ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

4 na miyembro ng pamilya pinaslang sa Bulacan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Apat na miyembro ng isang pamilya ang natagpuang patay sa loob ng kanilang bahay sa San Jose del Monte City sa Bulacan, ayon sa ulat ng pulisya nitong Biyernes. Sinabi ni Senior Police Officer (SPO) 1 Roger Villalun sa GMANews.TV, na natagpuan ang mga labi ng mga biktima na may tama ng bala sa katawan sa loob ng kanilang bungalow-type na bahay sa Pleasant Hills Subdivision sa barangay San Manuel. Kinilala ang mga biktima na mag-asawang Teofilo at Florita Mojica, ang kanilang 19-anyos na anak na si Mary Grace, at pamangkin na si Nina Sangangbayan, 24. Sa isang ulat sa himpilan ng radyo, sinabing si Teofilo ay nagtatrabaho sa Department of Agriculture at miyembro ng board of director sa asosasyon ng mga kawani sa nasabing ahensya. Maging ang pamangkin ni Teofilo na si Nina ay nagtatrabaho rin sa DA, habang graduating student naman sa kursong Business Administration sa Miriam College sa Quezon City ang anak nitong si Mary Grace. Ayon sa paunang imbestigasyon, nakarinig umano ng putok ng baril ang mga kapit-bahay ng biktima dakong 3:30 am. Naghinala umano ang mga kapit-bahay na may nangyari sa pamilya Mojica nang mapansin na bukas pa ang ilaw sa bahay nito kahit umaga na. Nakita umano ang mga labi ng mga biktima nang sumilip ang isang kapit-bahay sa bintana. Nakita ang mga labi ni Teofilo na katabi ng kanyang asawa sa kusina, habang sa labas naman ng kwarto nakita ang dalawa pang biktima. Nakakuha ng mga basyo ng bala mula sa cal-45 baril ang mga imbestigador. Inalis ng mga awtoridad na pagnanakaw ang motibo sa krimen dahil wala umanong nawala sa gamit ng mga biktima. Bukod pa rito, wala rin umanong palatandaan na sapilitang pinasok ang bahay kaya may hinala na kilala ng mga biktima ang mga salarin. - GMANews.TV