ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pasahero ng Pasig Ferry dumadami na rin


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA - Maliban sa mga tinatawag na mass transport system, nagiging alternatibong paraan ng transportasyon ngayon ng publiko ang Pasig Ferry na bumibiyahe sa ilog ng Pasig river sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at pamasahe sa mga pampublikong transportasyon tulad ng bus, jeepney at taxi. Sa ulat ni GMA news reporter JP Soriano sa Saksi nitong Martes, sinabi nito na ang Pasig Ferry ay bumibiyahe mula Pasig patungong Makati, Mandaluyong at Manila. Ang singil, P25 hanggang P45 depende sa destinasyon ng pasahero. Ngunit P20 lang ang singil sa mga estudyante kahit saan pa ito patungo. “Nagka-fare increase na po kasi di ba? Plus kung minsan yun ibang (jeepney) driver hindi po sila nag-aano ng student kasi po naka-civilian po kami kaya mas mahal po," pahayag ni Rubi Arzadon, sumasakay ng Pasig ferry. Sa ilalim ng batas, dapat bigyan ng 20 percent fare discount sa mga pampublikong sasakyan tulad ng jeepney ang mga mag-aaral. Una ng inulat na umaabot na sa kalahating milyon ang mga pasahero sa Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT) mula ng tumaas ang presyo ng langis at pamasahe. Ngunit ang resulta nito, mahabang pila at siksikan sa mga tren ng MRT at LRT. Ayon kay Jordan Puzon, station manager ng Pasig ferry, tumaas ng 40 porsyento ang kanilang pasehero mula nang tumaas ang presyo ng langis at pamasahe sa mga PUVs. “Ngayun umaabot na kami sa 200 pax (passengers) umaga lang yun, hindi pa kasama ang hapon," paliwanag niya. Kahit umuulan nitong Martes, pinili pa rin ng ilan na sumakay sa Pasig ferry tulad ni Carina Mercado na bumibiyahe mula Makati patungong Maynila. Tinatayang P45 ang ginagastos ni Mercado sa tatlong sakay sa PUVs mula sa Makati patungong Maynila. Pero sa Pasig ferry, siningi lamang siya ng P35. “P10 ang na-discount ko, Ok naman dito komportable walang traffic," aniya. Idinagdag ni Aida Igua na siya man ay gumagasto ng P300 sa taxi para sa balikang biyahe mula Makati hanggang Maynila. “Back and forth P300 kung magpe-ferry ka walang pang trapik tapos medyo makakapag- sightseeing ka pa," pagbahagi ni Igua. Ang Pasig ferry nag-ooperate mula 6 am hanggang 4 pm sa Pasig station hanggang Manila, at hanggang 7 pm mula Manila pabalik sa Pasig. - Fidel Jimenez, GMANews.TV