OPINION: Ask Atty. Gaby: Nang-ararong bus
Mga Kapuso, ingat-ingat po tayo ha. Parang nadadalas yata ang nangyayaring aksidente at aberya sa kalsada.
Nitong Martes nga lang, siyam ang sugatan matapos mang-araro ang isang pampasaherong bus na pumalya raw umano ang preno.
Sa CCTV, makikitang nakatawid pa ang mga taong ‘yan at mga sasakyan na galing ng Pedro Gil sa Ermita, Maynila.
Pero maya-maya lang, inararo na ng bus ang mga sasakyan.
Sa isa pang anggulo ng CCTV, makikita pa ang pagbagsak ng mga motorcycle rider na nadamay rin sa aksidente.
Ayon sa Manila Disaster Risk Reduction and Management Office, hindi bababa sa walong sasakyan ang inararo ng bus.
Pag-usapan natin ang insidenteng ‘yan — ask me! Ask Atty. Gaby!
Atty., ang sinasabing dahilan, pumalya raw umano ang preno ng bus. Sa mga ganitong pagkakataon, ano ba ang habol hindi lang ng mga madadamay kundi pati ang mga pasahero ng bus?
Pumalya daw ang preno?
So parang ang gusto nilang sabihin ay walang kasalanan ang driver dahil ito ay pawang aksidente lamang – kumbaga ay fortuitous event, accident, walang kasalanan, walang liabilidad kanino man.
Pero hindi naman ito ang necessary conclusion. Sa maraming kaso dito sa Pilipinas, ang pagkawala ng preno ay hindi isang aksidente – actually ito ay isang kaso rin ng pagpapabaya – failure of maintenance ng sasakyan na naiwasan sana kung pina-check up ang sasakyan at nadiskubre na kailangan ng palitan ang preno o ang brake pads o kung ano man ang kailangan gawin para in smooth running order ang isang sasakyan.
Malamang preventable sana ang aksidente kung pinacheck ang sasakyan.
So actually, pagpapabaya rin ang pagkawala ng brakes at tulad ng palagi nating sinasabi – ang pagpapabaya na nagreresulta sa injury ng ibang tao ay nagbibigay daan sa responsibilidad na magbayad ng damages o danyos sa mga nasaktan o mga namatay.
So sa kasong katulad nito – obviously merong dapat managot – kailangan imbestigahan - una – totoo ba na nawalan ng preno ang bus kaya't nangyari ang sakunang ito?
Ito ba ay na-prevent kung nagkaroon ng proper maintenance ang bus?
Kung may kaso ng pagpapabaya dahil sa failure of maintenance, ang registered owner ng bus ang mananagot para sa danyos.
Pangalawa, kung hindi naman pala brakes ang problema, malamang ito ay kasalanan ng driver na nagmamaneho ng sasakyan. In which case – may kriminal na kaso for reckless imprudence resulting in physical injuries and damage to property.
Dagdag sa kulong, mananagot ang driver sa lahat ng danyos na naidulot niya dahil sa kasalanan niyang reckless imprudence sa pagmamaneho.
Pero kung mahatulan na guilty ang driver at hindi kayang bayaran ang damages o danyos na dapat sa biktima, magkakaroon ng subsidiary liabilty o pananagutan ang kanyang employer o ang bus company na siyang registered owner ng bus.
Tandaan din na ang mga bus – tulad ng mga kotse at ibang sasakyan ay required na magkaroon ng CTPL or compulsory third party liability insurance – na siyang sisigurado na may maibabayad kapag nagkaroon ng liabilidad sa third parties- sa mga hindi pasahero ng sasakyan tulad ng mga pedestrian at ibang sasakyan.
Of course, depende sa mga pangyayari – maaaring maapektuhan ang prangkisa ng bus company kung ito ay talagang pabaya at hindi nagme-maintain ng kanyang mga sasakyan, o pabaya sa pag-hire ng mga driver nito.
Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw. Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip. Ask me, ask Atty. Gaby!