ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga kontratistang 'pinarusahan' ng WB inabswelto sa Kamara


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Kung nagisa sa Senado, mistulang inabswelto naman ng Kamara de Representantes nitong Miyerkules ang mga lokal na kontratista na ipina-ban ng World Bank na makasali sa bidding ng mga infrastructure projects na pinondohan nila sa Pilipinas. Sa pagdinig ng House committee on public works and highways, nagmistulang sumbungan ng mga ipina-ban na kontratista ang mga kongresista sa umano’y hindi patas na pagpapataw ng parusa sa kanila. Inihayag din ni DPWH undersecretary Manuel Bonoan na kabilang sa mga mapagkakatiwalaang kontratista ang mga kumpanyang ipina-ban ng WB. "These three contractors... are one of the most reliable contractors we have in the department, in the country," patungkol ni Bonoan sa CM Pancho Construction, Inc., EC de Luna Construction Corp., at Cavite Ideal International Construction and Development Corp. Ayon kay Southern Leyte Rep. Roger Mercado, tagapangulo ng komite, walang naibigay na matibay na ebidensya ang WB na magpapatunay na nagkakaroon ng sabwatan ang mga kontratista para makakuha ng kontrata. "Walang collusion…We do not have the evidence to support the criminal act of collusion. Under our rules, we have to present real evidence that is factual and we need witnesses to support these allegations. Unless those are acquired, we cannot prosecute... As far as the committee is concerned, their [World Bank] letters and documents submitted are merely recommendatory, they do not pinpoint any liability," ayon sa kongresista. Ngunit irerekomenda umano ng komite na magkaroon ng pagbabago sa Republic Act 9184, o ang Procurement Law, upang magkaroon ng patakaran ang bidding committees para mabisto ang mga kumpanyang sangkot sa kartel sa pagkuha ng kontrata. Galit kay Miriam Nagpahayag naman ng sama ng loob si Davao del Sur Rep. Marc Douglas Cagas IV kay Sen Miriam Defensor Santiago dahil sa pahayag ng huli na “nabili" na ang Kamara para depensahan ang mga kontratista. "I am very regretful that I campaigned for her in the first district of Davao del Sur," pahayag ni Cagas. "I hope the good senator, with all due respect to her, treats the House of Representatives with more courtesy and respect." Una ng naglabas ng sama ng loob kay Santiago si Zambales Rep. Ma. Milagros Magsaysay na nagsabing hindi makatwiran ang patutsada ng senador sa kanilang mga kongresista. Sa isinagawang pagdinig tungkol sa report ng WB nitong Martes ng Senate committee on foreign affairs na pinamunuan ni Santiago, nagisa ng husto ang mga kontratista at nakaladkad pa ang pangalan ni First Gentleman Jose Miguel Arroyo. Ngunit ayaw patulan ni Santiago ang tampo sa kanya ng mga kongresista partikular si Cagas. “I’m not going to dignify that with a response. I only respond to people who are high on the food chain, who he?," pahayag ng senador. Nanindigan naman ang WB na masusi nilang inimbestigahan ang umano’y sabwatan ng mga kontratista sa pagkuha ng kontrata sa mga infrastructure projects sa bansa na pinondohan ng kanilang ahensya. Hinay-hinay kay G. Arroyo Binalaan naman ni Senate President Juan Ponce Enrile ang mga kasamahan sa pagdawit kay G. Arroyo sa kontrobersya sa desisyon ng WB laban sa mga kontratista. "Wala pa namang ebidensiya na the money was for the First Gentleman. It was denied by (Eduardo de) Luna. We will see in due course what will happen," ayon kay Enrile. Inatasan niya si Santiago na ituon ang imbestigasyon sa usapin kung bakit na-ban ang mga kontratista. "The main thrust of the investigation is the problem of the World Bank. I'm not against investigation about any person by the Senate, even if the person being investigated is the husband of the President but I think we'll have to be circumspect in the handling of the investigation so that it will not go into any direction, not necessarily expanding from what it originally was," payo ng lider ng Senado. "Dapat mauna munang ipatawag yung witness ni Sen Lacson bago si FG (Arroyo). May binanggit siyang pangalan, so dapat iyon muna ang unang isalang bilang witness sa nasabing investigation," idinagdag ni Enrile. - GMANews.TV