OPINION: Ask Atty. Gaby: Expired na, ibinebenta pa?
Mga Kapuso, ingat-ingat sa mga bagsak-presyo! Baka ang iba diyan, expired na.
Gaya nitong nadiskubre sa Taytay, Rizal.
"For disposal" o itatapon na, pero nabistong ibinebenta pa sa isang tindahan ang mga expired na biskwit, tsitsirya, at iba pang pagkain.
Sa surveillance video ng NBI, makikitang lantaran ang bentahan ng expired umanong consumer products.
Sa bisa ng search warrant, pinasok din ng mga operatiba ang warehouse ng tindahan, at nabistong puno ito ng mga kahon ng pagkain na mga expired na umano lahat.
Dalawang truck ang kinailangan ng NBI para mahakot ang mga expired na consumer products na nagkakahalaga ng P2 to 3 million.
Ayon sa NBI, nagreklamo sa kanila ang isang kompanya na ipinupuslit daw ang kanilang mga produkto na dapat ay for disposal na.
Pinapalitan umano ang nakasulat na expiration date gamit ang idinikit nilang sticker o pang-stamp ng bagong expiration date.
Inaresto ang mismong may-ari ng tindahan.
Pag-usapan natin ang insidenteng ‘yan. Ask me! Ask Atty. Gaby!
Atty., ano po ang sinasabi ng batas sa mga tao na nagbebenta ng mga produktong expired na? Lalo na itong pinapalitan pa ang expiration date para maibenta?
Ayon sa Republic Act No. 7394 o mas kilala sa the "Consumer Act of the Philippines", bawal ang pagbenta ng pagkain na adulterated o mislabeled.
So either way, bawal po talaga ang ginagawa ng mga nahuli ng mga operatiba.
Unang una, sa ilalim ng Consumer Act, bawal ang pagbenta ng adulterated food. At sa definition ng adulterated food, kasama dito ang mga expired na pagkain, 'yung binebentang beyond the expiry date.
And of course, mas bawal ang pag-iiba ng expiration date, kasi talagang halata ang intensiyon ng gumawa ng labag sa batas. May overt act ng panloloko talaga, hindi ba.
So ano ang penalty? Sa ilalim ng Consumer Act, may posibleng kulong na hindi bababa ng isang taon hanggang sa limang taon at fine of not less than P5,000 but not more than P10,000, or both at merong imprisonment and fine depende sa diskresyon ng korte.
At 'yang mislabeling of food na 'yan, ito din ay paglabag sa Republic Act 10611 o ang Food Safety Act of 2013. At ang batas na ito, mas tina-target ang mga nagbebenta ng mga pagkain na ito kaya't sa ilalim ng mga penalty nito, hindi lamang fine na hanggang P100,000, maaari ding ma-suspend ang authorization nito na magbenta ng pagkain ng hanggang isang buwan kung first offense.
Kung pangalawang beses na, may fine na hanggang P200,000 at suspension ng authorization ng hanggang tatlong buwan.
And of course, kung mas matagal pa, kung pangtalong beses na, halimbawa, hanggang P300,000 and suspension ng authorization ng hanggang six months.
Sasabihin ng iba, sayang naman ang pagkain! Sa ibang bansa, maaari pang magbenta ng expired food basta hindi sira – na totoo din naman – sayang talaga lalo na kung napakadaming nagugutom – at ito ay mga biskwit, delata na pag tinikman ninyo, okay pa naman at hindi sira.
Lalo na rin kung ang kanyang expiry date ay hindi naman talagang nangangahulugan na sira na ang pagkain. Kung minsan ito ay “best before” date lamang. Ibig sabihin, okay pa ang pagkain for several months after pagkatapos ng date na iyon. Hindi lang daw kasi pinaka-optimum ang quality pero hindi pa sira.
Wala tayong magagawa – sa atin, madalas, ang best before date ay pareho lang ng expiry date.
Sabi nga, dura lex sed lex – the law may be harsh, but it is still the law.
Kapag hindi sinunod, may posibleng kulong na naghihintay.
Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw. Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip. Ask me, ask Atty. Gaby!