ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

OPINION: Ask Atty. Gaby: Proseso ng kaso


Mga Kapuso, tanong ng taong bayan ngayon -- anong petsa na? Wala pa ring nakukulong sa issue ng korapsyon sa flood control projects.

Pero sabi ng pangulo, maraming sangkot na sa kulungan na magpapasko.

Ang Ombudsman, nagsampa na nga ng kaso laban kina dating Ako-Bicol party-list Rep. Zaldy Co at ilang opisyal ng DPWH.

Pag-usapan natin ano ba ang proseso sa ganitong mga kaso. Ask me! Ask Atty. Gaby!

Atty., atat na ang sambayanan na may managot sa issue ng korapsyon. Pero sa ganitong mga mabibigat na kaso, paano ba ang proseso? Puwede nga ba itong mapabilis?

Proseso? Actually, ang mga kaso ng graft and corruption at plunder – lalo na kung ang involved na public official ay medyo mataas ang rank – mga Salary Grade 27 pataas, hindi ito sa usual na dadaan sa fiscal at sa mga regular na korte.

Ang nag-iimbestiga at nagsasagawa ng preliminary investigation ay ang Ombudsman. Kung sa palagay niya ay may sapat na probable cause – magfafile siya ng complaint at kaso sa Sandiganbayan, which is a special graft court.

Puwede ba ito mapabilis? Sabi nga nila, if there’s a will, there's a way! Pero syempre, matagal din ang proseso ng pagkalap ng pag-imbestiga at pagkalap ng ebidensiya.

Madalas umaakyat pa hanggang Korte Suprema kung merong mga espesyal na katanungan na meron sa isang kaso.

At kung bago magpasko, may makukulong na? Wish lang natin.

Halimbawa, ang kaso ni dating president Erap Estrada for plunder, inabot ng 6 1/2 years.

'Yung kay Senator Jinggoy – na-file ang kaso noong 2014. Nag-desisyon ang Sandiganbayan noong January 2024 - 9 years and 7 months. Bong Revilla? Graft at plunder din. Plunder case – acquitted after 4 years and 6 months. 16 counts of graft? Dismissed after 7 years.

Alice Guo - 'yung graft charges niya – June 2024 pa na-file ang kaso for graft pero wala pang nangyayari – although nahatulan siyang guilty sa kaso ng trafficking.

So actually, base sa mga kasong naging matatawag natin na “sensational," taon ang binibilang. Puwede kaya mapabilis ito? Depende siguro sa ebidensiyang nakalap at ang pagprosecute nito ng Ombudsman. Depende na rin sa political will ng ating mga justice sa Sandiganbayan.

At kung nakaalis na ng bansa ang akusado – well, sana ay maaari pa siyang mapabalik para panagutin sa mga kaso laban sa kanya – sa proseso ng extradition. Medyo mabigat din ang proseso at hindi basta-basta nag-eextradite ng tao.

In the first place, dapat ay may treaty o kasunduan ang Pilipinas sa bansa na kinikilala ang proseso na ito. But for sure, nakapag-research na ang mga magnanakaw na iyan para magtago sa bansa na wala tayong extradition treaty.

Meron na kayang makukulong ngayong pasko? Hindi ko itataya ang Christmas bonus ko d'yan pero sana naman, may masampolan na.

Kaya siguro ang lalakas ng loob at napaka-talamak na ng graft at corruption ay dahil walang nahuhuli at walang nakukulong. Pero kung meron mang mahatulan ngayong pasko – 'yan na siguro ang pinakamagandang pamasko para sa mga Pilipino.

Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw. Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip. Ask me, ask Atty. Gaby!