ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Patunay ba ang 'Philippine Treasures' na interesado ang Pinoy sa kanilang kasaysayan?


Interesado pa ba ang mga Pilipino sa kanilang kultura at kasaysayan? "Hindi lubusang totoo na wala tayong sense of history. Maaaring hindi lang natin talaga lubusang alam ang ating kasaysayan," tugon ni Lee Joseph "LJ" Castel, ang GMA-7 program manager na siyang nasa likod sa pagbuo sa konsepto ng dokumentaryong Philippine Treasures. Siyam na taon nang nagtatrabaho si LJ sa GMA-7 bilang producer at program manager ng ilang mga programa katulad ng Kapuso Mo Jessica Soho, Jessica Soho Reports, at Reunions. Sa isang sanaysay para sa GMA News Online, ikinuwento ni LJ ang kanyang karanasan sa pagbuo ng Philippine Treasures at kung bakit lalo niya ngayon ipinagmamalaki ang kanyang pagiging Pilipino.
* * *
Ngayon ko lang aaminin ito. Noong nag-shoot kami sa Chicago nitong Agosto para i-cover ang Golden Tara sa Field Museum, sa kauna-unahang pagkakataon, ikinonsidera kong manirahan na sa ibang bansa. Ito ay kahit pa isa ako sa mga numero unong nagsasabi noon na maski gaano pa kaganda o kaunlad ang ibang bansa, hinding-hindi ko pa rin ipagpapalit ang Pilipinas: “Wag kayong mag-alala, wala akong balak mag-TNT sa Amerika, at matagal na rin akong nakabalik ng bansa." Siguro ganoon lang talaga kapag malapit ka nang mawala sa kalendaryo, nag-iiba na ang perspektibo mo. Lalo pa kung marami ka ng mga kamag-anak at kaibigan na sa ibang bayan na ngayon nakikipagsapalaran. Lalo pa’t naging bahagi ka na ng ilang People Power (ako, isa lang) at tila malayo pa rin sa inaasahan mong lipunan. ‘Yung driver ng taxi na sinakyan ko na kamukha ni Bernie Mac at kaboses ni Eddie Murphy sa Shrek, kulang na lang bumula ang bibig sa paulit-ulit niyang pagsasabing, “Chicago is the best city in the world! I’ve been to different countries, but Chicago is the best city in the world!" Kamangha-mangha na isang blue-collar worker na siyang kalimitang unang-unang nag-a-angst sa lugar o bansa niya, ganoon na lang kung purihin ang Chicago.
Program manager LJ Castel poses with Philippine Treasures host Mel Tiangco in front of the Golden Tara at the Field Museum of Chicago. Philippine Treasures aired on GMA-7 last September 11.
Photo courtesy of LJ Castel
Eh dito sa Pilipinas, wala pa naman akong nasasakyang mamang driver na umuusal ng, “Manila is the best city in the world!" Kasi kung may magsabi noon, maski V. Luna papuntang GMA lang ang ruta ko, padidiretsuhin ko siya sa tambakan ng basura sa tapat ng National Museum sa Manila. Pasisinghutin ko lang siya doon, at tsaka ko siya tatanungin, “Ano po uli, kuya, ang best city in the world?" Sa halip, sa ilang taong sumasakay ako ng taxi, kapag nalaman ng mga driver na sa GMA ako bababa, may ilang magpapakawala na ng kung anu-anong tirada sa sistema ng ating bayan na para bang nag-apply sila sa aking maging komentarista sa radyo. Dahil naman sa trabaho ko bilang journalist, nakapunta na ako sa mga bansang Mexico, China at Korea -- sa mga bansang mas maunlad sa Pilipinas at may pagpapahalaga sa kanilang kasaysayan. Ang pangunahing binebenta ng kanilang turismo ay ang kanilang kultura. Ang Korea, sabihin mang naimpluwensyahan na ng Kanluran ang kanilang entertainment industry, nabigyan na nila ito ng sarili nilang touch. Bagkus, ipinanganak ang term na “Korean Pop Culture." Samakatuwid, isa na ring porma ng kultura. Ang shoot namin sa Golden Tara, pangalawang beses ko nang pagko-cover sa Amerika. Subalit sa pagkakataong ito, ewan ko kung bakit ngayon lang ako nalula sa ganda ng kanilang mga gusali at sa laki ng serving ng kanilang mga pagkain. May matinding recession na silang pinagdaanan sa lagay na ‘yan, ha. Noon lang ako nananalangin na sana bigla na lang lumabas si Oprah para gulatin ako at sabihing pasisikatin at payayamanin din niya ako katulad ni Charice. Kaya lang, ‘di ako marunong kumanta. At ni dulo ng kulot ni Oprah, ‘di ko rin nakita. At sa kadugyutan ko noong shoot naming iyon dahil sa jetlag at kangaragan sa paghahanda sa paghaharap namin ni Golden Tara, baka crew ng ibang American show ang gumulat sa akin doon, sabay sigaw ng “You are on Ambush Makeover!" Nairaos naman namin ang shoot sa Golden Tara kahit limitado lang ang binigay sa aming oras. Nakunan din namin ang ilang mga kagamitan ng ating mga katutubo na nasa kanilang storage area. Tunay na kamangha-mangha ang importansyang ibinibigay nila sa artifacts ng ating bansa. Sa loob ng Field Museum, masaya ang ambiance. Kulang na lang banderitas at banda, piyesta na! Ramdam mong ipinagmamalaki nila ang mayaman nilang kultura at kasaysayan ng sangkatauhan. Samantalang nang bumisita ako sa ating National Museum isang Linggo ng tanghali noong nakaraang taon, kulang na lang sumulpot doon si Lilia Cuntapay at baka malito na ako kung nasa location ba ako ng isang episode ng Shake, Rattle & Roll. Sa laki kasi ng gusali nito, mabibilang lang sa daliri ang bumisita nang araw na iyon. To think na Linggo ‘yun at free ang entrance tuwing Sunday sa National Museum. Mapa-paranoid ka tuloy sa mga nakakasalubong mo kung tao pa ba o fossil na. Pero ito rin ang nagbigay-daan para magka-ideya akong gumawa ng isang special documentary na tatalakay sa kalagayan ng artifacts ng Pilipinas. Sa malapitan kasi, talagang namangha ako sa kagamitan at sa mga kwento ng paraan ng pamumuhay noon ng ating mga ninuno. Napansin ko ring malaki na ang iginanda ng ating Pambansang Museo kumpara noong nag-field trip kami roon noong elementary. Pero ramdam mo ang kalungkutan nito, dahil marahil wala halos bumibisita rito. Ang kabalintunaan nito, isang uri rin ng kultura ang matindi nitong kakumpitensya-- ang mall culture nating mga Pilipino. Oo nga’t marami pang kailangang i-improve ang National Museum para mahikayat nila ang mga Pinoy na magka-interes sa ating kultura. Pero 'wag naman sana nating hintayin na magka-fountain, magka-Starbucks, o magka-ice skating rink pa ang National Museum bago tayo pumunta roon. Ganoon na rin lang daw kung balewalain natin ang ating mga museo dahil sa paniniwalang wala raw tayong sense of history. Ito rin ang parehong dahilan kaya dumaan sa butas ng karayom ang Philippine Treasures. Sa proposal pa lang, pinupukol na ako ng mga tanong kung paano gagawing interesanteng bagay ang isang dokumentaryong tumatalakay sa kasaysayan gayung wala nga raw sense of history ang mga Pilipino. Ang mga video rin daw, hindi gumagalaw, “mga banga-banga lang." Paano raw magiging kaaya-ayang panoorin? Kampante naman ako sa mga ka-trabaho ko, dahil halos lahat sa amin, naging staff ng Kapuso Mo, Jessica Soho -- ang programang literal na nagpapagulong at nagpapalipad ng mga sangkap ng pagkain sa TV para magmukhang exciting ang video. Higit sa lahat, ang mga “banga-bangang" ipi-feature namin, hindi basta-basta mga banga. Mga Maitum Jars ito ng Sarangani na may itsura at korte ng tao! Ang buong kwento ng pagkakadiskubre rito, pwedeng-pwedeng i-serialize ng 'Indiana Jones.' Isama pa riyan ang nakasisilaw na koleksyon ng mga ginto ng Ayala Museum. Sinong mag-aakalang namumutakti sa kagamitang ginto ang ating mga ninuno? Idagdag pa ang kontrobersyal na Monreal Stone na pinaniniwalaang may nakaukit na baybayin, na ginawa lang doormat dati ng mga estudyante. Nakakaintriga rin ang nakitang hikaw sa Boljoon na posible raw na pagmamay-ari ni Lapu-Lapu. Kumbaga, malakas ang loob ko na may maganda kaming materyal. Pinalad namang nakalusot ito sa pitching at mabusisi nang pinag-isipan ng grupo kung paano ito magiging kapana-panabik panoorin. Hanggang sa umere na nga noong September 11 ang Philippine Treasures. Habang umeere, naka-monitor na ako sa Facebook at Twitter para sa mga komento. At hindi pa man natatapos ang unang gap, ang dami nang nagre-react. Walang tigil ang comments at tweets, kahit pa magmamadaling-araw na! At nang natapos na ang palabas, laking gulat ko na lang na naging trending topic na ito sa Twitter sa Philippines at kinabukasan sa Yahoo! Philippines. Nakarating din sa amin ang mga balitang pinag-usapan na rin daw ito sa mga unibersidad at sa kung saan-saang umpukan. Dahil dito, may ilang nagde-demand ng replay, mga nakapanood man o hindi. Mayroon ding mga nagmumungkahi na magka-Part 2 at ‘yung iba nagsabing i-DVD na raw. Higit sa lahat, napukaw daw ang interes ng karamihan sa ating kultura at kasaysayan. Nagkaroon daw sila ng sense of pride bilang mga Pilipino. Sa halos siyam na taon ko sa industriyang ito, ngayon lang ako mangiyak-ngiyak sa sobrang pagka-overwhelm pagka-ere ng isang dokumentaryo. Sa komento ng mga manonood, ramdam kong may nagawa kaming tama. Higit sa lahat, ang panonood lang nila sa dokumentaryong ito ay patunay lang na uhaw tayo sa mga programang tatalakay sa kung sino ba talaga tayo bilang mga Pilipino at saan tayo tutungo. Ngayon ko pa ba iisiping umalis ng Pilipinas gayung nadiskubre kong kabilang pa rin pala ako sa isang bayan na may pagpapahalaga sa kanilang pinagmulan? Naisip ko tuloy, hindi lubusang totoo na wala tayong sense of history. Maaring hindi lang natin talaga lubusang alam ang ating kasaysayan. Noong Hunyo pa ang Independence Day at noong nakaraang buwan pa ang National Heroes’ Day. Ngunit ang pagtangkilik ng mga Pilipino sa Philippine Treasures ay patunay na walang pinipiling petsa ang pagsuporta sa mga palabas na tatalakay tungkol sa pagkakakilanlan ng ating lahi. Walang pinipiling okasyon para maramdamang buhay pa rin ang patriyotismo. Ngunit ang tanong, paano kaya mai-cha-channel ang pakiramdam na ito ng mga nakapanood para mas lalo pang umalab ang pagbibigay natin ng importansya sa ating kultura, kasaysayan at pagka-Pilipino? Lalo pa ngayong sinasabi lang nating proud tayong maging Pilipino sa tuwing nananalo si Pacquiao o kahit pa nasulot ni Leila Lopes ang korona mula kay Shamcey Supsup. Ayokong matapos sa dagsa-dagsang tweets lang ang lahat. Ayokong mag-trending lang ang lahat dahil ang ibig sabihin nito ay mawawala rin ito sa uso at mapapalitan ng ibang mga tweets o paksa, mas may katuturan man o kahit wala pa (#AnnoyingThingsPeopleSay). Dahil ang naramdaman nating biglaang pagpapahalaga sa kagitingan ng ating mga bayani at sa pagiging maabilidad ng ating mga ninuno, hindi naman pwedeng maisalin sa DVD. Ang pakiramdam na ito pwedeng walang replay o part 2. Lalo pa’t sa bandang huli, sino ba ang gumagawa (o kahit pa nagpapabaya at sumisira) at maituturing na Philippine Treasures? 'Di ba’t tayo rin? Oo nga’t muling ginising ng Philippine Treasures ang diwa natin ng nasyonalismo. Ngunit mula sa pagkamulat na ito, ano nga ba ang dapat nating susunod na hakbang bilang mga Pilipino? NOTE: Due to popular demand, Philippine Treasures will replay on either GMA News TV or GMA-7 soon. We will be keeping viewers posted on exact time and date. Thank you.