ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Roxas, Pangilinan magkasalungat sa paglaya ni Jalosjos


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Kinuwestiyon ni Senador Francis Pangilinan ang pagpapalaya kay dating Zamboanga Del Norte Rep. Romeo Jalosjos matapos mabawasan ang hatol na pagkakakulong na inaprubahan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Sa panayam ng media, sinabi ni Pangilinan na magdudulot lamang ng masamang pananaw sa publiko ang pagpapalaya kay Jalosjos dahil mistulang pinapaburan ng Malacanang ang mayayamang bilanggo. “Lumalabas tuloy na kung sino ang mayayaman at may impluwensiya sa lipunan ang siyang mabilis na nakalalaya sa kulungan," ayon sa senador. Ang nangyari umano sa kaso ni Jalosjos na hinatulan ng korte na dalawang ulit na makulong ng habambuhay dahil sa panghahalay sa 11-anyos na babae, pero nakalaya pagkaraan lamang ng 13-taon ay mag-iiwan ng maling impresyon sa publiko. “Hindi pa rin mawawala sa tingin ng taumbayan, wrong or right na ang sistema ng katarungan ay pumapabor sa mayayaman at bias sa mahihirap “ pahayag ni Pangilinan. Wala naman umanong nakikitang mali si Sen. Mar Roxas sa pagpapalaya kay Jalosjos kung tunay na naging maganda ang record nito habang nakapiit sa New Bilibid Prison. “Lahat ng bilanggo dapat lamang na bigyan ng pagkakataon na makapag-bagong buhay. At hindi dapat pagkaitan ng hustisya kung karapat-dapat na makapagbagong-buhay," ayon kay Roxas na kapatido ni Pangilinan sa Liberal Party. Hindi naman nalalayo ang pananaw ni Muntinlupa Rep. Rozanno Rufino Biazon sa posisyon ng kapartidong si Pangilinan tungkol sa masamang impresyon na maiiwan sa isip ng publiko sa kaso ni Jalosjos na nakalaya nitong Huwebes. “It just goes to show that justice in the Philippines is still for the privileged," pahayag niya sa text message. "I hope that other inmates will likewise be released based on their good behavior, because not all of them can afford to put up their own foundation, construct a chapel and tennis court to earn good conduct [time] allowance." - GMANews.TV