ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

OPINION: Ask Atty. Gaby: Missing in action?


Bakas ang matinding pinsala ng mga nagdaang bagyo sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
 
Pero sa kalagitnaan ng hagupit ng mga bagyong ‘yan wala raw ang mga lider ng ilang bayan na tinamaan ng kalamidad?
 
Kaya ang DILG, iniimbestigahan na ngayon ang 24 na local chief executives na bumiyahe pa rin pa-Europa sa kabila ng direktibang manatili sa mga nasasakupan sa panahong nananalasa ang bagyo.
 
Pag-usapan natin ‘yan. Ask me! Ask Atty. Gaby!

Atty, ano ba ang sinasabi ng batas tungkol sa mga leader ng mga bayan, lungsod, o probinsiya tuwing may kalamidad?

Unang-una, sa ilalim ng Local Government Code, ang emergency powers at duties ay nakatalaga sa mga governor at mayor.

Nakalagay dito na sila ang dapat mag-carry out ng emergency measures na kinakailangan during at after ng man-made and natural disasters and calamities.

Paano mag-ke-"carry out" ng emergency measures at immediate at necessary measures tulad ng preemptive evacuation, resource mobilization, at pag-coordinate ng emergency services kung nasa ibang bansa si mayor or si governor?

Siyempre kailangan nasa teritoryo niya siya para maisagawa ang kanyang mga tungkulin.

Ganun din sa ilalim ng Republic Act 10121 o ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act. Si governor at si mayor ang chairperson ng kani-kanilang Local Disaster Risk Reduction and Management Council.

Nasasabing kailangan ang physical presence ni governor at ni mayor – non-negotiable ito para maisagawa ang mandatory duties nila sa ilalim ng Local Government Code at ng NDRRMC Act.

Sabi ng iba, meron naman silang travel authority mula sa DILG – pero sabi nga ni Secretary Jonvic Remulla, binawi ang lahat ng travel authority kaya't kung tumuloy pa rin – mukhang insubordination na 'yan.

Talagang derechahang pagsaway sa utos kung tumuloy pa rin kaya't puwedeng makasuhan at magkaroon ng reprimand, suspension or possible dismissal depende sa circumstances.

Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw. Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip. Ask me, ask Atty. Gaby!