OPINION: Ask Atty. Gaby: Missing bride
Mga Kapuso, usap-usapan pa rin ngayon ang viral na pagkawala ng isang bride-to-be sa Quezon City matapos lang daw lumabas para sana bumili ng sapatos noong nakaraang linggo.
Sa latest development ng imbestigasyon, ang mismong fiancé ng nawawalang bride-to-be, itinuturing nang person of interest ng pulisya.
Hindi naman daw ito nangangahulugang suspek na siya sa pagkawala ng kaniyang kasintahan ayon sa Quezon City Police District.
Pag-usapan natin ‘yan! Ask me! Ask Atty. Gaby!
Atty., ano po ba ang sinasabi ng batas sa mga ganitong kaso? Ano po ang ibig sabihin kapag ang isang tao ay naging ‘person of interest’ sa isang imbestigasyon?
To be clear, 'yung term na “person of interest” ay hindi isang legal term. Hindi ito ginagamit sa ating mga batas, whether it’s the Rules of Court or the Revised Penal Code.
Masasabi natin na it is more of a term na ginagamit ng police.
Sa Pilipinas, lalo na sa mga patakaran ng criminal investigation, kapag sinabing ang isang tao ay “person of interest”, hindi ito nangangahulugang siya ay may sala o may kasong isinampa laban sa kanya. Hindi rin sinasabi na siya ay isang witness, isang akusado o isang suspect. Magkakaiba ang mga term na 'yan.
Kapag sinabing person of interest, ito ay isang indibidwal na maaaring may mahalagang impormasyon kaugnay ng kaso —maaaring dahil sa ugnayan niya sa biktima, sa huling pagkakataong nakita ang nawawala, o sa mga detalyeng kailangang linawin ng pulisya. Bahagi ito ng fact-finding at evidence-gathering stage ng imbestigasyon.
Kapag sinabing witness ang isang tao, ito ay mas specific. Ito ay isang taong may personal knowledge tungkol sa facts ng isang kaso.
Kapag suspect, 'yan ang isang taong pinaghihinalaan na may kasalanan o may kaugnayan sa paggawa ng isang krimen.
Kapag respondent, malamang ay nasa preliminary investigation na at meron nang formal inquiry laban sa isang tao.
Kapag akusado, nasampahan na 'yan ng isang kaso 'yun sa korte.
Mahalagang tandaan na sa ilalim ng 1987 Philippine Constitution, may presumption of innocence ang bawat tao. Hangga’t walang sapat na ebidensiya at pormal na reklamo, hindi siya maituturing na suspek o akusado.
Dagdag pa rito, ayon sa Rules of Criminal Procedure, hindi maaaring ikulong, arestuhin, o kasuhan ang isang tao nang walang probable cause. Kaya kapag sinabing person of interest pa lamang, iniimbestigahan pa lang, hindi pa inaakusahan.
Kailangan natin maging maingat dahil involved ang reputasyon ng isang tao. Hindi natin dapat akusahan o husgahan ang isang tao – lalo na kung ito ay sa media o sa internet!
Baka magkaroon ng trial by publicity na baka hindi naman fair para sa isang tao.
Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw. Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip — ask me, ask Atty. Gaby!