ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

OPINION: Ask Atty. Gaby: Mga mabibigat na akusasyon


Pilipinas, kaya pa ba?

Nitong mga nakaraang araw nga, kaliwa't kanan ang palitan ng mga pahayag at mabibigat na akusasyon.

Sa mga video na in-upload ni dating congressman Zaldy Co sa social media, tahasan niyang inakusahan si Pangulong Bongbong Marcos sa mga budget insertion.

Si PBBM daw umano ang nag-utos sa kanila na magsingit ng isandaang bilyong piso sa budget.

Sa speech naman ni Senator Imee Marcos sa rally ng Iglesia ni Cristo sa maynila, mabigat din ang akusasyong binitawan niya. Ang Palasyo, itinanggi ang mga akusasyon na ‘yan.

'Yan ang pag-uusapan natin ngayon. Ask me, Ask Atty. Gaby!

Atty., kadalasan ngayon, ang mga statement sa social media idinadaan. Pero sa mga pangyayaring ito, ang bibigat ng mga akusasyon. Ano ba ang sinasabi ng batas tungkol sa ganitong mga statement sa social media o ‘di kaya sa mga public speech?

Unang una, totoo na ang mga akusasyon na may posibilidad na makasira ng reputasyon ng isang tao lalo na kung sinabing may ginawa silang krimen tulad ng korapsyon o paggamit ng bawal na gamot ay maaaring maging basehan ng isang kaso na paninirang-puri.

Meron lamang pagkakaiba kung ito ay ginawa sa pamamagitan ng maaanghang na salita – halimbawa, sa kalsada sa harap ng maraming tao – o sa isang rally na sangkatutak ang in attendance, in which case ang krimen ay slander o oral defamation, at kung ito ay ginawa sa pamamaraan ng pagsusulat – ito ay strictly speaking ay libel, at kung ito ay nasa post o nasa internet – in which case it becomes cyber libel.

Mahalagang i-differentiate kung paano nagawa ang paninirang puri na ito dahil ang penalty para sa bawat isa ay iba-iba. Mas mababa ang penalty kung ito ay through the spoken word – kasi daw mas madaling malimutan ng tao. Kumpara sa nakalathala sa dyaryo, na mas permanent – at lalo na kung ito ay sa internet dahil ito ay permanent at mas madaling kumalat at mabasa ng mas maraming tao. Kumbaga, kung oral defamation, baka pinakamabigat na ang 2 years and 4 months, libel hanggang 4 years and 2 months, cyber libel hanggang 12 years.

Pero kailangan din natin i-emphasize na dahil isang public officer ang sangkot, dapat pong maipakita ang tinatawag na actual malice, ibig sabihin, sinabi nila ang akusasyon kahit alam nilang hindi totoo, o hindi man lang nila bineripika bago ilabas sa publiko.

Sabi ng Korte Suprema na medyo iba ang pagtrato kapag public official ang involved lalo na kung ito ay related sa kanyang public functions and duties at hindi dapat maging sensitive o balat-sibuyas ang mga ito.

Masasabi natin na kasama na ito sa mga hazards of being a public official – dahil ang mga taumbayan ay dapat maging malaya sa pagkomento tungkol sa mga ginagawa ng kanilang mga public officers – para sila ay maging accountable – because public office is a public trust.

But of course, kung ito ay pawang kasinungalingan lamang o walang kaugnayan sa official function at tungkol sa pribadong buhay, ito ay magiging unprotected speech.

Protektado ang freedom of speech, pero may hangganan kapag naninira na o walang katotohanan ang pahayag.

Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw. Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip. Ask me, Ask Atty. Gaby!