ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

OPINION: Ask Atty. Gaby: Nang-ararong UV Express


Usap-usapan na naman ang isang viral video ng UV Express sa Commonwealth Avenue nitong Biyernes.

Daig pa ang eksena sa pelikula nang suyurin ng humaharurot na UV Express ang ilang motorsiklo.

Kahit ginitgit at hinarangan na ng truck, sige pa rin ito sa andar hanggang sa kumaliwa sa U-turn slot.

Ang mga inararong motorsiklo, naiwang sira. Ayon sa hepe ng Traffic Enforcement Unit, isa ang nasawi at pito ang sugatan.

Naaresto ang driver ng UV Express at ayon sa suspek ay uminit daw ang ulo niya nang may manggitgit sa kanya na hindi na niya matandaan kung sino.

Pag-usapan natin ‘yan! Ask me! Ask Atty. Gaby!

Atty., negatibo raw ang driver sa pag-inom ng alcohol pero ang driver umamin sa Department of Transportation na may ininom siyang illegal substance bago ang trahedya. Ano ba ang sinasabi ng batas tungkol dito at ano ang habol ng mga biktima?

Well, meron po tayong batas na mahigpit na ipinagbabawal ang pagmamaneho kapag nakainom o kung nasa ilalim ng impluwensya ng bawal na gamot o droga.

Ito ay sa ilalim ng ng Republic Act No. 10586 o ang Anti-Drunk and Drugged Driving Act.

At sa ilalim ng batas na ito, kung kayo ay nakapatay dahil nagmamaneho kayo under the influence of prohibited drugs, 12 years and 1 day hanggang 20 years ang kulong at multa na hanggang P500,000.

Kung merong serious physical injuries na natamo ang biktima – depende sa injuries na natamo nito – maaaring hanggang 12 years ang kulong.

Actually kung kayo ay nahuli na nagmamaneho ng under the influence – kahit na wala kayong nasaktan – may 3 months na kulong at fine na hanggang P80,000 ang katapat nito.

At talagang maaaring ma-suspend o ma-revoke ang inyong lisensiya. Kung professional driver's license ang hawak ninyo – perpetual revocation agad kahit first time pa lang nahuli. Wala talaga kayong karapatan na maging professional driver kung umiinom kayo or gumagamit ng droga.

Take note: Nakalagay sa batas na ito na ang pag-usig para sa violation ng batas na ito ay walang prejudice na makasuhan kayo for violation ng Revised Penal Code at ng Dangerous Drugs Law o ang Republic Act 9165.

So patong patong ang magiging mga kaso – violation ng Republic Act 10586, 3186 o ang Revised Penal Code, at Republic Act 9165. Sabi nga ng ibang news report, reckless imprudence daw resulting in homicide at physical injuries.

Pero baka tingnan din kung ito ay intentional na at hindi lamang reckless imprudence o pagpapabaya lamang.

Umikot-ikot pa ng ilang beses sa Commonwealth Avenue. Eh dapat nga kung hindi sinasadyang manakit, ang normal na reaksyon dapat ay huminto at tulungan ang sariling biktima, 'di po ba? Baka may dagdag pa na kaso ng abandonment of one's own victim sa ilalim ng Article 275 ng Revised Penal Code.

And last but not least, kailangan din na panagutan ang mga civil damages – ang pagpapagamot, ang mga nasirang mga gamit – mga kotse, motor, atbp.; ang nawalang suweldo o kita kung hindi nakapagtrabaho ang mga biktima dahil sa mga injury na natamo nito. Of course doon sa namatay, kailangan din ang pagpapalibing na gastos dito.

Pero good luck na lamang kung mababayaran ang lahat-lahat ng damages at napakarami ng mga biktima. So sana ay makukubra ito ng insurance ng UV Express ang lahat-lahat ng mga danyos na ito.

It does not pay to be angry while driving.

Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw. Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip. Ask me, ask Atty. Gaby!