ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

OPINION: Ask Atty. Gaby: Peligrosong karera


Mga Kapuso, kabi-kabila po ang mga aksidente ngayon. Sa Mindanao, ang masaya sanang event, nauwi sa trahedya.

Sa naganap na isang motorcycle endurance challenge, isa ang nasawi habang labindalawa ang sugatan kabilang ang tatlong menor de edad na nanood lang.

Sa kuha ng CCTV, marahang binabagtas ng tricycle ang kalsada nang biglang salpukin sa likod ng humaharurot na motorsiklo. Sa lakas ng impact, napa-angat ang tricycle at ang bumanggang rider, sumemplang.

Sa isang crossing naman, nakunan ang rider na ito na may dala-dala pang mga bulaklak na bumagsak  sa kalsada matapos daw banggain ng rider. Ang lalaki, nagtamo ng bali sa kanang paa.

Meron pang motorsiklo na pumailalim sa bus.

Base sa paunang imbestigasyon ng LTO, nangyari ang sari-saring aksidente dahil sa sandamakmak na traffic violations na ginawa.

Sabi rin ng LTO, wala raw koordinasyon ang organizers.

Ang aksidenteng 'yan ang ating tatalakayin — ask me! Ask Atty. Gaby!

Atty., hindi lang endurance races. Maraming events ang kabi-kabila ngayon. Ano po ba ang habol ng mga masasangkot sa aksidente sa mga ganitong events?

Very challenging talaga ang ganitong mga insidente. Sa bawat araw, madami na tayong nababalitaan na mga insidente sa lansangan dala ng mga driver na hindi sumusunod sa mga batas trapiko. Kapag isipin niyo pa na multiplied by 1,000 riders ang involved na humaharurot sa mga lansangan, talagang nakakabahala.

At hindi na bale kung nasa isang stadium lamang sila, sa isang enclosed space, na kahit na gaano kabilis o gaano ka-reckless ang mga involved, sila-sila rin ang mga masasaktan.

Ang problema nga ay kung sa pampublikong lansangan nagaganap ang mga event na ito na ang nasasama sa nasaktan ay ang mga inosenteng publiko na nanonood lamang.

Of course, ang unang dapat habulin ay ang mga individual na involved sa mga insidente. Hindi porket may competition ay ihahagis at isasawalang bahala na ang traffic rules and regulations.

Of course, hindi mawawala ang kanilang responsibilidad na mag-ingat at siguraduhin na wala silang masasaktan dahil ang golden rule pa rin ay: kung may gross negligence o pagpapabaya involved at dahil sa pagpapabaya na iyan ay may nasaktan o namatay, magkakaroon ng pananagutan para sa danyos o damages para sa naging resulta ng aksidente.

At ano naman ang damages na 'yan? Maaaring actual damages — pagpapagamot, ospital – at kung talagang malas at may namatay – cost ng burol at pagpapalibing. 

Kung na-ospital ang mga biktima at hindi nakapagtrabaho, maaari ding isama ang lost earnings. Siyempre naman, kung hindi naman naaksidente, di sana ay nakapasok sa trabaho ang biktima.

Moral damages din for pain and suffering ng biktima; or para sa hinagpis at paghihirap ng mga namatayan.

At kung sobrang pabaya, may exemplary damages.

Kung may namatay, maaari din na bayaran ang loss of earning capacity – 'yung kinita sana ng biktima kung hindi naudlot ang buhay niya. Maaaring i-compute ng korte ito base sa life expectancy ng isang tao.

At hindi lamang ang civil liability ang meron. Posibleng may criminal na kaso din for reckless imprudence.

Pero hindi lamang ang individuals na kasama sa mga ganitong event ang posibleng managot. Maaari ding managot ang mga organizer ng isang event na tulad nito.

Ang mga organizer ng mga ganitong klaseng mga challenge at paligsahan kasi ay malaki ang posibleng pananagutan. Kasama na rito ang mga event tulad ng mga fun run, halimbawa, or athletic challenges na may tumatakbo, may lumalangoy , may nagbibisikleta or even all of the above.

Kung tutuusin, malaki ang responsibilidad ng mga organizer na siguraduhin na ma-prevent ang mga posibleng aksidente na mangyayari – hindi lamang sa mga contestant pero sa publiko na rin.

Ang responsibilidad ng isang organizer ay natalakay na ng Korte Suprema sa kaso ng isang marathon runner na sumali sa isang 10-km marathon mula sa Batasan hanggang sa Quezon Memorial Circle – at siyempre sa lansangan ang takbuhan.

Sa kasawiang palad, merong humaharurot na jeep at nasagasaan ang marathon runner na ito. He was only 18 years old at that time at student ng UP.

Umabot ng 37 years bago nagkaroon ng closure ang pamilya ng biktima. Sabi ng Korte Suprema, nagkaroon ng pagpapabaya ang mga organizer ng marathon dahil hindi nila sinigurado ang safety ng mga runners na tumatakbo ng malapit sa mga sasakyan sa busy na lansangan.

Puwede naman daw pumili ng ibang ruta na hindi masyadong exposed to traffic ang mga contestant, dapat ay may handang medical team na maaaring sumaklolo agad, at higit sa lahat, dapat ay sapat ang mga marshall o taong kinuha para magbantay sa mga nakilahok na tumatakbo sa daan.

So kailangang suriin ang mga insidenteng ito kung meron ngang pagpapabaya sa parte ng mga individual riders involved at tingnan din ang mga ginawa ng mga organizer kung ito ay sapat under the circumstances.

Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw. Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip. Ask me, ask Atty. Gaby!