ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

OPINION: Ask Atty. Gaby: Away-kalsada


Mga Kapuso, ngayong holiday, ang mapapayo ko lang — chill! Chill lang nang konti.

Kumalma po kayo at habaan ang pasensiya lalo na sa mga Kapuso nating motorista!

Kabi-kabila po kasi ang insidente ng away-kalsada at road rage ngayong holiday season.

Sa Marikina City, viral ngayon ang isang away dahil sa singitan sa parking!

Sa video, makikita ang bangayan ng mga driver. May isang nang-headlock at meron ding nakipagtulakan at hampasan pa sa mga sakay ng katabing kotse.

Dinala sa police station ang mga sangkot na nagka-areglo na raw.

Pag-usapan natin ang insidenteng ‘yan. Ask me, ask Atty. Gaby!

Atty., ang daming mainitin ang ulo ngayong holiday lalo na sa daan. In general, ano po ba ang sinasabi ng batas sa mga away-kalsada?

Sa totoo lang, walang pinipiling panahon ang batas—holiday man o ordinaryong araw.

Kapag may away-kalsada o road rage, puwede itong pumasok sa iba’t ibang paglabag depende sa ginawa o kung anong nangyari.

Kung sigawan, murahan, o pagbabanta, puwede ito pumasok sa unjust vexation o grave threat sa ilalim ng Revised Penal Code.

Kung may pisikalan, tulad ng tulakan, suntukan, o pananakit, pasok ito sa physical injuries under the same law.

Sa usapin ng driver’s license, ayon sa RA 4136 o Land Transportation and Traffic Code, sa first offense, puwede itong patawan ng multa o kailangang dumalo sa seminar; sa second offense, maaaring ma-suspend ang lisensiya; at kung paulit-ulit o malala ang paglabag, puwede pang ma-revoke ang lisensiya.

Importante ring tandaan na kahit nagka-areglo sa presinto, hindi automatic na mawawala ang pananagutan, lalo na kung may nasaktan o malinaw na paglabag sa batas.

Atty., itong viral video, nag-away dahil sa parking! Problema rin kasi ‘yan ngayong holiday rush. Ano naman po ang sinasabi ng batas tungkol dito? Puwede nga po ba ang first come, first served?

Sa public o private parking space, dapat naman talaga ay first come, first served ang basis sa paradahan.

Ibig sabihin, kung sino ang unang dumating at maayos na pumarada, siya ang may karapatan sa puwesto — unless of course, ito ay reserved parking space para sa mga disabled.

At bawal ang pagre-reserve ng parking gamit ang tao, upuan, o harang.

Ito ay talagang naghahanap ng away – lalo na sa mga crowded na mall, tapos may tatayo na tao para mag-reserve ng parking slot. Naku, talagang nagiging dahilan ng road rage ito.

Kapag nakatapat pa kayo ng mainit ang ulo – baka masaktan pa kayo sa ginagawa ninyo. Kaya marami sa mga mall ay nag-issue na ng rule na bawal ito kasi nga, first come, first served dapat.

Tandaan din na sa mga lansangan naman – at least sa Metro Manila – bawal ang parking at anytime sa mga primary roads tulad ng EDSA, Commonwealth, Shaw at Roxas Blvd. Kapag secondary road o 'yung mga nakakabit sa mga primary roads, depende kung pinapayagan ng LGU na may sakop dito. Pero for sure, bawal sa rush hours ng 7-10 ng umaga at 5-8 ng gabi.

Sa mga residential area, depende na siguro sa mga barangay or sa mga homeowners' association kung may sariling rules sila.

Siyempre talagang bawal din sa harap ng driveway, mga sidewalk, at sa may fire hydrant.

At hindi ninyo puwede pagbawalan ang kapitbahay ninyo na pumarada sa kalye sa tapat ng bahay ninyo. Hindi ninyo pag-aari ang kalsada sa tapat ng bahay ninyo. Maraming nag-aaway tungkol dito. Tapat ng driveway? Bawal. Tapat ng bahay, puwede!

Mag-te-2026 na! Sumunod na tayo sa mga rules and regulations at mga batas.

Hindi lang iwas-away ito – importante rin na kapag sumusunod ang lahat sa batas, hindi kailangang magsuhol sa pulis para hindi kayo hulihin. Walang dahilan para mag-umpisa ang petty corruption dahil ang petty corruption, nagiging major graft and corruption 'yan!

Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw. Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip, ask me, ask Atty. Gaby!