OPINION: Ask Atty. Gaby: Pagkalunod ng 2 varsity players
Mga Kapuso, wala na pong mas sasakit pa sa sino mang magulang ang mawalan ng anak.
'Yan po ang hinagpis ng nanay ng isa sa mga nalunod na basketball player ng isang university sa isang team building activity sa Dipaculao, Aurora.
Humihingi po sila ng hustisya.
At ngayon ngang balik eskwela na, paano nga ba tayo mapapanatag sa ating mga anak? Paano kung may mangyaring aksidente sa paaralan?
Other Stories
Pag-usapan natin 'yan. Ask me. Ask Atty. Gaby!
Atty., ano ba ang sinasabi ng batas sa mga school activity o event? Sino ang dapat managot kung may naaksidente?
Depende 'yan sa edad ng mga estudyante na involved.
Iba ang tingin ng batas insofar as the level of protection is concerned, at nararapat lang ito.
Iba kung mga “baby” natin – mga menor de edad ang involved — or kung ang mga involved ay mga adult children na natin, 'yung mga nasa college na, na kahit papaano, may sarili nang mga diskarte at buhay na hindi na rin masyadong mababantayan at masasabihan.
So kung ang involved ay mga menor de edad, ang general rule ay napapaloob ng Article 218 at 219 ng Family Code kung saan kinikilala ng batas na minsan na inihabilin ng isang magulang ang kanyang anak sa paaralan at iniwan ang bata sa gate ng eskwelahan, nagkakaroon ng special parental authority ang eskwelahan, ang mga administrador at teachers nito.
Ibig sabihin, kung may mangyari at may nagawa ang mga bata na dapat ay binabantayan nila, sila ang maaaring managot for damages kung makikita na may pagpapabaya.
Usually kasi ang mga magulang ang mananagot. Pero dahil sa Article 218, ang paaralan ang mananagot.
Ito ay dahil ang mga paaralan, ang teacher at staff nito ay “in loco parentis” — tumatayo sila bilang mga magulang sa mga anak nating menor de edad habang ang mga ito ay nasa ilalim ng kanilang supervision, instruction o custody.
Applicable ang pananagutan ng paaralan kung may mangyari whether it is class time, recess time or outside the school premises — basta school-related activity.
So paano na lamang kung college na ang mga students involved? Wala na bang special na responsibilidad ang mga eskwelahan natin porket lampas na sila ng age of minority?
Although hindi na “in loco parentis” ang level na pangangalaga required, may obligasyon pa rin ang mga kolehiyo at unibersidad na siguraduhin ang safety at kapakanan ng mga estudyante lalo na kung ito ay mga off-campus activities na kinakailangan para sa mga meaningful learning experiences.
Kasama dito ang mga internships, field trips, field studies, non-curricular based activities tulad ng immersions/reach-out programs, volunteer work, inter-school competitions, cultural performances, and team development activities.
Ito ay ayon sa policy na inilabas ng CHED o ang Commission on Higher Education. Safety and welfare ng mga estudyante ang pangunahing layunin nito.
At kung magkaroon ng estudyante na nasaktan or even worse ay namatay, ito ay bumabagsak sa general rule na lahat na guilty ng negligence o pagpapabaya ay dapat managot sa ilalim ng ating batas.
Hindi excuse na hindi sinasadya o isang aksidente lamang ang nangyari. Kung may mga indikasyon na preventable sana ang nangyari, at kung foreseeable ang danger at hindi ito naghanda, may posibleng liabilidad para sa pagpapabaya.
Lalo na kung meron na palang nangyari in the past in a similar training camp or field trip na nalagay na sa panganib ang isang estudyante, pero inulit pang muli. Kailangan na nilang maghanap ng plausible excuse para sa mga pangyayari.
Sabi din ng Korte Suprema sa isang kaso involving a university, 'pag nag-enroll ang isang bata, kahit na hindi ito menor de edad at adult na, kahit hindi na "in loco parentis" ang eskwelahan, merong kontrata sa pagitan ng paaralan at ng estudyante na ang paaralan ay may obligasyon na mag-provide ng isang safe learning environment. Dapat walang kakulangan sa pagprotekta ng paaralan sa mga naka-enrol sa kanila.
At talagang may obligasyon pa ang mga paaralan. Halimbawa, sa Anti-Hazing Law natin, bantay saraado ang mga organization. At hindi lamang ito sa mga fraternity at sorority – kasama ang mga academic and varsity sports clubs, cultural and performing arts groups, athletic teams – at malaki ang obligasyon ng paaralan na siguraduhin na walang mga initiation rites o physical, mental, emotional pasakit ang nangyayari.
Anong kaso ang maaaring ikaharap ng isang nagpabayang paaralan? Of course aside from other special laws tulad ng Anti-Hazing Law, merong criminal, civil at administrative na mga kaso.
Sa kahit na anong kaso, kahit na ito ay hindi isang deliberate na offense, kung may pagpapabaya na nangyari, posible ang paghain ng isang criminal na kaso kung maipapakita na ang level of negligence ay almost criminal na rin in nature.
Of course, ang civil liability for damages arising from negligence ay parating nandyan. Pero kahit anumang halaga ng danyos ay hindi makapapantay sa halaga ng buhay ng nawala. Para sa mga magulang at pamilya ng nasawi, never na magiging sapat ito na pambayad sa nakitil na buhay at namatay na mga pangarap.
Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw. Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip. Ask me, ask Atty. Gaby!