ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

OPINION: Ask Atty. Gaby: Nahagip ng truck


Sapul sa dashcam video ang isang binatilyong naglalakad sa gilid ng kalsada sa Mandaue, Cebu. Kita ang mga paparating na truck na kasalubong ng binatilyo, iniwasan niya ang ilang truck na lumiliko sa kalsada.

Ilang sandali lang tumakbo ang binatilyo at humabol sa pagsingit sa gilid ng umaandar na truck.

Nang makapasok sa gilid, napahinto ang truck.

Nahagip na pala nito ang binatilyo.

Patay ang binatilyo na ayon sa barangay ay isang Grade 9 student.

Nasa kustodiya na ng traffic police ang driver ng truck.

Ano nga ba ang sinasabi ng batas tungkol sa insidente na ito? Ask me, Ask Atty. Gaby!

Atty., paliwanag ng truck driver, hindi raw niya nakita ang binatilyo. Ano po ang sinasabi ng batas tungkol sa ganitong pangyayari?

Nakakapanlumo naman talaga ang pangyayaring ito.

Makikita sa video na naglalakad ang binatilyo at sumingit sa gilid ng truck na maaaring blind spot sa driver at hindi napansin ang binata.

Ngunit, kung ating pag-uusapan ang batas, kahit sabihin ng driver na hindi niya nakita ang biktima, hindi siya awtomatikong mapapawalang-sala.

Ayon sa Article 365 ng Revised Penal Code, ang ganitong pangyayari ay maaaring pumasok sa reckless imprudence resulting in homicide.

Pinarurusahan ng batas ang pagpapabaya na kapag sumobra ay masasabing kriminal na ito in nature at hindi na mapapatawad pa.

Kung mapatutunayang hindi siya naging maingat, halimbawa, hindi siya tumingin sa side mirror, o hindi niya siniguro na walang tao sa gilid, maaari pa rin siyang managot kahit wala siyang intensyon na makasagasa.

Of course, iba ang usapan kung ang driver ay nakainom, nasa impluwensa ng droga o nag-te-text habang nagmamaneho. Ang mga ganitong pagkukulang ay hindi na masasabing aksidente lamang ang nangyari. Hindi lamang ito mga indikasyon ng criminal negligence, dapat ay managot pa sa ibang mga batas tulad ng Anti-Distracted Driving Act at Anti-Drunk and Drugged Driving Act.

Pero kung mapapatunayang ang binatilyo mismo ang biglang sumingit o tumakbo sa gilid ng truck at wala talagang kapabayaan ang driver, maaari itong maituring na aksidente at walang kriminal na pananagutan.

Sa kabila ng lahat, ang tanong talaga, naging maingat ba ang driver ayon sa hinihingi ng batas? Dahil sa kalsada, hindi sapat ang salitang “hindi ko nakita," dapat laging “sinigurado kong ligtas.”

Maaari din na pareho silang naging pabaya. Sa ganitong mga kaso, maaari din i-apply ng korte ang doctrine na tinatawag na “doctrine of last clear chance."

Sa ganitong mga kaso, kung parehong naging pabaya ang dalawang tao sa isang aksidente, kailangan tingnan kung sino sana sa kanilang dalawa ang may last clear chance para maiwasan sana ang aksidente pero hindi pa rin ginawa.

Palagi rin nating tatandaan na bilang isang driver ay dapat maging responsable tayo sa pagmamaneho at bilang isang indibidwal ay ugaliing maging maingat sa pagtawid at paglalakad sa kalsada.

Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw. Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip. Ask me, Ask Atty. Gaby!