ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

OPINION: Ask Atty. Gaby: Christmas party performances


Ay grabe. Practice po para sa Christmas party! Grabe talaga 'no. Kayo rin ba nagpa-practice na?

Biruan nga sa social media na kapag new hire ka, automatic ‘yan, naku, alay ka sa mga panginoon!

Pero ang DOLE [Department of Labor and Employment], nagpaalala na okay lang namang pasayawin ang mga empleyado pero dapat 'yan ay voluntary at walang pilitan.

‘Yan ang pag-uusapan natin ngayong umaga. Ask me! Ask Atty. Gaby!

Atty., ano ba ang sinasabi ng batas tungkol sa pagpe-perform sa Christmas party? Paano kung napipilitan lang?

Naku, Christmas party season na naman. Maglalabasan ang mga talent na hindi inaasahan.

Pero paano kung ayaw mo mag-perform at pinipilit ka na sumayaw o kumanta? May maaari bang gawin laban dito?

Una sa lahat, wala pong batas na nagsasabing bawal ang Christmas party performance. Okay lang na may sayawan, kantahan, o presentation — basta malinaw na voluntary ito.

Sabi ng DOLE, ang mga ganitong aktibidad, dapat hindi sapilitan, walang parusa kapag tumanggi at hindi nakakaapekto sa trabaho, sahod, o evaluation.

Kung ginagawa mo na lang dahil: “baka mapagalitan ako,” “baka ma-bad shot ako sa boss,” o “baka ma-issue ako", well, baka 'yan ay hindi na voluntary.

Nilinaw ng National Labor Relations Commission na maaaring magsampa ng reklamo lalo na kung may banta ng parusa kung hindi sasali sa pagsayaw.

Batay sa Labor Code, tanging misconduct, gross negligence, loss of confidence, krimen laban sa employer o pamilya nito, at analogous circumstances na may kinalaman sa trabaho ang maituturing na just cause para sa pagpaparusa.

Kung may sapilitan at nagbanta ng disciplinary action, puwedeng dumulog ang empleyado sa NLRC para humingi ng danyos.

Maaari ring magsampa ng reklamo kung nagresulta ito sa pag-iinitan ka o napakahirap na work environment na maaaring mauwi sa constructive dismissal. Well, titingnan natin kung may karampatang paglabag sa batas.

Pero kailangan nating tandaan: kung ang aktibidad ay bahagi lamang ng masayang samahan at walang anumang pamimilit o panggigipit ay dapat makilahok na lang tayo para sa isang masaya at respetadong pagdiriwang.

At tandaan, ang Christmas party ay para sa kasiyahan, hindi para sa pressure o hiyaan.

Kung gusto mong sumali — go lang ng go! Kung ayaw mo, okay lang din. Pero dapat walang pilitan. Dapat masaya tayong lahat at good vibes lang.

Pero siyempre 'pag nandiyan na, all in the spirit of good fun, 'di ba. Ang corny naman kung masyadong KJ.

Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw.

Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip. Ask me, ask Atty. Gaby!