OPINION: Ask Atty. Gaby: Nag-amok sa airport
Mga Kapuso, nabalot ng tensiyon at takot ang pre-departure area ng Iloilo International Airport kahapon nang mag-amok kasi ang isang lalaking may hawak na kutsilyo.
Sa video, makikitang naglakad palapit sa pulis ang lalaking naka-itim na damit saka bumaling at tila hinabol ang isa pang pulis.
Hanggang umalingangaw ang isang putok ng baril!
Ayon sa Iloilo Police Provincial Office, na-detect sa X-ray ng paliparan ang patalim sa bag ng suspek.
Nang iinspeksyonin na sa screening area, tumakas daw ang suspek bitbit ang kanyang bag at saka inilabas ang patalim.
Dinala ang suspek sa ospital at nasa maayos nang kondisyon.
Ang PNP, iniimbestigahan ang pangyayari.
Pag-usapan natin ang insidenteng ‘yan. Ask me! Ask Atty Gaby!
Atty., nakakatakot ang mga ganitong insidente ng pag-aamok tapos sa airport pa na maraming tao. Ano ba ang sinasabi ng batas tungkol dito?
Ang unang tanong – bawal bang magdala ng mga ganyang patalim sa loob ng bag?
Sa mga sasakay ng eroplano, almost universal ang pagbabawal nang ganito kaya't kahit anong airport ay talagang may security check at kinukumpiska ang mga possible weapons lalo na pagkatapos ang 9/11.
Pero bago pa man ang possible case ng terrorist attack – talagang threat ang hijacking ng eroplano.
Kaya't meron tayong Republic Act 6235 o ang Anti-Hijacking Law at ang Republic Act 9497 o ang Civil Aviation Authority Act – na parehong ipinagbabawal ang pagdala ng mga dangerous weapon sa mga eroplano.
Pero alam ninyo ba na kahit hindi kayo sasakay ng eroplano, eh baka mahuli din kayo dahil may dalang patalim sa bag? Heto 'yung batas na ipinagbabawal ang pagdala ng mga bladed, pointed or blunt weapons tulad ng balisong o fan knife, bolo, at chako. Exempted kung mapapakita ninyo na ito ay kailangan ninyo sa inyong hanapbuhay or meron kayong lawful activity tulad ng camping at may martial arts class kayo.
Pero sa ilang mga Supreme Court case, nagiging krimen lamang ang pagdadala nito kung maipapakita na meron kayong illegal activity na binabalak o sasamahan. Kaya't kung maipakita ng prosecution na meron kayong sasalihan o may gagawing gulo kaya't meron kayong dalang patalim, maaari kayong mabilanggo ng hanggang isang taon for carrying an illegal weapon.
Of course, 'yung nagwawala kayo whether ito ay pag-aamok na dala ng kawalan ng tamang ulirat, o init ng ulo, maaari pa ring panagutan lalo na't kung may nasaktan o namatay dahil dito.
Kung walang nasaktan, maaari pa ring magkaroon ng posibleng kaso ng alarm and scandal sa ilalim ng Revised Penal Code kung ang paglabas ng patalim ay nagresulta sa takot o panic ng publiko.
Maaari ding kaso ng light threats kung may pagbabantang nangyari kahit walang nasaktan.
Of course, kailangan pa rin i-check ang mga local na ordinansa kung merong pagbabawal ukol sa pagdadala ng mga patalim at iba pang mga dangerous weapon na maaaring applicable sa inyo.
Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw. Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip. Ask me, ask Atty. Gaby!