ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Panukalang batas para protektahan ang mga bagong nurse inihain
MANILA - Isang panukalang batas ang inihain sa Kamara de Representantes para ipagbawal sa mga pamunuan ng pagamutan na singilin ng anumang uri ng bayarin ang mga bagong nurse na nais makakuha ng karanasan sa pagtatrabaho sa ospital. Sa isang pahayag nitong Sabado, ipinaliwanag ni Laguna Rep. Edgar San Luis na may natanggap siyang impormasyon na may ospital na sumisingil ng fee sa mga nurse na nais magkaroon ng karanasan bilang bahagi ng rekisitos para makapagtrabaho sa ibang bansa. Sa ilalim ng House Bill 5985 na inihain ni San Luis, ang mga pagamutan na mapatutunayang naniningil sa mga bagong nurse ay mabibilanggo ng hindi lalagpas sa isang taon. Nakasaad din na ang lalabag sa panukala ay pagmumultahin ng hindi lalagpas ng P100,000 na sisingilin sa pangulo, ingat-yaman o sa sinumang responsable kapag ang may pananagutan ay asosasyon, korporasyon o organisasyon. Bibigyan din ng babala ang pagamutan sa unang paglabag, at suspensyon naman na hindi lalagpas ng anim na buwan sa ikalawang paglabag. Ngunit kapag naulit pa ito sa ikatlong pagkakataon ay tuluyang kakanselahin ang lisensya ng ospital. Kailangan ding isauli ng pagamutan ang ibinayad ng nurse kasama ang anim na porsyentong tubo sa bawat taon. Ipinaliwanag ng kongresista na ang kakulangan ng trabaho sa Pilipinas para sa mga nurses ang nagtutulak sa kanila para mangibang bansa. Sa tinatayang 70,000 nurse sa bansa, sinabi ni San Luis na kalahati sa mga ito ay walang trabaho kaya marami sa kanila ang nagtatrabaho kahit malayo sa kanilang propesyon tulad ng call centers, retail stores at iba pa. - GMANews.TV
Tags: nursing, pinoynurse
More Videos
Most Popular