ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

OPINION: Ask Atty. Gaby: Senior citizen, nabudol


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Mga Kapuso! Budol alert! Kung gusto ninyong makaiwas sa modus, pakinggan n'yo ito.

Isang senior citizen na naman ang nabiktima ng pambubudol.

Ang modus? Kunwari, lalapit at interesadong bibilhin ang inyong alahas, susuriin, at pagkatapos, papalitan ng peke!

Gaya nito. Panoorin n'yo.

Makikita ang lalaking naka-helmet na tinitingnan ang suot na singsing ng sitenta'y singko anyos na lola.

Maya-maya pa, hinubad ng lola ang singsing at inabot sa lalaki.

Pero bigla na lang umalis ang suspek.

Ayon sa biktima, gusto raw bilhin ng lalaki ang kaniyang alahas pero matapos suriin, peke raw ang ibinalik na singsing.

Agad namang natunton at naaresto ang suspek na isang scrap gold buyer.

Naku, pag-usapan natin ang insidenteng ‘yan. Ask me! Ask Atty. Gaby!

Atty., ano ang habol ng biktima sa ganitong pambubudol?

'Yung mga masamang asal na tulad ng ganito ay definitely isang krimen at dapat parusahan – aside from the fact na siyempre dapat maibalik ang singsing na ito sa biktima.

Ang mas mahirap na tanong ay – ano ang krimen na dapat i-file sa mga masasamang loob na tulad nito na talagang nang-iisa sa kapwa – lalo na't ito'y isang senior citizen pa man din. Parang Bar exam question ang ganitong tanong.

Actually ang kaso ay maaaring theft o estafa, depende sa sitwasyon at kung paano o bakit ibinigay ni lola ang singsing sa kumuha dito. Meron kasing tinatawag na material o juridical possession.

Kung inabot lang ni lola ang singsing para inspeksyunin ng sandali at tingnan at kilatisin lamang at habang tinitingnan ito ay pinagpalit sa peke na singsing, ito ay theft o pagnanakaw lamang sa ilalim ng Article 308 ng Revised Penal Code. Ang pag-abot ni lola ng singsing ay nagbigay lamang ng tinatawag na material possession ng singsing at dapat ibinalik ito agad.

However, kung inabot ni lola ang singsing at may usapan sila na maaaring kunin ang singsing para ibenta sa iba, or para linisin o cleaning, or para ayusin o i-repair na may obligasyon na ibalik, ito ay hindi na simpleng pagnanakaw, kundi estafa na sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code.

Ito ay dahil ang pagbigay ng singsing na may usapan ay nagbigay ng tinatawag na "juridical possession" na 'pag hindi naibalik ng maayos ay nagiging krimen na ng estafa.

Kapag sinabing juridical possession, ibig sabihin ay may karapatan ang taong ito na hawakan at kunin ang singsing ayon sa usapan.

Halimbawa nito ay kung inabot ni lola ang singsing at sinabing, “Dalhin mo muna ito at ibenta mo para sa akin. Ibalik mo matapos ng isang linggo”. 'Pag pinalitan during that one week, ang krimen ay estafa.

Kaya paalala sa ating lahat, lalo na sa mga senior citizen: huwag basta ipahawak o ipasusuri ang inyong alahas sa taong hindi ninyo kilala, kahit magpakilalang buyer o eksperto ito.

Mas mabuti nang magpunta sa isang pinagkakatiwalaan na alahera o isang tindahan na may reputasyon na maayos kausap.

At kapag nabiktima ng ganitong modus, agad na magsumbong sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya para tulad sa kasong ito ay nahuli agad ang salarin.

Tandaan, ang panlilinlang ay maaari pa ring maging krimen kahit walang dahas o pamimilit.

Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw. Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip. Ask me, ask Atty. Gaby!