ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

OPINION: Ask Atty. Gaby: Voluntary surrender


Pilipinas…kaya pa ba?

Ang hiling natin noon, makulong ang dapat makulong!

At nito ngang mga nakaraang linggo, sunod-sunod ang paglabas ng warrant of arrest.

‘Yun nga lang, hindi naman matagpuan ang mga may warrant gaya ni dating congressman Zaldy Co.

Pahirapan din ang paghahanap sa negosyanteng si Atong Ang na pinaaaresto ng dalawang korte dahil sa pagkawala ng mga sabungero.

Pero nito lang nakaraang gabi, nag-voluntary surrender si dating senador Bong Revilla Jr sa PNP-CIDG matapos ilabas ng Sandiganbayan Third Division ang arrest warrant laban sa kaniya kaugnay ng ghost project umano sa Bulacan.

Ang mga tanong ng bayan tungkol sa mga kasong ‘yan, sasagutin natin. Ask me, ask Atty. Gaby!

Atty., nagpost ng bail si Bong sa kasong graft pero hindi pa siya makakalaya dahil may isa pa siyang kasong malversation na non-bailable. Makakatulong ba sa kaso ng isang akusado ang pagvo-voluntary surrender?

Malaking tulong ang voluntary surrender tulad ng ginawa ni dating senador Revilla sa kaso na kanyang kinakaharap.

Sa ilalim ng Revised Penal Code, ang voluntary surrender ay itinuturing na mitigating circumstance. Ibig sabihin, kapag kusang sumuko ang isang akusado, maaari itong ikonsidera ng korte bilang pampababa ng parusa kung mapatunayan siyang guilty.

Pero siyempre maco-consider lang ang kanyang voluntary surrender sa dulo na ng kaso.

In the meantime, ang voluntary surrender na ito ay hindi makakatulong sa pag-resolve ng issue kung puwede siyang makalaya sa ngayon na pending pa ang kaso.

Ang isang akusado na inaresto ay hindi naman nakapiit kaagad sa bilangguan habang pending pa ang kaso; usually, nakakapag-piyansa o nakakag-post ng bail.

Kapag sinabing bail, ito ay seguridad na binibigay na kahit na ikaw ay palalayain habang ongoing ang kaso, ikaw ay mangangakong magpapakita sa mga hearing at hindi tatakas. 

Usually, ang bail ay isang karapatan – it is a matter of right. Automatic na ibibigay 'yan unless ang kaso ay reclusion perpetua and evidence of guilt is strong.

At 'yan nga ang problema sa kaso ni Bong Revilla. Marami kasing kaso - may kaso siya na graft – na ang penalty ay hanggang reclusion temporal kaya't nakapag-bail na siya.

Pero hindi ito magpapalaya sa kanya dahil sa nakabinbing kaso ng malversation. Ang malversation po kasi, kung ang perang dinespalgo ay lampas P8.8 milyon, ang penalty ay reclusion perpetua na maaaring non-bailable. Kailangan pang tingnan ng korte kung malakas o mahina ang ebidensiya ng prosekusyon bago nila desisyonan kung maaari ba siyang magpiyansa o hindi.

Kung may nag-surrender, meron namang 'di pa mahanap! Ano naman po ang sinasabi ng batas dito? Maaari bang madagdagan ang kaso ng mga may warrant pero nagtatago?

Para naman sa mga may warrant of arrest na hindi pa rin matagpuan o talagang nagtatago, ang simpleng hindi agad pagsuko ay hindi awtomatikong dagdag o hiwalay na krimen. 

Ngunit kung sadyang nagtatago ang isang akusado upang umiwas sa pag-aresto, may seryosong epekto ito sa kanyang kaso.

Una, maaaring ipagtibay nito ang paniniwala ng korte na totoong isa siyang “flight risk”. So eventually kapag siya ay naaresto, baka hindi siya payagang mag-bail dahil sa malaking posibilidad na siya’y tumakas.

Habang nagtatago ang isang akusado, mas lumalakas ang perception na siya ay guilty.

Pangalawa, 'yung mga tumutulong na itago ang akusado, sila ang may mga posibleng kaso ng obstruction of justice or harboring a fugitive. So it might not be worth it – at kayo din ay makukulong dahil sa pagtulong sa akusado.

Pangatlo, since hindi kayo nagpapasailalim sa awtoridad ng korte, hindi rin kayo maaaring humingi ng tulong sa korte. Hindi puwedeng mag-apply for bail, mag-motion to quash the warrant or magpa-dismiss ng kaso – na ang aapir lamang ay ang mga abogado ninyo. Magpakita o mag-surrender muna kayo.

And finally, hindi masaya ang buhay TNT o tago nang tago. Mas mainam pa ring harapin ang kaso kaysa sa ito'y takasan.

Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw. Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip. Ask me, ask Atty. Gaby!