ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mark Jimenez pinapatestigo laban sa ex-justice secretary


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Nais ng proseksuyon na ipatawag si dating Manila Rep. Mark Jimenez sa Sandiganbayan upang tumestigo kaugnay sa robbery charge na isinampa laban kay dating Justice Secretary Hernando "Nani" Perez at tatlong iba pa. Sa mosyon na inihain nitong Martes sa anti-graft court, inihayag ni Assistant Special Prosecutor Lynette J. Ludan ang pagnanais nitong ipatawag si Jimenez (a.k.a. Mario Crespo) bilang testigo kapag sinimulan na ang pagdinig sa Hunyo 30, 2008. Itinuturing star witness ng prosekusyon si Jimenez laban kay Perez at asawa nitong si Rosario, bayaw na si Ramon Arceo, at negosyanteng si Ernest Escaler. Sinabi ng Office of the Special Prosecutor na maaaring ipadala ang subpoena ni Jimenez sa penthouse ng Essensa Towers sa The Fort, Taguig City. Ang kaso laban kay Perez ay batay sa reklamo na inihain ni Jimenez sa Office of the Ombudsman kaugnay sa umano’y pangingikil sa kanya ng dating kalihim ng DOJ na nagkakahalaga ng $2 milyon noong 2001. Inakusahan ni Jimenez si Perez na nanggipit sa kanya upang tumestigo labanan sa mga “prominenteng tao" at pinapagawa ng affidavit na magdidiin sa ilang personalidad tungkol sa manipulasyon sa stock market. Ito ay kaugnay umano sa plunder case na isinampa kay dating Pangulong Joseph Estrada na napatalsik sa pwesto noong 2001. Idinagdag ni Jimenez na tinakot siya ni Perez na ipakukulong kasama ang pamilya kung hindi siya magbibigay ng $2 milyon. Bagaman nagpahayag na si Jimenez na hindi na interesado sa kaso, inirekomenda pa rin ng Ombudsman ang pagsasampa ng kaso laban kay Perez noong 2007. Bukod kay Jimenez, nasa listahan din ng state witnesses sina Wayne Patrick Walsh, deputy principal government counsel ng Hong Kong-Department of Justice; Wendy Lee Wing Tak, manager ng Coutts Bank’s Regulatory Risk; Vladimir Stemberger, vice president and legal counsel ng EFG Private Bank. - GMANews.TV