ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

OPINION: Ask Atty. Gaby: Usapang peke


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Atty., hindi lang tungkol sa ginto ang tanong. Sa araw-araw, nagkalat online ang mga pekeng tinda. Minsan o-order ka pero iba ang dadating kesa sa nasa picture! Minsan naman murang sofa pero pagdating, laruang sofa pala. Minsan pang branded ang presyo pero peke pagdating! Ano pong habol namin sa ganitong sitwasyon?

Sabi nga nila, all that glitters is not gold. Madalas tayong masilaw sa kinang ng mga bato – at sa sitwasyon nga na ito – ginto!

PANOORIN: 2 nagbebenta umano ng pekeng ginto, arestado

Pero peke naman pala at nabudol tayo sa galing ng kanilang modus at hocus-pocus kaya't naloloko tayong bumili.

Ang mga ganitong panloloko tulad nang mga nasakote sa video at sa tunay na buhay na talagang naloloko tayo sa galing ng sobrang pekeng advertising of course ay krimen sa ilalim ng Revised Penal Code at ito ang krimen ng estafa through false pretenses or deceit.

Apat ang element ng krimen na ito.

Ang una nga ay ang panloloko o ang pagkukunwari na ang isang bagay ay tunay pero fake pala – whether it is gold or a fake bag or a fake sofa.

Pangalawa, 'yung timing ng panloloko. Dapat ang panloloko ay bago kayo nagbigay ng pera. Kumbaga, hindi niyo ibibigay at itu-turn-over ang inyong hard-earned money kung hindi naman kayo niloko.

Pangatlo, ang inyong paniniwala sa mga representasyon at pangako ng seller. Kung wala ito ay hindi ninyo naman bibilhin ang mga gamit

At pang-apat ay nawalan o nag-suffer ng loss ang biktima.

Of course, kung ang bentahan ay ginawa o na-advertise online, halimbawa sa social media marketplace, sa mga e-commerce platforms, or messaging apps, mas mataas ang magiging penalty dahil ito ay labag sa Cybercrime Prevention Act: if the sale was made, advertised, or negotiated online.

At kung lima o higit pa ang gumawa ng scam, ito ay magiging non-bailable na krimen ng syndicated estafa na reclusion perpetua o hanggang 40 taon ang penalty.

Of course, labag din ang mga ganitong panloloko sa Consumer Act of the Philippines dahil sa fraudulent and deceptive sales practices at adulteration of substances. Pero ang maximum na kulong dito ay usually hanggang limang taon lamang. Pero puwede rin mag-file ng kaso dito.

Pero siyempre, puwede rin kayong maghabol du'n sa amount na nawala sa inyo. Pero mas mahirap sigurong habulin 'yon. But theoretically, puwedeng ikubra or hanapin ng biktima du'n sa mga nampeke sa kanila.

Tandaan natin, mga Kapuso, huwag pumayag na ma-tanso! Hindi lahat ng kumikinang ay ginto at hindi lahat ng maganda sa larawan ay totoo.

Bago magbayad, mag-verify muna ng seller, mag-ingat sa presyong sobrang baba at minsan ay kung sobrang taas din, at huwag matakot ipaglaban ang inyong karapatan kapag kayo ay naloko.

Dahil may batas na nagpoprotekta sa mga mamimili at may mga ahensiyang handang tumulong. Nandiyan ang PNP at ang NBI.

Huwag hayaang makalusot ang mga mapagsamantala at huwag ding hayaan na ang iyong pinaghirapang pera ay mapupunta lang sa mga manloloko.

Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw. Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip. Ask me, ask Atty. Gaby!