OPINION: Ask Atty. Gaby: Mga umawat lang sa rambol, nasaksak pa!
Mga Kapuso, pasintabi po. Sensitibo ang video na inyong mapanonood!
Sa Zamboanga del Sur, dalawang lalaking nagmagandang loob lang sana sa gitna ng gulo ang nasaksak pa!
Sa gitna ng rambol, isang lalaki ang bigla na lang natumba, habang ang isa pa sa likod niya, napaupo naman sa kalsada.
Ang dalawa, nasaksak na pala sa nangyaring rambol!
Agad silang isinugod sa ospital pero idineklarang dead on arrival ang lalaking dalawang beses natumba. Kritikal naman ang isa pang lalaki.
Patuloy pang pinaghahanap ang mga suspek.
Pag-usapan natin ang insidenteng ‘yan. Ask me! Ask Atty. Gaby!
Atty., umawat na nga lang, nasaksak pa at binawian ng buhay. Ano ba ang habol ng mga biktimang tumulong lang sa gulo pero napahamak gaya nito?
Sa umpisa, kung wala pang nagkakasakitan, ang krimen sa sitwasyon na medyo nagkakagulo ang maraming tao, specifically 3 or more, ay isang matatawag natin na “tumult” – isang magulong disturbance of the public order.
At ito ay mahahanap sa Article 153 of the Revised Penal Code. Ito ay isang krimen ng mga taong nanggugulo sa isang public performance, function, or gathering – disturbing the peace kumbaga ng maraming tao.
Paano naman kung nagkaroon ng sakitan at saksakan? Well, mabuti kung may CCTV o nakahagip na camera, madaling matunton kung sino-sino ang gumawa ng krimen. Of course, pananagutan ang pagkamatay ng biktima at magkakaroon ng dagdag na kasong murder o homicide depende sa mga pangyayari.
Pero, kung hindi malaman kung sino talaga ang responsable para sa mga injury, meron actually na krimen sa Article 252 ng Revised Penal Code na tinatawag na “death o physical injuries in a tumultuous affray”.
Ito 'yung krimen sa isang rambulan at merong nasaktan at hindi malaman kung sino ba talaga ang nanakit sa biktima. Lahat ng involved na mukhang nakasakit sa biktima ay makakasuhan pero mas mababa ang penalty siyempre. Mas mataas ang penalty for murder or homicide kung ma-a-identify ang killer.
So isang payo lamang po: Kung may rambulan o kaguluhan in public, dumistansiya na lamang tayo at tumawag ng pulis for assistance. Kahit na may binubugbog sa harap ninyo, alam natin na dapat pigilan ito. Pero mas mabuti na rin siguro na tumawag ng pulis o ng barangay tanod!
Huwag nang sumali sa mga kumukuyog lalo na't hindi ninyo alam ang tunay na pangyayari, dahil sa mga ganitong sitwasyon, lahat kayo na nagbuhat ng kamay sa nasaktan o namatay ay magkakaroon ng liabilidad sa pangyayari. Or even worse, baka kayo ang masaktan o mamatay sa mga tumult or disturbance tulad nito.
Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw. Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip. Ask me, ask Atty. Gaby!