OPINION: Ask Atty. Gaby: Pista ng Jesus Nazareno
Almost 31 hours! Ganyan po katagal ang inabot ng Traslacion ng Mahal na Jesus Nazareno.
'Yan po ang pinakamahabang Traslacion sa kasaysayan at dinaluhan 'yan ng mahigit pitong milyong deboto.
Pero siyempre hindi mawawala ang mga aberya.
Puna ng pamunuan ng simbahan ang pagiging mas agresibo raw ng mga deboto sa pagsampa at pilit na pag-abot sa bahagi ng krus sa likod.
Ayon sa pulisya, naging generally peaceful ang pagdiriwang ngayong taon sa kabila ng naiulat na pagkasawi umano ng apat na katao at mahigit isang libong kasong medikal na tinugunan.
‘Yan ang pag-uusapan natin. Ask me, ask Atty. Gaby!
Atty., bukod sa Pista ng nazareno, simula na rin ng kabi-kabilang malalaking kapistahan at pagdiriwang sa bansa na dadaluhan din ng libo-libong katao. Ano ba ang sinasabi ng batas tungkol sa kaligtasan ng mga dumadalo sa mga ganitong kalaking pagdiriwang?
Actually, kung tutuusin, parang medyo iba talaga ang atmosphere kung ang libo-libong katao ay nag-aattend ng pista o ng isang religious procession tulad ng Traslacion kumpara kung ito ay libo-libong katao na nag-aattend ng political rally, 'di po ba?
At medyo iba rin talaga ang pagtingin ng batas kung ito ay isang political rally at kung ito ay isang religious procession o festival tulad ng Traslacion o ibang religious activity.
Halimbawa, merong tayong batas, ang BP 880, na siyang nagmamandato na kung merong mga mag-o-organize at magho-hold ng isang public assembly sa isang pampublikong lugar, kailangan na mag-apply at kumuha ng isang permit mula sa mayor.
Sa ilalim ng BP 880, maaaring i-deny ni mayor ang permit kung sa tingin niya ay may imminent or grave danger sa publiko. Maaari din talagang ipagbawal ni mayor ang paggamit ng mga major na daanan kung masyado itong magiging inconvenient para sa general public, at kung walang permit ay maaaring ipa-disperse agad.
Pero ayon din mismo sa BP 880, ang mga religious procession at gathering ay exempt sa permit requirements at regulasyon ng BP 880. Instead, ang sinasabi ng batas, ang mga religious gathering at activity at mga piyesta ay ayon sa mga lokal na ordinansa at sa nakaugalian na tradisyon.
Protektado ng batas at ng ating Konstitusyon ang karapatan ng tao na mag-express at mag-exercise ng kani-kaniyang relihiyon ayon sa kaugalian at tradisyon.
Of course, protektado din ng batas ang karapatan ng tao to express their grievance laban sa pamahalaan tulad sa isang rally – pero magkaiba nga ang treatment sa dalawa.
Dagdag na rin sa requirement for a mayor’s permit, iba rin ang treatment ng pulis kung ito ay isang piyesta o religious procession o isang political assembly o rally.
Sa isang rally, malamang ang mga pulis, naka-ready ang mga helmet, shield at ang truncheon at baka may water cannon pa na nag-aantay! While they will still exercise maximum tolerance, kapag binangga ninyo ang pulis sa isang rally, naku, baka arestado agad kayo for assault on a public officer.
Pero tulad ng sa Traslacion, “go with the flow’ ang mga pulis at walang arestado kahit sinugod nila ang mga linya ng nagbabantay para makasampa sa andas.
So in the end, kahit na ang ultimate goal ng batas at ng mga police regulation ay maging safe pa rin ang publiko at hindi magkaroon ng gulo – and of course, protektahan ang mga deboto at mga nagpepiyesta laban sa mga gagamit at mag-infiltrate sa mga ito para maghasik ng lagim – may tinatawag na ‘benevolent neutrality’ o ibang sistema sa pag-manage kung ang dagsa ng tao ay religious in nature at hindi politikal.
Alam naman natin na ang mga piyesta natin at ibang pagdiriwang ay religious in nature. Nirerespeto ng batas – at ng mga police manual- ang selebrasyon ng relihiyon ng bawat mamamayan.
But of course, 'yang mga pickpocket, magnanakaw at mga walang gusto kundi manggulo at mag-iskandalo – hindi kayo exempt. Gawin ninyo 'yan sa isang rally o prusisyon o piyesta, huli at arestado pa rin kayo! Walang lugar para sa inyo kahit na saan at kailan.
Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw. Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip. Ask me, ask Atty. Gaby!