ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

OPINION: Ask Atty. Gaby: Discaya's voluntary surrender


Mga Kapuso, 15 days na lang, Pasko na!

At ang buong bayan, nakaabang na kung bago mag-Pasko eh may mananagot na kaya sa katakot-takot na katiwalian?

Heto na nga ang mainit-init pang balita.

Sumuko na sa tanggapan ng NBI ang negosyanteng si Sarah Discaya kasunod ng anunsiyo ni Pangulong Bongbong Marcos na ilalabas na sa linggong ito ang warrant of arrest laban sa kanya.

Ang asawa ni Sarah na si Curlee Discaya, kasalukuyan pa ring naka-detine sa Senado matapos ma-cite in contempt.

Nahaharap si Discaya at siyam na iba pa sa kasong malversation of public funds at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

'Yan ang pag-uusapan natin ngayon. Ask me, ask Atty. Gaby!

Atty., ano ba ang sinasabi ng batas sa ganitong kaso? Puwede bang sumuko na kahit wala pa ang warrant of arrest?

Well, puwede naman talaga since mukha namang sigurado na lalabas ang warrant of arrest na 'yan. It will save the government time, effort, and money imbes na kung magtatago sila at kailangan pang hanapin, na ang kalalabasan ay maaaresto rin naman at magkakaroon pa ng malaking spectacle na baka nakaposas pa sila dahil posibleng flight risk sila.

So mas mabuti na nga na sila ay mag-antay na lamang. At kung bailable naman ang magiging kaso nila ay maaari na silang mag-post ng bail agad.

However, baka non-bailable ang magiging kaso laban sa kanila sa laki ng amount involved sa kanilang charge of malversation of public funds.

Sa ilalim ng ating Constitution usually, ang bail o ang piyansa ay magbibigay ng temporary na kalayaan habang pending ang kaso ng isang akusado. Ang bail ay isang karapatan unless ang penalty ay reclusion perpetua and the evidence of guilt is strong.

Ang malversation of public funds ay isang mabigat na kaso. Ang penalty ng kulong ay depende sa amount involved – at reclusion perpetua na ang penalty kung ang na-despalko na amount ay lalampas ng P8.8 million. P8.8 million? Lampas ng P8.8 million ang halaga ng isang Rolls Royce na may payong ang halaga na iyan.

So meron bang mapapala ang isang tao na mag-surrender na sa mga awtoridad kahit na wala pang warrant of arrest?

Mako-consider siguro ito na isang kaso ng voluntary surrender. Sa ordinaryong tao, ang boluntaryong pagsuko ay maituturing na mitigating circumstance sa ilalim ng Article 13(7) ng Revised Penal Code. Kapag sinabing mitigating circumstance, ito ay magpapababa ng penalty na maaaring maipataw ng isang hukuman.

Pero hindi ordinaryong tao ang involved sa laki ng halagang involved at sa posibleng dami ng kaso na maaari pang sumunod. Kayat abangan ang susunod na kabanata.

Sana nga ay tuloy-tuloy na ang pag-usad ng wheels of justice natin! Nakakalula ang mga nanakaw sa mga binayad na buwis ng mga tao at lahat ay nagdadasal na sana ay may mahuli na at ipabalik ang perang iyan. Pinakamagandang aguinaldo sa darating na Pasko!

Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw. Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip – ask me, ask Atty. Gaby!