mga nagdaang araw.
Nararapat lang tayong maging handa sa ganitong klase ng sakuna sa pangunguna ng ating lokal na pamahalaan.
At ayon sa Republic Act No. 10121 o ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010, obligasyon ng mga LGU – mula sa probinsiya, lungsod, bayan, hanggang barangay – na maghanda, magplano, at magpatupad ng mga hakbang para sa kaligtasan ng kanilang nasasakupan bago pa man mangyari ang sakuna.
Nauso nga ngayon ang pamamahagi ng libreng "go bags" na naglalaman ng mga emergency kits na maaaring gamitin sa oras ng pangangailangan.
Well, wala naman sa RA 10121 na nagsasabing “required” ang pamimigay ng mga "go bag" although talagang malaking tulong ito.
Pero, mas malaking tungkulin ng mga LGU na siguraduhing handa at informed ang bawat mamamayan tungkol sa importanteng kaalaman tulad kung saan ang mga evacuation sites, at iba pang mga impormasyon na kailangan nilang malaman.
Dapat din ay napag-aralan na nila kung ano ang mga pinakamalaking mga risk sa area nila. Malapit ba sa fault line? Bahain ba o prone sa pagtaas ng tubig? Para alam din nila kung ano ang kailangan na paghandaan.
Kailangan din na may local disaster risk reduction and management office (LDRRMO) sa bawat LGU na isa sa mga pangunahing tungkulin ay ang pagsasagawa ng regular na earthquake at fire drills, lalo na sa mga paaralan, ospital, at pampublikong gusali. Dapat ay may mga emergency operations plan sa bawat sakuna. Dapat ay may funding at training ng mga empleyado at mga volunteers at first responders.
Kasama rin dito ang regular inspection ng mga istruktura at critical facilities tulad ng mga tulay, gusali ng pamahalaan, at evacuation centers para matiyak na ligtas ang mga ito bago pa man mangyari ang kalamidad.
Tungkulin ng mga LGU na tiyakin ang kaligtasan ng kanilang mga constituent.
Sa huli, tandaan natin, ang pagiging handa ay totoong obligasyon ng ating pamahalaan pero may tungkulin din tayong ihanda ang ating mga sarili, ang ating mga pamilya sa ganitong klase ng sakuna.
Pero ok na rin ang may "go bag" galing sa LGU. Pero sana walang graft and corruption involved.
Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw.
Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip. Ask me, ask Atty. Gaby!