OPINION: Ask Atty. Gaby: Warrant of arrest
Mga Kapuso, ang tagal nating hinintay na may makulong sa issue ng korapsyon sa flood control projects.
At nitong mga nakaraang araw, sinimulan na ng mga awtoridad ang pagsisilbi ng arrest warrant ng Sandiganbayan sa mga dawit sa issue na 'to.
Natunton ng mga awtoridad si DPWH MIMAROPA Engineer Dennis Abagon sa isang bahay sa Quezon City para sa pagkakasangkot umano sa substandard na road dike project sa Naujan, Oriental Mindoro.
Patuloy naman ang paghahanap sa labinlimang iba pa na may warrant of arrest kabilang si dating congressman Zaldy Co.
Pinuntahan nga ng Taguig Police ang luxury condominium ni Co para isilbi ang warrant, pero wala doon si Co at halos isang buwang selyado na raw ang kaniyang unit.
Ang ibang may arrest warrant, hindi na naabutan sa kanilang mga tirahan. Ang iba, nasa labas na rin ng bansa.
Ano nga ba ang sinasabi ng batas tungkol sa warrant of arrest?
Ask me, ask Atty. Gaby!
Atty., sabi ng ilan, malinaw naman na nasa ibang bansa si Co pero dinala pa rin sa condo nito ang arrest warrant. Paano po ba ang proseso ng pagsisilbi ng arrest warrant? Paano kung hindi naabutan sa place of residence?
Marami ang nakaabang kung ano na nga ba ang progreso sa kaso ng mga maanomalyang flood control projects.
At karamihan sa taumbayan ay nagsasabing, wala namang nangyayari at wala pang naaaresto.
Ngunit, nitong Biyernes ay nag-issue na ang Sandiganbayan ng arrest warrant at hold departure order laban kay dating Ako Bicol representative Zaldy Co at sa labing-anim pang sangkot sa maanomalyang flood control projects. Baka nga medyo late.
Bakit nga ba kailangan pang puntahan ang address ni Zaldy Co kahit na alam na posibleng wala ito roon?
Ganito po kasi 'yan.
Una, kapag may warrant of arrest, may standard procedure ang pulis na dapat sundin.
Siyempre ang unang pupuntahan ay ang last known address ng taong inaaresto. Ito ang most probable place na mahahanap ang ordinaryong tao. 'Yung iba kasi lumalabas na talaga. Kahit pa may impormasyon na umano’y nasa abroad siya, hindi puwedeng i-skip 'yun. For all we know, eh baka nagpapalaganap talaga ng fake news para mahirapan ang paghahanap sa kanya. Kumbaga, baka kinukuryente lang ang mga awtoridad.
Hindi puwedeng sabihin lang na, “Ay, nasa ibang bansa naman na siya, 'wag na nating puntahan.” May proseso sila na kailangang sundin.
Kaya’t gagawin talaga ang nakita nating mga attempt na nakita ninyo — kinatok, sinubukan pumasok, tiningnan kung nandoon. Dahil ido-document nila lahat ‘yan.
Speaking of documentation — in fact, sa ilalim ng rules ng Korte Suprema kailangan ay may body-worn camera or phone camera as an alternative na gagamitin sa pag-serve ng warrant. Ito ay para masigurado na walang kalokohang nangyari in terms of police conduct at para na rin hindi sila maakusahan ng mali. At para ma-observe din ang constitutional rights ng inaaresto.
Within 10 days, kailangan nilang i-report at i-explain sa korte na nag-issue ng warrant kung ano na ang status nito, kung ano na ang ginawa at kung bakit hindi pa nahuhuli ang suspek.
At tuloy-tuloy ang bisa ng warrant kahit hindi ito naabutan. Hindi po nag-e-expire ang warrant of arrest. Puwedeng hulihin ang akusado kahit saan sa Pilipinas.
At kung nasa abroad, doon na pumapasok ang mga coordination gaya ng hold departure order, posibleng passport cancellation, at pati na rin extradition kung kailangan.
So para malinaw, hindi ibig sabihin na wala sa bahay, tapos na ang trabaho ng pulis. Tuluyang hahanap-hanapin – whether sa opisina, bahay ng mga kaibigan o mga kamag-anak, sa mga airport at kung saan saan pa.
At pinapayagan ng batas ang paggamit ng reasonable force para ma-serve ang warrant of arrest na ito.
Sabi nga nila dahil sa paghananap na ito, “the long arm of the law will catch you”. Gaano katagal man, at gaano man kagaling magtago ang akusadong maraming resources para magtago, balang araw ay mahahanap din kayo ng batas at mananaig ang hustisya. 'Yan ang dasal ng taumbyan.
Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw. Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip. Ask me, ask Atty. Gaby!