ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga klase sa Metro Manila kinansela dahil sa baha


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA, Philippines - Dahil sa mga bahang dulot ng malakas na pag-ulan ngayong Miyerkules ng umaga, napilitan ang mga opisyal ng lungsod ng Maynila, Kalookan, Malabon, Navotas, Taguig, at Las Piñas na suspendihin ang mga klase sa kani-kanilang mga nasasakupan. Sa isang panayam sa radyo dzBB, sinabi ni Jesus Mari Marzan, administrador ng Maynila, na kanselado ang mga klase sa elementary at high school sa nasabing lungsod dahil sa baha. Sakop ng kautusang ito ang pribado at pampublikong eskwelahan sa Maynila. Sa Navotas, kinansela din ni Mayor Tobias Reynold Tiangco ang klase sa private at public elementary at high schools. Ngunit di kasali dito ang City College of Navotas, ayon sa ulat ng dzBB. Ayon kay Tiangco, ang pag-ulan ngayong Miyerkules ay sumabay pa sa high tide na lalong nagpatagal sa pagkumpuni ng pangunahing water pump sa Navotas na nasira noong Linggo. Inaasahang maaayos ang nasabing pump sa Martes ng gabi. Gayundin ang naging aksyon sa Malabon ni Mayor Canuto Oreta dahil sa bahang dulot ng ulan. Inanunsiyo ang pagkansela ng klase sa lungsod ng alas-nuwebe ng umaga. Ikinalungkot ni Oreta na sa kabila ng pagkakaroon ng mega dike sa Malabon, hindi nito napigilan ang paglala ng baha sa lungsod. Sa Kalookan, sinabi ni city administrator Russel Ramirez sa isang panayam sa dzBB na mga bandang alas diyes nang i-anunsiyo na kanselado na ang klase sa mga pribado at pampublikong paaralan sa lungsod. Nagdesisyon ang siyudad matapos na kumunsulta sa mga lokal na opisyales ng Department of Education (DepEd). Sa Taguig naman, iniutos ni Vice Mayor George Elias na suspindehin ang klase sa mga pampublikong paaralan. Samantala, ipinaubaya niya sa mga pribadong paaralan ang desisyon kung sususpendihin ang kani-kanilang mga klase. Bandang alas onse ng umaga, dahil na rin sa sunod-sunod na pagkansela ng mga klase sa Metro Manila, sumunod na rin ang pamahalaan ng lungsod ng Las Piñas sa pagsuspinde ng kanilang mga klase sa hapon sa elemetarya at sekondaryang antas. Ayon kay Reynaldo dela Cruz, miyembro ng disaster coordinating team ng Las Piñas, napilitan ang pamahalaan doon na magsuspinde ng klase dahil maaaring dumami pa ang mga problema na dulot ng walang tigil na ulan. “Pumayag na kami na i-suspend ang lahat ng klase sa hapon kasi baka lumakas ang ulan. Eh may mga bata na hindi pa nakakapasok, kaya tinawagan namin ang lahat ng schools sa amin," ani Dela Cruz. Sinabi rin niya na ang malakas na pag-ulan kaakibat ang high tide ay nagdulot ng bahang abot-tuhod sa dalawang paaralan sa siyudad, ang Las Piñas National High School at ang Daniel Fajardo Elementary School. “Iyon pong mga school sa amin na inaabot ng tubig, konting ulan lang po kasi high tide, hanggang tuhod pataas po," dagdag ni Dela Cruz. Magsasagawa na lamang daw sila ng mga dagdag na klase kapag Sabado at Linggo para mabawi ang mga nawalang araw sa kanila. Sa naunang panayam sa radyo dzBB, sinabi ni Teresita Domalanta, direktor ng DepEd-National Capital Region, na iniwan na nila ang desisyon na magsuspinde ng klase sa mga opisyal ng mga paaralan at mga lokal na pamahalaan dahil wala namang signal na idineklara sa Metro Manila. "Sa ngayon po dahil wala tayong signal, usually pag walang signal discretionary ito sa part ng local governments at school officials natin," ani Domalanta. Sinabi rin niya na inoobserbahan pa ng DepEd ang sitwasyon at naghihintay pa sila ng mga updates galing sa mga lokal na pamahalaan tungkol sa kani-kanilang mga nasasakupan. "Actually nakamonitor na tayo at maga-update sila kasi iba-iba ang sitwasyon sa iba't ibang lugar ng Metro Manila," ani Domalanta. - GMANews.TV