OPINION: Ask Atty. Gaby: Fuel overpricing and hoarding
Mga Kapuso, simula na ngayong araw ang big time oil price hike pero kahapon, may 55 gasolinahan nang nauna.
Kaya naman inisyuhan sila ng show cause order para ipaliwanag kung bakit hindi dapat kanselahin ang kanilang certificate of compliance.
Samantala, marami na rin ang nagpakarga nang maaga. Kaya ang ilang gas station, naubusan na raw ng supply.
Nagpaalala ang Department of Energy na mahigpit na ipinagbabawal ang hoarding.
Ang ibang mga Kapuso natin, napapaisip rin na baka kahit may supply eh, sinasabing out of stock para hintayin ang pagtaas ng presyo.
Ang usapin na ‘yan tatalakayin natin ngayon. Ask me, ask Atty. Gaby!
Atty., ano ba ang sinasabi ng batas sa mga taong mananamantala sa panahon ng krisis tulad nitong problema ngayon sa presyo at supply ng gasolina at sa susunod baka mga presyo na rin ng bilihin?
Of course, sa ngayon, ang talagang binabantayan – at kinakatakutan ng mga tao ay ang pagtaas ng presyo ng gasolina dahil nga sa mga pangyayari sa Middle East.
Although wala tayong magagawa sa pagtaas ng mga presyo dahil sa Republic Act 8479 o ang Oil Deregulation Act na pinapayagan na ang presyo ng gasolina ay madidikta ng market forces – meron pa ring batas – ang Batas Pambansa Blg 33 - na pinagbabawal ang ilang mga illegal o manipulative practices tulad ng hoarding, profiteering, predatory pricing or anti-competitive rules.
Kaya't naririnig natin sa balita na ang DOE ay nakakapagmonitor at mag-issue ng cease and desist orders kung may hinala silang may illegal na nagaganap. So ang mga nabanggit nating mga batas ay specific para sa gasolina at ibang petroleum products.
Para naman sa ibang bilihin, meron tayong Republic Act No. 7581 o Price Act, na ipinagbabawal ang mga gawain tulad ng hoarding, profiteering, at pananamantala sa basic commodities sa panahon ng krisis.
Take note na sa ilalim ng Price Act, hindi po kasama ang gasolina dito – ang covered ay LPG at kerosene na considered as basic commodities. Ang LPG at ang kerosene daw kasi ay kailangan para sa pang-araw araw para mabuhay ang mga tao – ginagamit para makapagluto at makakakain.
Ang gasolina, although napaka-importante para sa transportasyon ng mga tao- hindi naman daw essential for survival.
Kaya malinaw: sa panahon ng krisis, hindi pinapayagan ng batas ang pagsasamantala sa presyo at supply ng mga produktong kailangan ng publiko. Pero mukhang hindi natin mapipigilan ang pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel. Sa ganitong panahon – kailangan tayong umakto ng angkop sa pangangailangan: conserve energy and gasoline.
Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw. Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip. Ask me, ask Atty. Gaby!