ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Magna Carta sa kababaihan tiyak na ipapasa - Nograles
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA - Tiniyak ni Speaker Prospero C. Nograles nitong Huwebes na maisasabatas kaagad ang panukalang Magna Carta on Women na naglalayong matigil na ang diskriminasyon at pang-aapi sa mga kababaihan. "We will surely pass this landmark bill as a salute to the Filipino women," patungkol ni Nograles sa House Bill No. 4273. Abala ang Kongreso para sa nalalapit na pagbubukas ng ikalawang regular na sesyon ng ika-14 na Kongreso kung saan magbibigay ng kanyang State of the Nation Address (SONA) si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Hulyo 28. Sinabi ni Nograles na ang HB 4273 ay halaw sa 15 pinagsama-samang panukalang batas at apat na "privilege speeches" na hinimay ng House Committee on Women at Gender Equality. Ang Magna Carta on Women ay nabigong makalusot sa nakaraang tatlong Kongreso. Ngunit sa nakaraang pulong ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC), kabilang na ito sa mga panukalang batas na idineklarang "priority bills." Ayon kay Quezon City Rep. Nenette Daza, tagapangulo ng komite, ang panukalang batas ay alay sa lahat ng kababaihan. "Hindi lang ito magsisilbing panlaban sa diskriminasyon sa mga kababaihan, magbibigay din ito ng pagkilala, proteksiyon at magsusulong sa karapatang pantao ng mga kababaihan ano man ang antas ng kanilang pamumuhay." Magsisilbi rin umano itong katibayan sa nilalayon ng "Convention on the Elimination of All Forms of Discrimination Against Women (CEDAW)", na binuo noong September 1981 na ngayon ay mas kilala bilang "International Bill of Rights for Women, Women's Convention, at United Nations Treaty for the Rights of Women". Ang Pilipinas ang isa sa 185 na bansa na nagratipika at pinagtibay ang kauna-unahang international treaty na nakatuon sa komprehensibong karapatang pantao ng mga kakakabaihan partikular na sa aspetong sibil at pulitikal, maliban lamang sa kanilang pang-ekonomiya, panlipunan, kultural at personal na buhay pampamilya. Ang Magna Carta ay hindi lamang tumutugon sa pantay na pagkilala sa ilalim ng batas, isa itong paraan upang mabago, kundi man tuluyang maalis ang diskriminasyon laban sa mga kababaihan sa ilalim ng ilang mga batas na pinaiiral sa ating bansa, ayon kay Nograles. Kabilang umano rito ang Revised Penal Code's Articles 333 and 334 na tumutukoy sa pakikiapid kung saan ang isang babae ay agad-agad na nasasampahan ng kasong pakikiapid. Samantalang ang mga lalaki naman ay kinakailangan pang magpakita ng sapat na ebidensya na nakikisama na siya sa ibang babae maliban sa kanyang asawa, bago pa man siya masampahan ng kasong pakikiapid. Nais din remedyuhan ng Magna Carta for Women ang probisyon sa Family Code tulad sa usapain ng hindi pagkakaunawan ng mag-asawa hinggil sa "conjugal partnership," at "marital rape", at ang ilang probisyon sa Labor Code tulad ng "work prohibition for women workers". - Fidel Jimenez, GMANews.TV
More Videos
Most Popular