Filtered By: Topstories
News

Dayuhan kasamang ipapako sa krus sa Bulacan


PAOMBONG, Bulacan— Kabilang ang isang Australyano sa mga deboto na magpapapako sa krus sa Brgy. Kapitangan sa bayang sa Biyernes Santo. Kinumpirma ni Jennifer Mae Cruz, ng Provincial Tourism Office, na mayroon 35-anyos na dayuhan na kasamang magpapako sa krus ngunit tumanggi siyang pangalanan ito. Inamin naman ni Buboy Dionisio, kasama sa magpapapako krus sa Biyernes, na may kasama silang dayuhan na mamamanata sa Biyernes. “Nanaginip din daw siya (dayuhan) at may mensahe sa kanya ang Diyos kaya hinanap niya ako at sinabing sasama sa amin sa Biyernes Santo," ayon kay Dionisio, pinakabatang ipinako sa krus sa Brgy. Kapitangan sa edad na 15. Ayon kay Dionisio, magpapapako sa krus sa ika-15 pagkakataon, na kadalasan ay nakakatanggap sila ng mensahe sa Diyos kaya sila nagpapapako. Inihayag naman ni Joan Brookfield, isang dayuhang mamamahayag mula sa Australian Broadcasting Corporation (ABC), na magsasagawa sila ng dokumentaryo sa tradisyunal na paggunita ng Mahal na Araw sa Bulacan. Kaugnay nito, sinabi ni Father Mar Arenas ng Divine Mercy National Shrine sa Marilao na hindi pabor ang Simbahan sa pagpapapako sa krus para ipakita ang pananampalataya sa Diyos. Sinabi ni Arenas na may ibang paraan ng pagpapakita ng pagsisisi at pananampalataya bukod sa pagpaparusa sa sarili. “They can do it in a more constructive way, puwede silang tumulong sa mga kapus-palad, o kaya ay maglinis sa kapaligiran lalo na sa ilog dahil iyon ay mas naaayon sa isinasaad ng Bibliya at katuruan ng simbahan," paliwanag niya. - GMANews.TV