OPINION: Ask Atty. Gaby: Siklista, sinadyang banggain!
Naku! Good vibes lang sana ang wish natin ngayong araw pero paano naman kung ganito ang makikita mo?!
Sa Cainta, Rizal, huli-cam ang pagtumbok ng isang rider sa isang siklista.
Kita sa video na tinumbok ng rider ang siklista na nawalan ng kontrol. Sumemplang at nabangga pa ng paparating na tricycle mula sa kabilang lane.
Ayon sa siklista, ikinagalit ng rider ang pagkuha niya ng cellphone.
Kukunan niya raw kasi sana ng larawan ang rider dahil nakita raw niyang masama ang tingin nito sa kaniya.
Pag-usapan natin ang insidenteng ‘yan. Ask me! Ask Atty. Gaby!
Atty., ano po ang maaaring ikaso sa driver na itong huli sa video na sinadya at nakadamay pa ng ibang sasakyan?
Madalas nating pinag-uusapan, lalo na sa kaso ng mga banggaan, sagasaan, bundulan, na usually ito ay mga kaso ng pagpapabaya – overspeeding, violation ng traffic rules and regulations, mga hindi tumitingin, kaya't kalauna’y nauuwi sa di-sinasadya at di-inaasahang pananakit sa kapwa at madalas, damage to property.
Pero paano na nga ba kung sinasadya pala? Of course, kung minsan, hindi naman sinasadya na patayin o masaktan ng sobra. Kumbaga ay pinipitik lamang sana para maturuan ng leksyon. 'Yan ang ating pag-uusapan!
Unang una, kapag sinasadya na makasakit ng kapwa, ang masamang intensyon na 'yan ay magreresulta sa kasong kriminal.
In criminal law, dalawa actually ang posibleng cause ng pananagutan – 'yung sinasadya at ang tinatawag natin d'yan ay dolo, at 'yung hindi sinasadya at dala ng pagpapabaya na ang tawag ay culpa.
Parehong kailangan panagutan, pero ang penalty sa isang krimen na sinasadya ay buo – hindi tulad ng kung ito ay resulta ng pagpapabaya lamang, na mas mababa ang penalty.
So kung sadya mong sinaktan ang isang tao, ang kaso ay physical injuries – maaaring serious, less serious or light physical injuries, depende sa level o degree ng injury ng isang tao.
Of course, kung nakapatay kayo ng tao, ito ay maaaring homicide or murder.
Paano kung sasabihin na, “Hindi ko naman gusto na masaktan siya. Gusto ko lamang na banggain ang bisikleta”. Or “Hindi ko naman planong patayin siya. Susuntukin ko lang sana siya para turuan ng leksyon. Eh napalakas ang suntok, namatay”.
Naku! Hindi po iyan excuse sa ilalim ng ating Revised Penal Code. Basic principle po iyan na kung ang isang tao ay gumagawa ng isang ilegal na bagay – halimbawa, pananakit ng kapwa, pagbangga ng bisikleta – kailangang panagutan ang lahat ng direct consequence ng illegal act niya, kahit ito ay iba sa original na balakin.
Sa mga kasong ganito, titingnan din kung ano nga ba ang tunay na balak. Dahil kung ang original intention ay mukhang gusto niyang patayin ang isang tao pero hindi nangyari, ang kaso ay maaaring attempted or frustrated homicide or murder.
Ngayon, kung ang original intention ay banggain lamang ang bisikleta, pero namatay o nasaktan ang biktima, of course ang kaso ay hindi na 'yung ukol sa damage to property pero ito ay kaso na nga ng homicide, murder or physical injuries.
Tulad ng palagi nating sinasabi, wala talagang magandang mangyayari sa init ng ulo. Lalo na ngayon, summer, mainit ang panahon. Mainit din ang ulo natin dahil mataas ang presyo ng gas. So, keep cool.
Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw.
Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip. Ask me, ask Atty. Gaby!