ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

'Destabilization plot' lumang tugtugin - mga mambabatas


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA, Philippines – Kinastigo ng tatlong mambabatas ang ipinalutang na panibagong destabilization plot laban sa administrasyon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa pagsasabing “lumang tugtugin" ito. Tahasang ipinahayag ni Senate Minority Leader Aquilino “Nene" Pimentel Jr na lumang tugtugin na ang napapabalitang destabilization plot laban sa administrasyon. “Panahon na naman ng budget hearing kaya lumalabas na naman ang ganitong usapin," ani Pimentel. Naniniwala si Pimentel na walang ibang layunin ang pagpapalutang ng destabilization plot kundi magpadagdag ng pondo ang Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa intelligence funds. “Gusto lamang nila na magpadagdag ng pondo, kung kaya’t muling lumalabas itong destabilisasyon na lumang tugtugin na," wika pa ni Pimentel. Dahil dito, tiniyak naman ni Pimentel na hindi basta-basta kakagatin ng Senado ang naturang argumento bagkus sasalain nang mabuti ang kahilingan ng AFP ng dagdag na pondo. Hindi rin pinatulan ni Sen. Gregorio Honasan ang panibagong destabilization plot dahil wala umanong maidudulot ito sa pambasang seguridad bagkus, dapat asikasuhin ng militar ang pagsugpo sa mga terorista at bandidong grupo. Aniya, mas makabubuting asikasuhin lamang nito ang pagpapalawig ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) bago matapos ang taon kaysa patulan ang patutsada ng liderato ng militar hinggil sa destabilization plot. Sinabi naman ni Sen. Francis Escudero na walang ibang gumagawa nito kundi ang gobyerno mismo ni Pangulong Arroyo. Aniya, ginagamit ng Palasyo ang ganitong senaryo upang itaboy ang kritisismo sa lumalalang corruption charges laban sa administrasyon. "It's the oldest trick in the book. If you are being criticized, create a diversion. Invent tales so that from an aggressor you become the aggrieved party and people will start casting their sympathies at you," aniya. Matatandaan na lumutang sa internet ang isang grupong tinawag na “Sundalong Tagapagtanggol ng Pilipino" na naglalayong guluhin ang gobyerno upang mapalitan ang liderato sa Palasyo. “Totoo ba ang grupong ito tulad ni Santa Claus? Ito ba ang pinahuling lumabas sa disinformation factory ng Palasyo?" tanong ni Escudero. - GMANews.TV