ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

OPINION: Ask Atty. Gaby: Babaeng naglabas ng baril habang nagmamaneho


Mga Kapuso, gising na, may pasok na!

Dapat simulan natin ang taon nang maganda. PPero heto nga, nagsimula na rin ang mga trending na problema sa kalsada.

Viral online ang litrato ng babaeng naglabas ng baril habang nagmamaneho ng pickup truck sa Cagayan de Oro City.

Ayon sa pulisya, naipit sa traffic ang driver na tukoy na nila ang pagkakakilanlan, pero hindi malinaw kung nasangkot siya sa insidente ng road rage.

Madalas daw umanong magdala ng toy gun ang babae para panakot sa mga beggar o namamalimos dahil nabiktima na raw siya ng mga ito.

Nananawagan ngayon ang LTO Region 10 sa nakaalitan ng driver na makipag-ugnayan sa kanila para sa dagdag reklamo laban sa driver.

'Yan ang pag-uusapan natin ngayon. Ask me, ask Atty. Gaby!

Atty., paano po kung toy gun lang ang dala ng babae bilang panakot? May nalalabag po ba itong batas?

Kung may pananakot na nangyari in public – as in nagkaroon ng pangangamba o takot sa mga nakakita nito – ito ay maaaring krimen ng alarm and scandal sa ilalim ng Revised Penal Code.

Kung ginamit ang baril sa pananakot – as in may bantang “kung hindi ka umalis, babarilin kita” – ito ay magiging krimen ng grave threats sa ilalim ng Revised Penal Code pa rin.

Depensa ba na sabihin na hindi naman totoo ang baril so hindi naman talagang naging tunay na threat ang pangyayari?

Hindi pa rin dahil ayon sa Republic Act No. 10591 Section 35, ang paggamit ng replica or imitation firearm sa isang krimen tulad ng alarm at scandal or grave threats ay maituturing na bilang isang totoong firearm. Mapapatawan pa rin ng parusa ang indibidwal na gumamit nito na katulad ng parusa sa paggamit ng totoong firearm sa mga krimen na nabanggit natin.

Kaya kahit na hindi nakakamatay ang pekeng firearm, kapag ito’y ginamit bilang panakot sa isang sitwasyon, makakasuhan pa rin ang gumamit nito kasi ang pinagbabasehan dito ay 'yung pangamba o takot na nangyari du'n sa biktima, hindi doon sa gumamit ng pekeng baril. 

Dagdag pa rito, kung ang paggamit ng pekeng baril ay kasama sa isang insidente involving a driver in public – halimbawa sa isang insidente tulad ng road rage – puwede ring masuspinde o ma-revoke ang lisensiya ng driver na ito. Hindi natin kailangan ang mga driver na tulad na 'yan sa ating mga kalsada.

Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw. Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip. Ask me, ask Atty. Gaby!