OPINION: Ask Atty. Gaby: Usapang subpoena
Hindi natin titigilan at hindi puwedeng mabaon na lang sa limot ang katakot-takot na korapsyon sa flood control projects. Nakatutok pa rin tayo diiyan.
Ang tanong ng bayan, ano na nga ba ang nangyayari sa imbestigasyon?
Well, ito na nga. Humarap kahapon si dating House speaker Martin Romualdez sa ICI.
Kaugnay ito sa alegasyon na idineliver umanong pera sa kaniyang bahay. Itinanggi naman ni Romualdez ang pagkakasangkot niya sa isyu ng korapsyon sa mga flood control project. Sinabi niya na wala siyang dapat itago at ang pagdalo niya ay parang tumulong na lang mas malaman ang katotohanan.
Pero ang isa pang inimbitahan ng ICI na si dating congressman Zaldy Co, no show kahit inisyuhan ng subpoena. Pinaniniwalaang nasa labas ng bansa si Co.
Ano ba ang sinasabi ng batas tungkol dito? Ask me, ask Atty. Gaby!
Atty., palagi nating naririnig ang ‘subpoena!' Kahit nga mga ordinaryong mamamayan nakakatanggap niyan. Ano ba ang ibig sabihin nito at paano kung hindi sumipot ang sinumang naisyuhan nito?
So ano nga ba ang subpoena? Ito ay isang utos ng isang korte o isang legal authority tulad ng ICI na hinihikayat ang isang tao na either umappear sa harap nito o magdala ng mga dokumento na kinakailangan sa isang kaso.
Pag ito ay utos para sa isang tao na magpakita at mag-testify, ito ay tinatawag na subpoena ad testificandum. Kung ito naman ay utos para magdala at magpakita ng mga dokumento, ito ay tinatawag na subpoena duces tecum.
So ang subpoena nga ay isang utos na usually ang hindi pagsunod dito ay maaari kayong ma-cite in contempt. Pag sinabi na na-cite kayo in contempt, ang hindi pagsunod sa utos na ito ay maaaring mapunta sa kulong or fine or both.
Ang problema, hindi lahat ng mga organisasyon o ahensiya ay may kapangyarihan para mag-cite in contempt o magparusa sa taong hindi sumusunod sa utos nito o sa subpoena na naipadala na. At ang ICI ay isang example ng isang ahensiya na may kapangyarihan na mag-issue ng subpoena pero walang kapangyarihan na magbigay ng parusa pag hindi nasunod ito.
Ito ay dahil ang ICI ay isang ahensiya na gawa sa isang executive order lamang. Kailangan ay may batas na gagawa at magbibigay ng kapangyarihan na ito dahil ang power to cite in contempt ay medyo mabigat at extraordinary measure at kapangyarihan. Hindi ito binibigay nang basta-basta lamang.
Sabihin na wala nang remedyo para dito? Meron po. In accordance with Rule 71 of the Rules of Court, maaari pa ring mag-apply ang ICI sa isang korte for indirect contempt para ito ang magparusa sa isang taong hindi sumunod sa isang subpoena na maayos namang naibigay. Ang parusa para dito ay fine na hanggang P30,000 or kulong na hanggang anim na buwan, or both.
In any case, ang ICI ay isang investigative, fact finding agency. Sana nga - whether with or without the powers of citing in contempt diirectly - ay makapag-imbestiga na ito sa lalong madaling panahon para makasuhan na at may managot na! Inip na inip na ang taumbayan kasi alam natin na napakarami talagang nawala na pera ng taumbayan diyan sa mga flood control project na 'yan.
Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw. Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip. Ask me, ask Atty. Gaby!