OPINION: Ask Atty. Gaby: Daan-daang puno sa Quirino Avenue, pinutol para sa expressway project
Mga Kapuso, usap-usapan po ngayon online ang pagputol ng daan-daang puno sa Quirino Avenue.
Nasa 225 na puno ang pinutol para bigyang-daan ang pagtatayo ng panibagong Southern Access Link Expressway o SALEX.
Pinayagan daw umano ng DENR na putulin ang mga puno sa ngalan ng urban development kapalit ng pagtatanim ng mga project proponent ng 50,700 replacement seedlings.
Ang isyung 'yan, umani ng sari-saring komento mula sa netizens.
Pag-usapan natin 'yan. Ask me! Ask Atty. Gaby!
Atty., sa batas ba natin, ano ang requirements para magputol ng daan-daang puno?
Whether isa, dalawa o dalawang daang puno ang puputulin sa public land tulad ng mga sidewalk, plaza at iba pang pampublikong lugar, kailangan na magpaalam at kumuha ng permit mula sa DENR para gawin ito.
Kasama dito ang pagsang-ayon ng LGU na wala itong objection sa pagpuputol na ito.
Actually sa ilalim ng mga DENR regulations, maaari lamang gawin ang pagputol ng mga puno on public land for two reasons – either ito ay peligroso dahil baka may mabagsakan dahil compromised na ang puno at ang pangalawa, ito ay kinakailangan for government infrastructure projects.
Kasama na rito ang mga road widening project, pagpapatayo ng mga kalye, daan at tulay. Kailangan din ipakita ang pag-aaral ng mga specialist na hindi kayang i-reroute ang project para maisagawa ang proyekto.
Pero 225 narra trees na more than 50 years old ay talagang pinutol na. Nakakalungkot!
Tanong ng iba – bakit hindi i-earth ball at ilipat? Bakit kailangan putulin?
Ayon sa mga rule, ang earthballing ay preferred kaysa sa pagputol ng mga puno. Pero mukhang hindi feasible ang earth balling 'pag sobrang laki ang mga puno. Malaki na ang risk na mamamatay lang ang mga ito dahil hindi kakayanin ng puno ang shock sa mga ugat nito.
Hindi pa kasama diyan ang malaking cost, ang equipment na kailangan para subukang gawin ito.
Kaya't ang alternative ay tree planting para daw mapalitan ang mga pinutol na puno. Ang usual ratio ay 1 is to 100 seedlings ang itatanim. Pero saan ba ang pagtatamnan ng mga seedling na ito? Tuluyan bang maaalagaan ito?
More than 50 years old ang mga punong pinutol. Kailan pa mapakikinabangan ang mga replacement trees na ito?
Actually, hindi lamang sa mga pampublikong lugar ang ganitong mga patakaran. Kahit na sa mga pribadong lupa. Hindi kayo basta-basta makakaputol ng mga puno. Kailangan pa rin kumuha ng permit para magputol ng puno sa sarili ninyong lupa. Mahirap naman kung may malaking puno sa gitna ng inyong lote – e paano naman kayo magpapatayo ng bahay? So kailangan pa rin mag-apply for a private land timber permit (PLTP).
Mag-uumpisa ang proseso sa barangay. Eexaminin ang lupa at ang mga puno. Kailangan mag-submit ng application fee.
Although may regulation na na-issue ngayong 2026 lamang na kung 1 o 2 puno lamang, hindi na kailangan kumuha ng permit, pero kailangan pa rin magbigay ng notice.
Meron sana tayong tinatawag na writ of kalikasan pero ito ay usually reserved para ipatigil ang mga tree cutting activities na maaaring mag-resulta sa loss of life, danger to the health and safety of inhabitants.
Tulad ito sa pagpapatigil ng treecutting sa mga bundok dahil baka magkaroon ng landslide. Baka hindi makakakuha ng writ of kalikasan para sa mga puno sa kalye lamang, dahil walang imminent danger sa mga tao.
But we need to save our trees. Hindi natin kayang palitan ang mga puno na deka-dekada ang panahong kinailangan para tumubo sila. Otherwise kawawa naman ang mga anak at apo natin na concrete jungle na lamang talaga ang malalaman at makikila nila.
Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw. Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip. Ask me, ask Atty. Gaby!