ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

MMDA walang karapatang magtaboy ng vendors -- solon


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Iginiit ni Senador Francis Escudero na ilegal ang ginagawang sidewalk clearing operations ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Metro Manila. Inihayag ito ng mambabatas matapos pamunuan ang pagdinig nitong Martes ng Senate Committee on Justice and Human Rights, kaugnay sa mga reklamo ng sidewalk vendors laban sa pang-aabuso umano ng mga tauhan ng MMDA. "Ang ating Korte Suprema mismo ang nagsabing walang police power ang MMDA. Ibig sabihin, wala itong karapatan o kapangyarihan na mangumpiska ng mga gamit na pag-aari ng mga sidewalk vendors lalo na ang karapatan na sirain ang mga ito," ayon kay Escudero. Kinuwestyon din niya ang kapangyarihan ng MMDA na magpaalis ng mga sidewalk vendors. Wala umanong nakasaad sa Republic Act 7924, ang batas na nagtatag sa MMDA na maaaring magpasa ng mga ordinansa o resolusyon ang ahensya upang ipatupad ang kahit na anumang maisip nitong plano. "Ang MMDA ay isa lamang ahensyang administratibo. Hindi katulad ng mga Konseho sa mga lungsod sa Maynila na kayang magpasa ng mga ordinansa para sa ikabubuti ng mga mamamayan," paliwanag ni Escudero. At kahit pa gamiting palusot ng MMDA na pinapayagan sila ng lokal na pamahalaan na magsagawa ng sidewalk clearing operation, sinabi ni Escudero, hindi naman tama na pwersahang kunin ng mga tauhan nito o sirain ang gamit ng mga vendor. "Mayroon tayong tinatawag na due process of law. Ibig sabihin, kung may kukumpiskahin na mga gamit o sisirain, dapat dumaan sa proseso. Hindi yung pwersahan at walang pagdinig," ayon sa senador. Natuklasan din ng mambabatas na walang ginagawang imbentaryo ang MMDA sa mga kinukumpiskang gamit ng mga vendor kaya hindi nito alam kung papaano mababayaran ang mga tindera. - GMANews.TV
Tags: mmda